Ten Pesos To Date A Billionaire by Anne Villahermosa


CHAPTER 3

KINABUKASAN ay nagpunta naman sila sa sinehan para manood ng Disney movie na Frozen. Sobrang tuwang-tuwa siya nang mapapayag niya ito sa gusto niyang panoorin. Ang totoo niyon, gusto naman talaga niya ng mga romantic or horror movies kaso lang baka ma-awkward siya kapag ‘yon ang pinanood nila kaya naman ginawa niya ang best niya para hindi ‘yon ang panoorin nila. At nagtagumpay naman siya. Pagkatapos manood ay lumabas na sila.

“Do you wanna build a snowman?” kanta niya paglabas nila kaya naman nagtinginan sa kanya ang mga taong kapwa lumalabas din ng sinehan. Siniko siya ni Jordan.

“Tapos na ang movie, please?” bulong nito sa kanya na may halong warning. Ngumisi lang siya rito.

“Ikaw naman. Siyempre, happy lang naman ako. Let it go! Let it—“ tinakpan na ni Jordan ang bibig niya. Nagtawanan ang mga bata sa pagkanta niya. Nag-thumbs up siya sa mga bata. Mabilis siyang inilayo doon ni Jordan.

“Tama na! Sobra na akong nahihiya! Una, pinagbigyan kitang manood niyan kahit na inantok lang talaga ako ng buong palabas tapos ngayon naman kakanta ka. Mabuti sana kung maganda ang boses mo.” singhal nito sa kanya na halata na ang sobrang inis.Sinasadya niya talaga itong inisin kaya ngumiti lang siya rito at kinagat ang ibabang labi.

Nagpabili siya rito ng ice cream, inalok niya ito pero ayaw naman nito kaya siya lang tuloy ang kumakain. Nagulat siya nang bigla siyang hilahin ni Jordan para magtago. Nasubsob tuloy sa ilong niya ang nilalantakang ice cream. Tinignan niya ito ng masama. Nagulat siya nang matawa ito sa kanya. Sa pagtawa nitong iyon parang biglang umilaw ang buong mukha nito at bumata itong tignan. Masaya siyang napatawa ito sa maliit na bagay na iyon.Pero ang bad niya, natawa siya dahil ang pangit ko!

“Punasan mo nga ‘yan. Para talagang bata.” anito habang pinipigil matawa. Pinunasan na niya iyon.

“Hinatak mo ba naman kasi ako. Bakit ba?”

“H’wag kang maingay..dadaan na sina Vash at Dominic.”

“Talaga?! Nasaan?” sumilip siya pero hinatak uli siya nito.

“H’wag mo ng tingnan!”

“Mga friends mo ‘yon ‘diba?” sumilip uli siya. “Vash!!” sumigaw siya. Tinakpan nito ang bibig niya. Maya-maya ay may lumapit na sa kanila. Sina Vash at Dominic iyon kasama ang dalawa pang matatangkad at sexy na babae. Nag-hi ang mga ito sa kanila. Nakangiti ang dalawang kaibigan ni Jordan sa kanya. Nakipagkamay siya sa mga kasama nitong mga babae. Sina Cecille at Mariel. Inubos na niya ang ice cream na kinakain niya.

“So nagde-date pala ang mag-fiancé?” ani Dominic na nanloloko ang tinig. Natawa siya roon. Tumingin siya kay Jordan na nakasimangot.Good job, Jo! Nagtatagumpay ka sa pang-iinis.

“Mag-fiancé? Bakit? At paano?” tanong ni Cecille na makapal ang blush-on sa pisngi.

“Naku, girl, mga one decade pa tayo matatapos kapag kinuwento ko pa sayo. Anyway..” tumingin siya kina Vash at Dominic.“oo nagde-date kami ngayon ng fiancé ko. Nagpunta pa nga kami kahapon sa restaurant, at kanina naman nag-sine kami. Sweet ‘no?” pagmamalaki niya sa mga ito habang abot-tainga ang ngiti sa mga ito. Nagkatinginan ang dalawang babae, sina Vash at Dominic ay nakipag-appear naman, pagkatapos ay tinapik-tapik naman sa balikat si Jordan na ‘di na maipinta ang mukha.

“So, hindi na pala si Mitch ang girlfriend ni Jordan?” tanong naman ni Mariel na makapal ang mascara sa mga mata. Tumango siya at tagumpay ang ngiti sa mga labi. “hmm, sige mauuna na muna kami. Marami pa kaming lakad ng fiancé ko.” aniya habang kunwa’y kinikilig at pinulupot ang kamay sa braso ni Jordan. Natawa nalang sina Vash at Dominic saka iginiya na rin palayo ang mga dates ng mga ito.

Nang makalayo na sila ay pabalyang tinanggal nito ang pagkakapit niya rito at hinawakan siya sa magkabilang-balikat. Nagulat siya sa ginawi nitong iyon.

