My Flight With You by Cory Khong


CHAPTER 8

"MA, Pa, Denise!" Sabik na sigaw niya nang lumabas siya ng Waiting Area ng Airport. Patakbong sinalubong at niyakap ang mga magulang lalong-lalo na ang ina na walang tigil ang pagpatak ng luha dahil sa pananabik sa anak.

"Ang laki-laki mo na, Denise!" Puna nito sa labintatlong taong gulang niyang nakakabatang kapatid. Dalawa lang silang magkapatid na puro babae.

"Siyempre naman Ate noh! At ikaw naman, ang ganda-ganda mo na ngayon ah!" Puri ni Denise sa kapatid.

"Ang sama mo talaga, matagal na akong maganda ngayon mo lang alam?" Niyakap ng mahigpit ni Jenny ang kapatid.

"Mabuti naman at malusog ka, anak." Singit naman ni Mang Elpidio.

"Salamat sa Diyos at maayos naman ang naging kalagayan mo doon, anak." pasasalamat ng ina niya habang nagpupunas ng mga luha nito. Pati siya ay nahula na rin dahil ramdam niya ang pangungulila ng kanyang ina sa kanyang pag-alis ng bansa.

"Ma, nandito na ako. Tama na ngang iyak 'yan. Natanggal na tuloy ang make-up ko." biro niya dito na ang totoo'y di naman siya naka-make-up dahil di siya sanay dito. Naglagay lamang siya ng lip gloss at konting face powder.

"Si Rica nga pala, anak? Akala ko kasama mo siya?" dugtong ni Mang Elpidio.

"Oo, Papa. Pero nauna na siya. May hinahabol na meeting susunod na lang daw siya mamaya." Sagot niya dito. Si Rica ay isang contributor sa isang Mindanao wide na newspaper kaya medyo may pagka-busy ito sa kanyang career. Nasa Maynila ito for a week seminar kaya nagpang-abot sila doon.

Walang pagsidlan ang sayang naramdaman ng pamilya ni Jen na muli siyang makita. 
Dalawang taon din ang nakalipas ng ito ay makipagsapalaran sa ibang bansa.

SA KABILANG DAKO NAMAN:

"Ang apo ko! Ang gwapo-gwapo mo na!" Salubong ni Lola Tisang kay Ken ng dumating ang mga ito sa tahanan nila sa Brgy. Sarabia. Walang tigil ang paghalik at paghaplos ng matanda sa kanyang mga pisngi.

"I miss you, Lola." Ginantihan naman ito ng mano at yakap ni Ken. Hindi maikakailang lumaki sa isang Pilipinong tahanan si Ken dahil sa mga ugaling namana niya, isa na ang pagmamano bilang respeto sa mga nakakatanda.

Nagkamustahan ang mag-anak kasama na rin si Jomar na walang tigil sa kakakwento at kahahalakhak.

Nagustuhan niya ang lugar ng kanyang lola. Ang sariwang hangin na nilalanghap niya, green fields sa palibot ng tahanan ng pamilya nang kanyang ina. Totoo nga ang sabi ng mga kaibigan niya sa Germany, ibang-iba talaga ang mga Pilipino.

"Nagustuhan ba nimo ang among lugar apo?" tanong ng kanyang lola habang siya'y nagpapahangin sa isang kubo na nasa ilalim ng punong mangga. Hindi man niya masyadong naiintindihan ang lola dahil sa Bisaya ito at pabato-batong tagalog nito ay inintindi na lang niya ang ibang salita nito.

"Yeah, ang ganda po Lola. Ang sarap amuyin ang fresh air." Nilapitan ito ng kanyang lola at niyakap ng mga ilang minuto din.

"Kasabot ko sa imong gibati apo. (Naiintindihan ko ang nararamdaman mo apo.) Garalgal na turan ng matanda na hindi man lang niya naintindihan.

"Lola, why are you crying? I'm okay!" Pinunasan nito ang butil na luha sa pisngi ng matanda. Nararamdaman niyang nakiki-sempatiya sa kanya ang kanyang lola. Hindi na rin kasi lingid sa mga ito ang kanyang pinagdaanan.

