The Love Of My Life by Ladyshane Lanmarks


Teaser:

Lumaking salat sa materyal na bagay si Rafael. Bata pa lang ay hindi na niya nakagisnan ang tunay na ama at wala namang sinasabi sa kanya ang ina. Dahil sa kahirapan ay kaakibat na ng buhay ang pangungutya ng tao sa kanila.

Noong una’y binabale-wala lamang niya ang mga masasakit na salita ng kapwa. Ang mahalaga ay kapiling niya ang ina at ang nag-iisang babaeng ipinaramdam sa kanya na mahalaga siya bilang isang tao at bilang isang lalaki.

Subalit paano kung biglang magbago ang lahat? Paano kung ang mga masasakit na salita sa tanang-buhay niya na hindi niya inaasahang maririnig ay manggagaling lang pala sa pinakaimportanteng tao sa buhay niya?

Dahil doon ay napuno ng galit ang kanyang puso. At sa paglipas ng panahon ay hindi man lamang naibsan ang sakit at kirot na dulot niyon.
Isang solusyon lang ang puwedeng makapagpatanggal n’on—iyon ay ang parusahan ang babaeng nagdulot sa kanya ng labis na sakit.

Ano kayang parusa ang ipapalasap ng isang Rafael Falcon sa taong nang-alipusta sa kanila noon?


CHAPTER 1

“ANAK, tama na muna iyan. Mahuhuli ka na sa pagpasok. Pabayaan mo na iyan,” pigil ng ina sa ginagawa ng binatilyo. Nilalabhan ni Rafael ang mga labadang hindi natapos ng inang si Lorenda bago siya pumasok sa eskuwela. Nakatira sila sa isang maliit na barong-barong sa kasulok-sulukan ng Baseco, Manila. Pagtitinda ng kung anu-anong kakanin sa umaga ang trabaho ng ina at tumatanggap ng labada sa gabi para lang tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Doon na rin kinukuha ang baon niya sa eskuwela. Wala naman siyang problema sa matrikula dahil libre naman siyang nakakapag-aral sa Cory Aquino National High school—isang pampublikong paaralan na ipinatayo ng pamilya Aquino sa pusod ng Baseco.

Si Rafael ay matalinong bata at sinuwerte siyang mabigyan ng full scholarship sa programa ng dating namayapang ina ng presidente. Gayunpaman, dahil sa taas ng mga bilihin, hindi sumasapat ang kinikita ng ina mula sa paglalaba at pagtitinda. Kaya kinakailangan niyang tulungan ito. Ume-extra siya sa mga pedicab ng kanilang kapitbahay pagkagaling sa eskuwela, suwerte nang kumita siya ng singkuwenta pesos kada pasada dahil hati sila sa may-ari ng pedicab. Pero hindi niya alintana iyon, ang mahalaga ay may pantawid-gutom sila ng ina. Kung minsan ay siya na rin ang naglilinis ng principal’s office at sa buong faculty room ng mga guro para pandagdag sa kita.

“Pero, `Nay—”

“Anak, ako na sabi’ng maglalaba riyan. Mag-aalas siyete na. Sige na, maghanda ka na at pumasok na,” taboy ulit ng ina.

“Eh, magtitinda pa ho kayo,” aniya na ikinalungkot naman ng hitsura ng ginang. “B-bakit po, Nanay? May problema po ba?”

Nagulat pa siya nang makitang tumulo ang mga luha ng ina.

“Anak, hindi na puwedeng magtinda sa mga gilid-gilid. Mahigpit nang ipinagbabawal iyon ng chairman. Gumawa sila ng palengke para sa mga magtitinda.”

“Eh, `yon naman pala, `Nay. Mas mabuti iyon para hindi ka na nahihirapang magtutulak ng kariton.”

“Iyon na nga, anak, eh. May mga puwesto sa palengke pero kailangan munang bayaran at kumuha ng business permit sa barangay. Wala tayong pambili ng puwesto roon, anak, at pambayad ng business permit.”

Tuluyang nalaglag ang mga balikat niya. Paano na sila ng ina? Hindi sasapat ang kinikita nila sa paglalaba at pagpe-pedicab niya na hindi naman permanente. “Magkano raw ho ang gagastusin?”

