CHAPTER 5
TANGHALI na subalit ibabang bahagi pa lang ng
bahay ang natatapos linisin ni Erise. Amoy-pawis at puno na ng alikabok ang
katawan niya. Magulo na rin ang buhok niya. Maluwang na T-shirt at above the
knee shorts ang suot niya habang naglilinis. Tumakbo agad siya sa kusina nang
maamoy ang niluluto niyang kanin. Nakalimutan niyang nagluluto pala siya para
sa ina.
“Anak, ano `yang naaamoy kong nasusunog?” narinig
niyang tanong ng ina sa silid nito.
“Ah, `Ma, huwag niyo nang alalahanin ito.
Magsasaing na lang ako ulit para makapananghalian at makainom na kayo ng
gamot.”
“Ikaw talagang bata ka, hindi ka pa rin marunong
magluto. O siya, hayaan mo na `yan at ako na ang magsasaing, anak. Sige na at
ituloy mo na ang trabaho mo.” Lumabas ang ina sa silid at dinaluhan siya sa
kusina.
“Naku, Mama, baka mabinat na naman kayo. Kaya ko
na ho ito,” tanggi niya sa ina.
Naiiling na pinagmasdan siya ng ginang. “Anak,
sigurado ka bang nag-asawa ka na? Nasaan ang asawa mo at iniwan ka sa paglilinis
ng bahay?”
Nakaramdam siya ng kaba dahil alam niyang
nagdududa na ang ina. “M-may trabaho po si Dylan, Ma. Hindi siya puwedeng hindi
pumasok, saka k-kaya ko naman po, eh,” pagdedepensa niya sa lalaki. “Sige na
po, magpahinga na kayo sa loob. Gusto niyo bang bumalik uli sa ospital?”
“Pasensiya ka na, anak, ha? Naging malaking abala
pa sa buhay mo ang mama.” Naluluha na ang ginang.
“`Ma… Nandito na naman ba tayo? Nanay ko kayo at
natural na alagaan ko kayo.”
Napayakap ang ina sa kanya at tuluyan nang
napaiyak. Nahawa na rin siya sa kadramahan nito.
“I’m sorry, anak. Marahil ay karma na sa akin ang
lahat ng ito. Patawarin mo sana ako, ha?”
Tanging mga hikbi nilang dalawa ang maririnig sa
kusina. Nagkukumahog pa silang nagpunas ng luha nang makarinig ng sasakyang
pumarada sa tapat ng bahay.
“PAKI-RECEIVE na lang po ito, Ma’am,” bungad ng
service crew ng isang kompanya kay Erise. Mga kagamitang pambahay, appliances
at kung anu-ano pa ang dala ng mga ito. Pagkatapos maipasok ng mga lalaki iyon
ay inayos lang ng mga ito ang pagkakalagay ng freezer at refrigerator, saka
umalis na.
Naiwan siyang nakatunganga sa sala. Dagdag
trabaho na naman niya ang mga iyon. Hindi na na naman niya napigilan ang
pagpatak ng mga luha habang itinutulak ang mabibigat na mga upuang iyon.
Ipinaghain muna niya ang ina at pagkatapos ay
pinainom ng gamot, saka niya ipinagpatuloy ang trabaho. Hapon na ngunit nasa
baba pa rin siya at naglilinis. May kalakihan ang tatlong kuwarto na tinambakan
ng mga bagong appliances, siya na rin ang nagkabit ng mga kurtina roon.
Kailangan na talaga niyang bilisan at baka dumating na ang kanyang Master. Nanginginig siya kapag nagagalit ito. Nagmistulang trumpo ang kanyang kilos sa
loob ng bahay kaya naman nanghihina siyang napadaudos nang sa wakas ay matapos
siya sa ibaba.
Hindi niya namalayang gumagabi na. Isusunod pa
niya ang itaas ng bahay.
