Take Me To Your Heart by Mia Jane


Chapter 1

“BOOOOO! Boooo!” malakas na kantiyaw ng isang babaeng nakaupo sa may bleachers  kay Edzyr habang nasa kalagitnaan siya ng laro. Naipapasok naman niya nang walang sablay ang bola sa ring pero sige pa rin sa pag-boo sa kanya ang babae.  Waring nanadyang asarin siya.

Ano kayang problema ng isang ‘to? tanong niya sa sarili nang pukulin ng inis na tingin ang babae.

“Booooo!” patuloy pa ring hiyaw ng babae. Hindi nito alintana kahit na pinagtitinginan na ito ng mga tao roon.  Basta sige pa rin ito sa kakakantiyaw sa kanya habang nakikipagngisngisan sa dalawa pa nitong kasamahang babae.

“P’re, mukhang may hater ka, ah,” puna ng kaibigan niyang si Alvin na siniko pa siya nang maupo sila sa bench. Humiling muna ng time-out ang coach nila.

“Me sapak yata sa ulo ang babaeng ‘yun, ‘p’re,” naaasar niyang wika. “Kapag ‘di pa tumigil ‘yan hanggang mamaya eh hahalikan ko na talaga ‘yan.”

“Eh ‘di halikan mo para tumigil. Minsan kasi ang mga babae, kailangang parusahan para magtanda,” natatawang turan ng kaibigan.

“Parusa ba iyon, eh, parang ako ang dehado kapag nagkataon, ah?” natatawa ring ganti niya.

“Parusa na rin iyon.  Para madala. At saka magpapatalo ka ba sa isang babae lang?  Ikaw na heartthrob at kilabot ng mga chicks?  Aba’y nagkamali pala ako ng pagkakakilala sa ’yo, p’re!” ani Alvin nang malakas siyang tapikin sa balikat.

Waring na-challenge naman  si Edzyr sa binitawang salita ng kaibigan. Kaagad siyang tumayo upang tunguhin ang kinaroroonan ng babae.

“O, Edzyr, saan ka pupunta?” usisa ng kanilang coach.

“Babalik din po ako agad, coach,” sagot niya at nilandas na ang direksyon ng babae.  Kitang-kita niya ang pagbubulungan at pagngingisngisan nito at ng mga kasamahan.  Hindi maitago ang excitement sa larawan ng babae nang tumapat siya sa harapan ng mga ito.

“May problema ka ba sa akin?” kunot-noong bungad niya rito.

“Oo naman,” maarte nitong sabi nang dukwangin siya mula sa bleachers.  “Ang bano mo kasing maglaro, eh.”

“Paano naman ako naging bano eh naipapasok ko naman ang bola nang walang mintis?” waring nagpanting ang tengang sagot niya.

Tumawa ito ng malakas kaya napalingon sa kinaroroonan nila ang mga kalapit na manonood.

“Bano ka.  At wala kang kagana-ganang maglaro.   Hindi ko nga maisip kung bakit sinali ka ni Coach sa basketball team gayung—” wala nang naidagdag ang babae nang hapitin niya ito sa bewang at walang paalam na sinakop ng mga labi niya ang mapupulang labi nito.

Saglit lamang ang paghalik na ginawa niya pero kitang-kita ang shock na sumaanyo sa babae nang bitawan niya ito.

“Bano man  ako sa basketball sa paningin mo, miss, siguro naman, sa larong gusto mo ngayon eh may naipakita akong galing,” ngingisi-ngising wika niya rito. “And maybe this time, napahanga na kitang tuluyan.” Kinindatan niya ito  at saka tinalikuran.   Dinig niya ang pagkakagulo ng mga tao nang maging tampulan ng tukso ang iniwang babae.

“HANEP ka talaga, p’re!   Hindi ko aakalaing tototohanin mo iyong paghalik sa babaeng nang-aasar sa’yo kanina,” tudyo ni Alvin sa kanya nang nasa may locker room na sila.

“Ako pa ang sinubukan niya, p’re,” pagmamalaki niya. “Sanay yata ako sa larong gusto niyang laruin.” Sabay silang nagkatawanan.  Natigil lamang  sila nang makitang papalapit sa kanila ang babae kasama ang dalawa nitong kasamahan.

“O, pare, ikaw nang bahala dyan,” tapik ni Alvin sa likod niya at iniwan na siya bago tuluyang nakalapit ang babae.

“Hi,” naunang bumati sa kanya ang babae.  Naiwan naman sa bandang likuran ang mga kasamahan nito.

“Hello,” nakangiti ngunit medyo asiwang bati rin niya rito.  Hindi niya kasi alam kung galit ito at pinuntahan lamang siya para awayin.

“Tungkol nga pala kanina,” pagpapatiuna na niya, “pasensya ka na sa nagawa ko—”

“Hindi, hindi.  Wala ‘yun,” hiyang-hiyang putol nito sa sasabihin niya.  “Ako nga ang dapat humingi ng dispensa sa ‘yo.  Pasensya ka na talaga.”   Pagkuwa’y nakayukong iniabot nito sa kanya ang isang sobre. Namumula ang pisngi nito kaya lihim siyang napangiti.