“Labinlimang libo, anak,” umiiyak pang sagot ng ina.

Namilog ang mata niya sa laki ng halaga. Saan nila kukunin ang perang iyon?

“BILISAN niyo naman po, Mang Cardo. Mahuhuli na ako sa klase ko, eh,” susog ng dalagitang si Erise sa driver ng ama. Isang kapitan ang kanyang ama sa Baseco, Tondo, Manila. Ang bahay nila ang maituturing na pinakamalaki sa lugar na iyon. Si Mang Cardo ang naghahatid sa kanya papunta sa pinapasukan niyang pribadong paaralan sa kalakhang Maynila.
“Ito na nga ho, Ma’am Erise. Pero masyado hong masikip kapag ganitong oras, eh.”

“Eh, bakit po ba kasi kayo dumaan dit—” Hindi na niya nagawang tapusin ang sasabihin nang biglang magpreno ang lalaki sa matubig na kalsada. “Ano’ng nangyari?” Dumungaw siya sa bintana at nakita niya ang isang matangkad ngunit payat na payat na binatilyo. The guy bathed with turbid water. A little concern rubbed her towards the boy while examining his figure. It was like he was not eating so well and looked so malnourished. But there was something different on this man—his eyes. He got pair of blue eyes which made him looked strange.

“Mang Cardo naman, muntik na kayong makapatay, oh!” singhal niya sa driver, saka binuksan ang bintana. “Pasensiya ka na. Hindi sinasadya ni Mang Cardo na basain ka,” mabait niyang hingi ng paumanhin.

NAKITA ni Rafael ang dalagitang dumungaw sa `di kamahalang kotse. Napakaamo ng mga mata nito na tila laging nangungusap. Mga pilik-matang tila hinulma dahil sa sobrang lantik ng mga iyon. Tamang-tama ang tangos ng ilong nito. Ang magaganda nitong pisngi ang tumunaw sa lahat ng inis niya kanina. Paniguradong hindi na siya makakapasok dahil sa tinamong dumi.

“Okay lang, Miss. Sa susunod, dahan-dahan lang sa pagmamaneho.” Hindi niya alam pero nakuha pa niyang ngumiti sa dalagita.

“Maraming salamat, ha? Ako nga pala si Erise. Pasensiya na ulit kung `di ka na makakapasok. Mauna na kami, male-late na kasi ako. Ito nga pala ang number ko, puwede mo akong tawagan sa bahay.”

Nakita niyang nagsulat ang dalagita sa isang papel at iniabot nito iyon sa kanya. Numero ng landline ang nakita niyang nakasulat doon. Nag-alangan pa siyang tanggapin iyon pero sa huli ay kinuha na rin niya. Something urged him to know the girl more than just an acquaintance.

DOON nagsimula ang pagkakaibigan nila ni Erise. Mabait ang dalagita at itinuring siyang espesyal na kaibigan. Para kay Rafael ay wala nang papantay pa sa lugar ni Erise sa kanyang puso. Noong una pa lang niya itong makita ay alam na agad niyang inokupa nito ang isang bahagi ng kanyang pagkatao. Subalit hindi niya kayang aminin iyon. Isa pa, malaki pa ang problema nilang mag-ina. Hindi niya puwedeng unahin ang kung anumang nasa kanyang damdamin, at pag-aaral ang dapat niyang atupagin. Tama na iyong parati niya itong kasama tuwing hapon.

Naipakilala na rin niya ito sa kanyang ina. Lalo lamang sumidhi ang atraksiyon niya sa dalagita nang wala siyang makitang pag-aalinlangan at pagbabago sa trato nito sa kanya bilang kaibigan kahit pa nakatira sila sa isang mabahong lugar, hindi katulad ng ilang mga kaibigan niya na kapag nakikita kung saan sila nakatira ng ina ay bigla na lamang nagbabago at siya’y iiwasan.

“Erisalda!” nagulat silang pareho sa malakas na tawag ng ina ng dalagita.

“Mama!”