MAGHAPONG pinagod ni Dylan ang sarili sa
paglalaro ng golf. Doon lang naiibsan ang sakit ng kanyang dibdib sa tuwing
naiisip si Erise. Naguguluhan na rin siya. Dapat ay masaya siya sa nakikitang
paghihirap ng dalaga subalit taliwas ang nararamdaman niya. Hindi pa nga
nangangalahati ang mga plano niya pero tila binibiyak na ang kanyang puso.
“Shit!” Marahas siyang napailing. Napamura na
lang siya sa sarili bago lumulan sa sasakyan. Habang nagmamaneho ay hindi niya
naiwasang balikan ang nangyari sa kanila noon pagkatapos siyang kunin ng ina sa
barangay...
ISANG matangkad na lalaki ang bumaba sa magarang
Limousine na iyon. Halos lumawa na ang mga mata ng kanilang mga kapitbahay sa
eskuwater na kanilang tinitirahan at bawat isa ay nakiusyoso.
“Nanay, bakit po?” tanong ni Rafael sa inang
halatang hindi mapalagay.
“W-wala, anak…”
Muli niyang tiningnan ang lalaki. Nakita niya
itong papasok sa kanilang looban kasama ni Mang Caloy—ang may-ari ng pedicab na
ini-ekstrahan niya. Naramdaman pa niya ang panginginig ng kanyang ina nang
lubusang makilala ang lalaki.
“My God! Lorie, I’m sorry for coming home late,”
mangiyak-ngiyak na turan ng lalaki at walang babala silang niyakap. Naguguluhan
man, nakaramdam siya ng lukso ng dugo sa dayuhang estranghero. “S-son? Is that
really you? God! You are in mess!” Hinaplos nito ang mga pasa sa kanyang mukha
hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili at humagulgol na siya sa balikat
ng ama. Tila nagkaroon siya ng kakampi at mapagsusumbungan ng mga nangyari sa
kanyang buhay noong wala ito lalo na nang mga oras na iyon.
Dinala sila nito sa hotel na tinutuluyan at agad
na ipinaasikaso ang mga papeles papuntang Germany. Umalis man siya sa bansa
pero isang mapait na nakaraan ang kanyang dala-dala.
Isang negosyante ang pamilya ng kanyang
ama—mayaman at makapangyarihan sa Germany. Napadpad ito sa Pilipinas bilang
turista at nakilala ang kanyang ina. Kahit sa panandaliang pagkakataon ay
umibig ang mga ito sa isa’t isa. Subalit kinailangan ng kanyang amang iwan sila
dahil sa malaking problema sa negosyo na umabot ng ilang taon bago naresolba.
Totoo nga ang palaging sinasabi ng kanyang ina
noon sa tuwing magtatanong siya tungkol sa ama: na isang araw ay darating ito
sa kanilang buhay kaya dapat siyang lumaking may dignidad at mabuting bata para
ipagmalaki ng ama.
Simula noon ay nagbago ang kanyang buhay. Binago
niya ang sarili sa pamamagitang ng salapi. Inalis ang anumang emosyon at
isinumpang siya na ang titingalain ng lahat. Lalo na ng babaeng nagbigay sa
kanya ng labis na sakit.
NAPAKURAP si Dylan sa bahaging iyon ng kanyang
nakaraan. Hindi na niya namalayang nakarating na pala siya sa bagong biling
bahay. Dumilim pa lalo ang mukha niya nang madatnan sa sala ang hilaw na
biyanan. Isa ito sa mga taong dapat niyang pagbayarin pero sa nakikita niyang
kalagayan nito ay mukhang hindi na niya kailangan pang gawin iyon.
“Magandang gabi, hijo, mabuti naman at dumating
ka na,” masayang bati ng ginang.
“Magandang gabi rin ho,” hindi ngumingiting sagot
niya.
“Siya nga pala, pigilan mo naman ang asawa mo.
Simula kanina’y wala nang pahinga sa paglilinis ng bahay, hindi ko naman
maawat. Nangangamba akong baka magkasakit na ang anak ko,” nag-aalalang
pakiusap ng ginang.
Saka pa niya napansin ang ayos ng bahay.