“Nang-aasar ka ba talaga?” nanggagalaiti nitong sinabi. Ang mga mata nito ay nanunuot sa pagkakatingin sa kanya.

“Hindi. Bakit naman? Totoo kaya yung mga sinabi ko kanina.”

“Pati yung kay Mitch, tingin mo totoo ‘yon?”

“Malay ko, pero feeling ko wala na kayong dalawa dahil siyempre siya ang girlfriend na hindi marunong makinig ng paliwanag.” humalukipkip pa siya. Binitawan nito ang magkabilang-balikat niya ngunit nararamdaman pa rin niyang inis pa rin ito sa kanya. Nagpatiuna na itong maglakad palayo sa kanya. Hinabol naman niya ito.

“Uy, sorry na. Grabe, para ‘yon lang naman, napikon ka na.” ngunit ‘di pa rin siya nililingon man lang nito. “nagdyo-joke lang naman ako eh.” nakarating na sila ng parking lot ay ‘di siya iniimik nito. Sumakay na siya sa passenger seat, ito naman ay mabilis na pinaandar ang sasakyan. Galit nga talaga yata siya sa’kin. Gusto ko tuloy makonsensya. Kasi naman ikaw Jo, sobra ka na eh.

Hindi nalang siya umimik rin buong byahe at hinayaang kumalma ito sa inis sa kanya. Nakatulog siya sa sasakyan at nagulat siya nang may pumipitik ng ilong niya kaya agad siyang nagmulat. Nagulat siya nang mukha ni Jordan ang mabungaran, ilang pulgada nalang ang layo ng mga mukha nila at tila napakaraming paro-paro ang nasa tiyan niya.

 “Ano ba! Panira ka naman ng gising eh.” sabay inilayo ang mukha nito.

“Bumaba ka na diyan. Hindi na ako aakyat sa ‘taas, marami akong aasikasuhin sa opisina.” hindi na siya umimik at binuksan ang pinto at dire-diretsong naglakad. Lumingon siya sa sasakyan ni Jordan ngunit mabilis ng nakaalis iyon.

“Nasaan na ba ako?” nasapo niya ang noo nang mapagtantong nasa tapat na pala siya ng ospital. “naalimpungatan pa ako. Hay nako!” napailing nalang siya at umakyat sa itaas.

Masaya siya sa dalawang araw na magkasunod nilang dates ni Jordan. Walang magawa si Jordan sa sobrang kakulitan niya at talagang ‘di nito kinakaya ang mga kalokohan niya. 

Naalala niya ang simpleng ngiti nito kanina, para kasing isang achievement kapag napangiti mo ang lalaking iyon. Kinikilig pa rin siya hanggang ngayon nang maalala ang pagkakapulupot ng kamay niya sa bisig nito. Noon pa man talagang kinikilig na siya sa fiancé niya. Lalo na noong engagement party nila, nang halikan siya nito sa pisngi. Talagang hindi siya makatulog sa ginawa nitong iyon. At tuwing magkakadikit ang balat nila ni Jordan ay parang kinikilig ang buong sistema niya, ngayon tuloy nagdadalawang-isip na siya kung itutuloy niya pa ang pagbi-break niya ng engagement nila.

MATAPOS ang tatlong araw ay hindi pa rin siya binibisita ni Jordan. Ni hindi siya nito tinetext, alam nito ang number niya dahil nilagay niya iyon sa cellphone nito. Nalulungkot siya at nami-missed ito. Hindi nga siya makapaniwala sa sarili niya dahil dati naman ay hindi niya ito iniintindi dahil pulos asaran lang sila kapag nagku-krus ang landas nila pero ngayon ay hinahanap na niya.Galit pa rin kaya ‘yon sa akin? Hmp! Ang arte niya ah?

Mabuti nalang at kinuha siyang isa sa mga photographers sa isang beach resort, fashion show iyon at na-excite siya bigla dahil malaki ang offer sa kanya. Makakatulong din para kay Fia sa ibang gastusin.

Maya-maya habang naglalakad siya at naglilibot sa buong resort ay may natanaw siyang pamilyar na tao. Agad niyang nilapitan si Jordan ngunit kasama nito si Mitch. May tumutusok na kung ano sa dibdib niya ngunit binale-wala niya iyon at ginulat ang mga ito. Nagulat nga ang mga ito sa kanya kaya natawa siya.

“Ano na namang ginagawa mo dito Jo?” bakas sa mukha ni Jordan ang inis sa kanya. Iniisip sigurong manggugulo na naman siya. Tumawa siya, tumingin siya kay Mitch na nakasimangot din.Ano kayang masasabi ng babaeng ‘to kapag nalaman niyang fiancé ko si Jordan? Magpapa-padyak siguro ito sa galit.Ngunit talo pa rin naman siya dahil ito ang mahal ni Jordan. Eh ano naman?