“Ano ito?” tanong niya nang abutin ang sobre na halatang pinabanguhan pa.

“Basahin mo na lang. Sige, ha?” Bago pa siya nakahuma ay tumakbo na ito palayo, kasama ang dalawang kasamahan. Naiwan naman siyang nakakunot ang noo habang palipat-lipat ang tingin sa papalayong babae at sa hawak na sobre.  Nang buksan niya iyo’y isang liham ang nilalaman niyon.

Hello Edzyr,

Sorry sa ginawa ko kanina. Hindi ko naman talaga intensiyon na ipahiya ka. Ang mga kaibigan ko kasi eh, tinutukso ako na hindi mo daw ako mapapansin kahit pa tumanda na ako.  Kaya ayun, pinakita ko sa kanila na mapapansin mo din ako. Di ba, effective naman? Sorry talaga, ha. Sana hindi ka galit sa ginawa ko.

Siya pa ang nag-sorry, gayung dapat eh ako ang humingi ng paumanhin dahil nahalikan ko siya, saisip-isip niya.  Muli niyang ipinagpatuloy ang pagbabasa.

May aaminin sana ako sa ’yo. Hindi ko alam kung dapat ba dahil babae ako pero hindi ko na kayang itago itong nararamdaman ko, eh. Mababaliw na ako sa kakaisip sa ’yo at sa nararamdaman kong ito. Huwag mo sanang ikagagalit, ha? Mahal kita, Edzyr.  At kahit ako na ang manligaw sa ’yo maging tayo lang, hindi ko ikakahiya. Please, huwag mo akong iwasan dahil sa nalaman mo. I really wanted you to be my boyfriend. Naiinggit ako sa mga babae na kayang-kaya kang lapitan, gayung ako ay hanggang tanaw lang sa malayo.  Kaya eto, ako na ang gumawa ng paraan para makipaglapit sa ‘yo.
                                                                                                                    Hoping to be yours,
                                                                                                                    Lianne

Naiiling-nangingiting ibinalik na niya ang sulat sa sobre at ibinulsa iyon.  

Ibang klase talaga ang mga babae ngayon, saisip-isip niya.  Kasehodang gumawa ng kung anu-anong gimik para lamang mapansin niya. 

Sabagay ay sanay naman na siya sa mga ganoon.  Hindi lang naman kasi ito ang kauna-unahang babae na nagpakita ng motibo sa kanya. Marami talaga ang nagkakagusto sa kanya at katunayan na ang kabi-kabilang mga naging nobya niya.  Pasipul-sipol na dinampot na niya ang kanyang bag at naghanda nang umuwi.

 “CLASS, ito ang pinakatatandaan ninyo sa self-defense technique, dapat hindi kayo maunahan ng takot o pangamba sa harap ng panganib.  Iyan ang kadalasang nagiging problema once na kayo’y nahaharap na sa banta ng peligro o engkuwentro. Dahil nauunahan na ng pagkataranta o pagkatakot ay hindi na kayo makakapag-isip ng tama at malilimutan na ang mga natutunang technique kung paano maidedepensa ang sarili.” Matamang nakikinig si Jane sa mga turo ni Mr. Jimenez, ang instructor nila sa kanilang Taekwondo Class at siya ring tumatayong coach ng Taekwando Team ng kanilang paaralan.

“Eh, sir, ‘di ba normal lang naman talaga ang matakot?” singit ng isang kaklase niya. “At saka hindi talaga maiiwasan na mag-panic sa oras ng panganib.”

“Oo, normal lang ang matakot pero dapat alisto pa rin ang reflex at kaisipan mo. Dahil kapag nagpasakop ka sa
takot eh mas lalo kang mapapahamak at hindi mo na makukuhang depensahan ang iyong sarili,” paliwanag pa rin ni Mr. Jimenez.  “So you should memorize  all the techniques I’ve taught you by heart para alam na alam ‘nyo ang gagawin kapag nasuong kayo sa mga ganoong sitwasyon.”

“Jane, Rodnyr, halikayong dalawa! Kunwari eh gabi na at may binabalak na masama si Jane kay Rodnyr,” wika ng propesor nila nang pagharapin silang magkaklase sa mahabang foam na nakalatag sa sahig.

“Teka lang sir, bakit ako ang may balak kay Rodnyr?” napakamot sa batok na tanong niya kay Mr. Jimenez.  “‘Di ba dapat sir, siya ang may binabalak na masama sa isang dalaginding na katulad ko?”

Tawanan ang buong klase. Maging si Rodnyr at Mr. Jimenez ay natawa rin.

“Sige, pumusisyon na kayo,” utos ng kanilang instructor.