“Halos halughugin na ng iyong ama ang buong Tondo sa pag-aakalang nawawala ka! Dito ka lang pala nakikipaglandian kasama ng pulubing iyan!”

Napayuko ang dalagita sa tahasang pagpapahiya ng ina nito sa kanya. Nakaangkas si Erise habang masayang namamasada siya ng pedicab. “`Ma, please, huwag po kayong magsisigaw rito.”

“Sakay sa kotse!”

“`Ma…”

“Sakay sabi, eh!”

Naaawang tingin ang ibinigay ni Erise sa kanya bago ito lumulan ng kotse. Nakita pa niya ang pagpatak ng luha ng dalagita bago ito pumihit. Nasasaktan siya dahil nasasaktan ito.

TATLONG araw na hindi nagkita sina Erise at Rafael. Walang lakas ng loob ang binatilyo na puntahan ang dalagita sa tahanan ng mga de Guzman dahil baka ipagtabuyan siya ng ama nito lalo na ng ina nito.

“Puwede bang makisakay?”

“Erise?!” Nagulat si Rafael nang sumulpot ang dalagita sa kanyang likuran.

Dahil sa nadaramang pananabik para sa dalagita ay wala sa oras na nayakap niya ito. Nabigla ito, ngunit kalaunan ay gumanti na rin ito ng yakap.

“Na-miss kita. Sobra,” madamdamin niyang sabi.

“Na-miss din kita, Rafael. Tumakas lang ako sa bahay para lang makita ka.” May luhang pumatak sa mga mata nito.

“Don’t cry, please. Alam mo bang mas nasasaktan ako kapag nakikita ko ang mga luhang iyan?” aniyang mas hinigpitan pa lalo ang pagkakayapos sa dalagita.

Mas lalo itong napahikbi dahil sa sinabi niya. “R-raf, hindi ko alam kung ano’ng tawag sa nararamdaman ko para sa `yo,” naguguluhang sabi nito.

Tiningnan niya ito pero nakayuko lang itong nagsalitang muli.

“P-pakiramdam ko, hindi kompleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita. Hindi ako mapalagay at hindi rin makangiti. `Tapos kapag nasa tabi kita, parang lumulundag ang puso ko sa saya,” inosenteng turan ni Erise na ikinangiti niya nang malapad.

“Gan’on din ang nararamdaman ko, Erise. Pareho nating mahal ang isa’t isa.”

Napamulagat ang dalagita sa tinuran niya.

Sa murang edad ay nakilala nila ang salitang “pag-ibig.” Walang araw na hindi siya masaya kapag kasama ito. Kahit na hindi tanggap ng ina ng dalagita ay dinala pa rin siya sa tahanan ng mga ito upang ipakilala bilang nobyo.

Walang magulang na gugustuhing umibig ang anak sa napakamurang edad, pero dahil kinakitaan siya ng ama ni Erise ng talino at kasipagan ay binigyan sila nito ng limitasyon. Ngunit hindi ang ina ng dalagita.

“KAHIT kailan ay hinding-hindi ko papayagang madikit ang anak ko, lalo na ang maging boyfriend ang isang katulad mong pusali!”

Nagulat si Rafael sa binitiwang salita ng ginang isang araw na namamasada siya. Dumaan ito at huminto sa tapat niya para lang sabihin iyon. Matatalim ang titig nito bago siya nilampasan.

“PAANO, bukas ulit, cherry cake,” nakangiting paalam ni Rafael kay Erise. Kasalukuyan silang gumagawa ng kanya-kanyang assignments sa maliit na kubo sa bahay ng mga ito.

“Sige, lemon pie. Bukas ulit, ha?” nakangiti ring paalam ng dalagita.

Akmang aalis na siya nang marinig nila ang napakalakas na boses ng ina nito.

“Arnel! May nakapasok na magnanakaw! Ang mga alahas ko! At ang pera ko, wala na!” umiiyak na sigaw ng ginang. Bigla naman silang napatakbo sa loob ng bahay. “Sino ang nagnakaw sa inyo? Sabihin niyo kung sino ang pumasok dito sa sala na wala ako!” Nanggagalaiting dinuro ng ginang ang dalawang katulong.