Napakalinis na niyon at napakaaliwalas. Nangingintab ang sahig at wala man lang
bakas ng alikabok. It was indeed perfectly arranged. Napapalatak siya sa bagong
emosyong naramdaman. Hindi niya puwedeng maramdaman iyon.
“Sige ho, magpahinga na rin kayo.” Hindi na niya
ito hinintay na makasagot at umakyat na sa taas. Napailing na naman siya. He
doesn’t like to entertain that feeling of excitement inside him. Agad niyang
kinastigo ang sarili. Nakita niya ang dalagang tila basahan na ang hitsura.
Hindi ito magkandaugaga sa pagpupunas ng mga salaming bintana. Nakapatong pa
ito sa ibabaw ng monoblock chair. “I didn’t say you have to kill yourself.”
Nabigla yata ito sa boses niya. Narinig na lamang
niya ang kalampag ng mga salamin.
NARAMDAMAN ni Erise ang panginginig ng kanyang
tuhod. Sa maghapon niyang pagtatrabaho at pag-aasikaso sa ina ay ngayon lang
siya nakaramdam ng pagod. Nakalimutan na rin niyang kumain. Nasa ganoon siyang
posisyon nang may magsalita sa kanyang likuran. Dala ng kabiglaan at kawalan ng
lakas, nadiinan niya ang bintanang pinupunasan at nagkandabasag-basag iyon.
Napaiyak siya. Dagdag kasalanan na naman ang
nagawa niya. “I-I’m sorry, Master. I-I didn’t mean to…” Hindi pa rin siya
tumitingin sa lalaki habang natatarantang pinupulot ang mga piraso ng salamin
sa sahig kasabay ng mga luhang hindi mapigil-pigil.
“Hey, be care—”
Napasigaw siya. Nakita niyang sumirit ang dugo sa
kanyang mga palad.
“God! I told you to be careful!” Hinila nito ang
isang braso niya at ipinasok sa banyo. Tahimik lang siyang umiiyak habang
pinanonood si Dylan na hindi magkandatuto sa paghuhugas ng kanyang nasugatang
kamay. Mabuti na lang at may first aid kit sa banyo. Ang binata na rin ang
naglagay ng bandage sa kanya. “Magpahinga ka na, bukas mo na lang nang maaga
ipagpatuloy iyan,” walang emosyon nitong utos.
“D-dylan…” lakas loob niyang tawag sa pangalan
nito. Tumingin ito sa kanya. Nagkaroon ng pag-asa ang kanyang puso nang tila
makita niya roon ang mga mata ng isang dating Rafael—ang mga matang sumasamba
sa kanya noon. “I-I’m sorry…” Unti-unti niyang itinaas ang isang palad para
haplusin ang mukha nito. Nanginginig pa iyon nang lumapat sa mainit nitong
pisngi. Nakatitig lang sa kanya ang binata habang siya ay puno ng luha.
“Pinagsisihan ko na ang— Huh!” Napaatras siya at biglang umurong ang dila nang
malakas nitong haklasin ang palad niyang nakalapat sa pisngi nito.
“Sasabihin ko kung kailan mo ako hahawakan at
kung kailan hindi! Don’t get too excited, I am allergic to unbathed women with such
unremovable dirt!” Tila nandidiri pa ito habang sinasabi ang mga katagang iyon.
Tagos na tagos sa kanyang pagkatao ang mga mapanuring tingin nito. Wala siyang
nagawa kundi yumuko at umiyak. “Now, I am giving an order to my slave, go to
your room! Is that clear?!” Buong-buo ang boses nitong sigaw sa kanya.
Nanginginig pa siyang sumunod sa utos nito.
Nagtatakbo siya pagkalabas ng kuwarto ng binata. Pagdating sa sariling silid ay
doon niya ibinuhos ang lahat ng nararamdaman. Umiyak siya nang umiyak hanggang
sa hindi na niya marinig ang sariling boses.
Isang araw pa lang ngunit tila napakabigat na ng
parusang iyon sa kanya. Paano pa niya kakayanin ang mga susunod na araw kasama
si Dylan?
No comments:
Post a Comment