“Hoy!” dinuro niya ang ilong ni Jordan. Inalis nito iyon. “hindi kaya ikaw ang pinunta ko dito. Assuming ka rin pala ‘no? Photographer ako sa fashion show mamaya. Feelingero kasi! 
Hmp!” sikmat niya rito. Nakatingin lang sa kanya ito ng masama.

“Photographer? Akala ko ba Fine Arts ka?” tanong nito.

“Eh magaling ako eh. Ako pa!” pagyayabang niya rito. Kumunot-noo ito. Tumayo si Mitch mula sa buhanginan na kinauupuan nito.

“So, photographer ka pala mamaya Jo? Model naman ako mamaya kaya gandahan mo ang mga shots sa akin ah? Para ako ang maging Most Photogenic.” nakangiting sinabi sa kanya ni Mitch na bilang nag-transform sa pagiging tupa. Pilit siyang ngumiti rito.

“Wow ha? You know my name, kinukwento ba ako sa’yo ng fian—ahh I mean ni Jordan?” hindi niya naituloy ang pagsabi ng fiancé dahil pinamulagatan siya ng mga mata ni Jordan.

“No. Alam ko lang na Jo ang pangalan mo dahil noong sa condo, tinawag ka ni Jordan ng Jo.”

“Ahh. Akala ko naman naikukwento ako. Assumera din pala ako. Anyway, See you tonight!” kumaway na siya sa mga ito at nagsimula ng maglakad paalis. Kahit na hindi sila seryoso ni Jordan sa engagement, aminado naman siyang medyo nasasaktan siya dahil fiancee nga siya ‘diba? Pero, hayun ang magaling niyang fiancé at nage-enjoy kasama ang ibang babae.Pero honestly, hindi ito ang pinapangarap niyang estado ng buhay may-asawa. Ang totoo niyan kaya hindi pa rin siya tumatanggap ng kahit sino sa buhay niya dahil ayaw niyang bastusin ang fiancé niya. Pero si Jordan ay hindi man lang naisip ang bagay na iyon, at ikinalulungkot niya iyon. Sabagay, hindi naman talaga sila ang klase ng mag-fiancé na mahal ang isa’t-isa eh kaya siguro dapat hindi niya dapat maramdaman ang ganoon.

Inayos na niya ang DSLR niya. Nagpalit siya ng bagong memory card. Matapos ang pagmi-meryenda ay nagsimula ng ayusin ng mga organizers ang mga bisita. Magga-gabi na at pinanood niya muna ang paglubog ng araw. Humaplos ang hangin sa mukha niya, napangiti siya roon habang tanaw na tanaw ang asul na dagat.

“Salamat at hindi mo sinabing fiancee kita kanina kay Mitch.” bahagya siyang nagitla sa nagsalita bigla. Si Jordan iyon na nakatingin rin sa dagat. Parang bigla siyang nakaramdam ng pagrarambulan sa loob ng tiyan niya, ngunit agad niyang binale-wala iyon.

“Gusto ko rin sanang ibuko ka kay Mitch kanina kaso lang naisip ko na tinuloy mo pa rin ang pagsuporta sa gastos sa ospital para kay Fia. So, we can call it quits.” ngumiti pa siya rito. Hindi na ito umimik pa at nakatanaw lang sa dagat. Kinuha niya ang camera at kinuhaan ito ng picture. Nagulat ito roon.

“Jonnalyn, nang-iinis ka na naman. Delete that photo.” utos nito ngunit umiling siya kaya pilit nitong inaagaw sa kanya ang camera. Inaalis niya ang kamay nito.

“Say please muna or hindi ko buburahin ‘tong picture mo!” tinago na niya ang camera sa likod niya. Bumuntong-hininga nalang ito. Nang hindi uli ito nakatingin ay kinuhaan uli niya ito ng litrato. Masama ang tinging ipinukol nito sa kanya.

“Isa pa ngang picture..’yung hindi stolen. Sige na, isang shot lang talaga. Promise!” pamimilit niya rito. Noong una ay ayaw pang pumayag pero pagkaraan ay nakulitan sa kanya at nagpakuha na rin naman. “Yan! Alam mo kasi, I love to collect pictures of natural disasters.” aniya habang nakangiti sa mga kuha niya rito.

“At sinasabi mong natural disaster ako?”

“O, hindi sa akin galing ‘yan ah.” then she gave him a playful smile. Hindi ito makapaniwala sa tinuran niya at napailing nalang.


“Patingin nga! Mamaya ang pangit ko diyan eh!” naagaw nito iyon sa kanya. Nagulat siya nang i-delete nito ang mga iyon, pagkatapos ay ibinalik sa kanya. Sumimangot siya rito. “ang pangit ko kasi eh. Kuhaan mo ako ng maganda..” natawa siya doon at maya-maya ay kinuhaan na niya ito ng iba’t-iba pang mga pose. Marami na siyang modelong nakasalamuha ngunit ito ang pinaka-perpektong modelo sa lahat ng kinuhaan niya ng litrato.

No comments:

Post a Comment