“S-si Rafael po ang nakita ko, Ma’am,” takot na takot na sagot ng isa.

Kumunot ang noo ng binatilyo.

“Manang Pacita, oho, pumasok po si Rafael dito dahil inutusan ko siyang kumuha ng tubig,” malumanay na pagtatanggol ni Erise sa kasintahan.

“Matagal na akong nag-iiwan ng pera sa sala at walang nawawala, Erisalda!” Nag-aapoy na sa galit ang ina ni Erise. “Akin nang bag mo!”

“Ho?” gulat niyang reaksyon.

“Rafael, patunayan mo kay Mama na hindi ka magnanakaw.”

Doon niya naintindihan ang lahat: na pinagbibintangan siya ng ina ni Erise. Dahan-dahan niyang ibinigay sa ginang ang kupas na kupas niyang dilaw na backpack.

Gulantang silang pareho ni Erise sa nakitang hawak-hawak ng ginang mula sa kanyang bag. Agad niyang nakita ang kakaibang ekspresyon sa mukha ng kasintahan. Unti-unting pumatak ang mga luha nito at patakbong umakyat ng silid.

“Erise!” Ngunit malakas na pagsara ng pinto ang sumagot sa kanya. Bugbog sarado siya pagdating sa barangay.

“A-ANAK…” Tigib sa luha ang ina ni Rafael nang madatnan siya nito sa barangay hall. “Bakit mo ginawa `yon? Hindi naman tayo mamamatay sa gutom kung hindi tayo makakakuha ng puwesto sa palengke.”

“I-inay, hindi ko ho ginawa iyon.” Halos hindi na makayang magsalita ni Rafael sa tindi ng sakit dala ng pambubugbog sa kanya ng mga tauhan ng kapitan sa utos na rin ng ina ni Erise.

Pero wala nang sasakit pa sa tindi ng epekto ng mga salitang binitiwan sa kanya ng dalagita kanina. Nagpunta lang ito roon upang sabihin ang mga salitang iyon.

Nasusuka ako sa `yo! Alam mo ba kung bakit? Dahil kung gaano kabaho ang mga damit na suot mo, siya ring baho ng pagkatao mo! Isa kang walang kuwentang pulubi! Pinagsisisihan ko ang mga araw na nadikit ang balat ko sa katawan mo!

Lumuha siya sa harapan ng ina. Gusto na niyang lumubog sa mundo dahil sa hiya at galit na nararamdaman. Pero wala na siyang magagawa, nangyari na ang lahat at natuto na siya.

Menor de edad siya kaya hindi siya puwedeng kasuhan. Ngunit ikinulong siya sa barangay bago pinayagang kunin ng ina. Doon niya napagtantong sadyang napakalupit ng mundo para sa mga katulad nilang mga dukha. Isinusumpa niyang hinding-hindi na siya puwedeng alipustahin.

“ANAK, huwag mo na ulit gagawin iyon, ha? Kapag napatay ka nila, kawawa naman si Nanay.” Lumuluha na naman si Lorenda habang ginagamot ang mga pasa sa mukha ni Rafael. “Magdildil man tayo ng asin, wala akong pakialam, basta’t huwag na huwag ka lang maging masama. Ikaw ang kayamanan ko, anak. Mas mahalaga ka higit sa anupamang materyal na bagay sa mundo.” Halos hindi na maaninag ng ginang ang mga sugat ng anak dahil sa mga luha nito.

“`Nay, hindi ko ho magagawa `yon. Isinusumpa kong `di ko kayang gawin ang magnakaw, Nanay.”

“Pero, anak, paano napunta sa bag mo ang perang iyon?”

Napailing siya. Kahit man siya ay hindi niya lubos-maisip kung paano nangyari ang lahat ng iyon.


Nasa ganoon silang posisyon nang may humintong isang magarang Limousine sa gilid ng kalsada. Tanaw nila iyon mula sa bintana ng kanilang barong-barong. Nakita pa niya ang paninigas ng katawan ng ina nang bumaba ang isang matangkad na lalaki na tingin niya ay hindi Pilipino.

No comments:

Post a Comment