“Pahiga ba, sir o patayo?” Hagalpakan lalo ang mga kaklase niya. “Bakit kayo natawa?” kunwa’y pagmamaang-maangan niya. “Seryoso ‘yung tanong ko, posisyon daw eh, sabi ni sir.”

“Pasaway ka talagang bata ka,”nailing ngunit nakangiti namang turan ni Mr. Jimenez sa kanya. “Umupo ka na nga lang.  Ako na lang ang kunwaring manghoholdap kay Rodnyr.”

“Lugi kayo dyan, sir, walang pera ‘yan, eh,” natatawang kantiyaw ni Jane sa kanilang instructor nang bumalik na sa upuan.

Natawa ulit ang lahat ngunit daglian ding nagsitahimik nang sinimulan nang i-demonstrate ng kanilang instructor ang tamang pagtatanggol sa sarili sa mga mapanganib na sitwasyon.

“EDZYR anak, nandyan ka na pala. Halika na, sumalo ka na dito sa pagkain,” bungad  ng kanyang inang si Aling Azon nang makitang pumanhik siya sa loob ng bahay.  Kasulukuyan itong kumakain sa mesa, kasama ang kanyang amang si Mang Maro.

Nilapitan niya ang mga magulang at nagmano sa mga ito. “Saglit lang po, Mamay, ‘Tay magbibihis lang po ako,” paalam niya pagkuwa’y dumiretso na sa kanyang silid.
Inilapag lamang niya ang mga gamit sa kama at nagpalit ng damit-pambahay saka muling bumalik sa kumedor upang sumalo sa mga magulang.

“Kumusta ang araw mo, ‘nak?” usisa ni Mang Maro nang iabot sa kanya ang bowl ng kanin.

“Okey naman po, ‘Tay.” nakangiting sagot niya nang sumandok roon ng kanin.  “Nanalo nga po kami sa basketball kanina.”

“Siyanga?  Mabuti kung ganon.  Oo nga pala anak, may ibabalita pala kami ng nanay mo sa ‘yo.”

“Ano po iyon?” tanong niya nang mapatingin sa mga magulang.

Tumikhim si Mang Maro. “Lilipat na tayo ng bahay sa susunod na linggo. Babalik tayo doon sa dati nating tinitirhan noong maliit ka pa. Naaprubahan na kasi ‘yung hinihiling ko sa kumpanya na ilipat ako sa branch namin na malapit sa Lola mo. Alam mo namang matanda na ang Lola mo at ayaw naman niyang tumira dito dahil baka makasagabal siya sa atin kaya mas maigi kung tayo na lang ang lilipat malapit sa kanya,” mahabang paliwanag ng ama.

“Ho?” gulat na gulat na wika niya. “Eh paano naman po ang pag-aaral ko?”

“Wala nang problema.  Naasikaso na namin iyan ng nanay mo sa tulong ng kumare niya na nakatira din doon sa lugar na lilipatan natin.  Kakilala kasi ng kumare ng nanay mo ang dean ng eskuwelahang lilipatan mo kaya siya na ang nakipag-usap.”

“Naku anak, pihadong magugustuhan mo doon sa bagong tutuluyan natin,” puno ng kasiyahan ang boses na segunda ni Aling Azon.

“Wala naman po akong kakilala sa lugar na iyon.”

“Huwag kang mag-alala ‘nak, dahil sabi sa akin ni Mareng Ludy eh ‘yung anak na daw niya ang bahala sa ’yo pagdating mo dun. Kilala daw ‘yung anak niya sa paaralang papasukan mo saka sa lugar na ring iyon mismo,” paniniyak sa kanya ni Aling Azon.

“Sino po ba ‘yung anak niya, ‘May?” wika niya sa ina bago lumagok ng tubig.

 “Ano ka ba, ‘yun yung matagal ko nang ikinukuwento sa ’yo,” excited na ani Aling Azon.  “‘Yun ‘yung magiging asawa mo.  Sa wakas, magkikita na rin kayo, ‘nak.”

Napabuga siya ng tubig sa tinuran ng ina. “Mamay!”

“Kuu Maro, ganyan na ganyan din daw ang reaksiyon ng anak ni Ludy nang sabihin niya na anak natin ang mapapangasawa niya,” tuwang baling ni Aling Azon sa asawa. “Talagang bagay na bagay sila ni Edzyr.”

Pinandilatan naman niya ang ama na waring sinasabing: ‘Tay, tulong naman diyan kahit konti.

Nagkibit-balikat lamang si Mang Maro.  “Wala na akong magagawa, anak.  Bata pa lang kayo eh ipinagkasundo na kayo ng nanay mo at ng best friend niya.   Kaya moral support na lang ang maibibigay ko sa ’yo pagdating sa bagay na ‘yan, ‘nak.,” nanunudyong saad ng ama na tila pabor din naman sa nasabing kasunduhan.

Bitayin ninyo na lang ako! gusto niyang isigaw.   Pero sa halip ay napabuntunghininga na lamang siya at nawalan na ng ganang kumain. 

No comments:

Post a Comment