Ayaw niya ng ganun, ayaw niya ng kinakaawaan siya dahil pakiramdam niya ang hina-hina niya, na wala siyang silbi. Mahina siya, marupok. Nagbago ang kanyang pananaw sa buhay noong ipinasok siya ng mga magulang sa isang Counselling. Mahirap humarap mundo na marami kang dinadala sa iyong puso kaya ngayon mas nilalakasan pa niya ang kanyang loob sa pagharap sa marami pang pagsubok.

Isang half Filipina-German din si Andrea ang muntikan na niyang maipakasal. Anak ito ng bestfriend ng kanyang ina at kanyang kababata. Two years silang naging magkasintahan bago sila nagdesisyong magpakasal. On-training na siyang mamahala ng kanilang negosyo but unfortunately dahil sa nangyari ang buhay niya ay parang wala na ring silbi. Dahil pakiramdam niya ay dinala ni Andrea ang buhay niya.

Ang laki ng ipinagbago niya, mula sa malusog niyang pangangatawan ay namayat ito ng husto. Hindi na rin siya nakakausap ng matino ng kanyang mga magulang, laging mainit ang kanyang ulo. At lagi pa rin nitong sinisisi ang sarili dahil sa pagkawala ni Andrea. SIYA ang dahilan ng pagkawala nito, 'yan ang di maalis-alis sa kanyang isip.

"Anak naman dahan-dahan sa pagsubo!" Saway ng ina ni Jen.

"Wala kasi ito doon, Mama eh." Saka nagsawsaw ulit ito ng talbos ng kamote sa bagoong na may suka at konting sili.

"Ano bang meron sa Jordan, Ate." Singit ni Denise.

"Ay, Jusme! Mapupurga ka sa karne ng manok, baka at karuf!" Pagku-kwento niya dito na ikinakunot ng noo ng kapatid niya.

"Ano 'yong karuf, Ate?" Kapagkuwa'y tanong nito.

"Hahahaha! 'Yong Tupa, karuf kasi 'yon sa Arabic."

Walang humpay na kwentuhan at tawanan ang namayani sa tahanan ng mga Agreda. Halatang sabik na sabik ang mga ito sa isa't-isa.

"Bakit wala pa si Rica, anak?" Tanong ni Mang Elpidio ng maalala si Rica na di pa dumadating.

"Nasa meeting pa, Pa"

"Batang 'yan talaga napakasipag." Si Aling Pasing naman.

"Kamusta naman naging buhay mo doon, Anak." Pagpapatuloy ni Aling Pasing.

"Okay lang naman, Ma. Mababait naman ang pamilyang napasukan ko."

"Salamat sa Diyos. At naging maayos na ba ang puso mo?" ang madamdaming tanong ni Aling Pasing. Maayos naman ang buhay nila sa Pilipinas kaya't nagtaka din ang mga magulang niya noong naisipan niyang mag-abroad ngunit nirespeto siya ng mga ito. Kahit di pa man niya sinabi ang kanyang tunay na dahilan sa pag-alis ay di ito maitatago sa mga magulang dahil malakas ang pakiramdam ng mga ito.

"Ma, okay na ako. Nakalimot na ako. Huwag mo ng ibalik." Pag-iwas ni Jen sa tanong ng Ina.

At ang tanong na'yon ang di nagpatulog sa kanya. Kahit anong tago at iwas niya ay bumabalik pa rin sa kanyang alaala ang nakaraan. Matagal nang nangyari iyon pero ang sugat sa kanyang puso ay di pa rin tuluyang humilom.

Masakit, ito'y parang sirang plakang pag pinatugtog mo ay pabalik-balik. Ang hirap ngang hilumin ang sugat lalo na't malalim ito at nagdulot ng malaking peklat.

Lagi niyang panalangin na sana'y makatakas na siya sa anino ng kanyang kahapon.


No comments:

Post a Comment