Make It Real by Elena Benedicto


PROLOGUE


SIX YEARS AGO

Isang nakangiting nurse ang nabungaran ni Jules matapos makatulog ng mahigit dalawang oras pagkatapos manganganak.

Ilang oras din siyang naghirap sa pagle-labor. Noong una ay inakala ng doktor na normal delivery lamang ang kanyang panganganak pero nakakailang oras na ay hindi pa lumalabas ang sanggol. Kaya naman nagdesisyon ang doctor na i-caesarean na siya.

“Misis, gusto ‘nyo na po bang makita ang baby ‘nyo?” magiliw na tanong sa kanya ng nurse. Tumango naman siya bilang pagsang-ayon dito.

Lumabas na ito at tinungo ang Nursery Station kung saan nakalagay ang mga bagong luwal na sanggol.

Ilang minuto din ang lumipas bago ito bumalik na karga-karga ang ìsang sanggol na may nakalagay na BABY JAL DWAYNE CRUZ sa kamay. Iyon kasi ang sinulat niyang pangalan ng sanggol na gusto niya pagkasilang nito. Sinunod niya iyo sa kanyang apelyido sa kadahilanang hindi niya sigurado kung matatanggap ito ng ama ng bata.

Nangingilid ang kanyang luha nang ilapag ng nurse ang sanggol sa kanyang tabi.

“Misis, kung may kailangan pa po kayo, pindutin ninyo lang po ang button na nasa gilid ng inyong kama,” nakangiting habilin sa kanya ng nurse bago ito tuluyan nang lumabas.

Nang makaalis na ang nurse ay buong pagmamahal niyang tinitigan ang kanyang anak. She carefully hold the small fingers of her baby. According to her doctor, Jal weighed six point five pounds at napakalusog nito kaya wala siyang dapat ikabahala. Pina-new born screen niya rin ito para ma-detect na wala itong diprensya o namanang sakit.

“Mommy loves you so much, anak,” bulong niya sa anak. “ I promise to take good care of you. Ikaw lang ang nag-iisang alaala ng iyong ama. Ipapadama ko sa iyo ang pagmamahal ng isang ina at ama. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag sa iyo kung bakit hindi natin maaaring makasama ang iyong ama, basta alam ko na maiintindihan mo rin ako sa tamang panahon,” kausap pa rin niya sa sanggol at hindi na niya napigilang tumulo ang mga luha.

May ilang sandaling haplus-haplos niya ang anak bago bumukas ang pintuan ng kanyang kuwarto at pumasok doon ang matalik niyang kaibigan na si Jerlyn. May dala itong mga prutas at pagkain.

Sa babae siya unang lumapit nang malaman niyang nagdadalang-tao siya. Simula pagkabata ay matalik na kasi niya itong kaibigan dahil magkapitbahay lamang sila sa Parañaque kung saan sila nakatira. Lumipat lamang ito nang makapag-asawa na at sa Palawan nanirahan dahil taga-doon ang napangasawa.

Nang malaman nga nito ang problema niya ay agad siyang pinapunta nito ng Palawan. At dito siya nakipanuluyan hanggang sa naisilang na nga niya si Baby Jal Dwayne.

“Kamusta na ang pakiramdam mo, sis?” anito nang ilapag ang mga dala sa mesita. “Ang pogi-pogi ng baby mo, sis.” Umupo ito sa gilid ng kama at tuwang-tuwang hinaplos ang kanyang anak.

“Okay naman na ako, sis,” sabi niya habang nakatingin sa anak. “Medyo sumasakit pa rin ‘yung tiyan ko, pero normal naman daw ‘yun sabi ni doktora.”

“Magpahinga ka na nga muna. Tapos mamaya puwede ka na daw kumain ng mga soft foods muna. Kaya magkakain ka mamaya. Para bumalik na resistensya mo.”

“Salamat sis, ha?” ginagap niya ang kamay nito. “Salamat sa pagtulong mo sa aming mag-ina.”

“Sus, ano ka ba? Wala ‘yun. Sinu-sino pa bang magtutulungan kundi tayo ring magkakaibigan.” Mayamaya’y tinitigan siya nito. “Ano nang plano mo ngayon?”

Saglit siyang natahimik. “Dito muna kami pansamantala. Maybe at least a year,” mayamaya’y pahayag niya sa kaibigan.

“You know that’s not what I meant,” kontra ni Jerlyn sa sagot niya.

Humugot muna siya ng malalim na hininga at muling hinaplos ang pisngi ng anak. “I don't know. Pero sa ngayon ay gusto ko munang ilihim ang lahat. Pasaan-saan din ba’t makakapagtapat rin ako kina Rye at Yurnia.”

“At kay Alwin?”

Iniiwas niya ang tingin sa kaibigan. “A-ayoko nang guluhin pa ang buhay niya, Jerlyn.”

Napailing naman si Jerlyn. “Siya, desisyon mo ‘yan. Ikaw ang ina ng bata at alam mo kung ano ang nararapat. Pero sana pag-isipan mo din mabuti. Anong malay mo, baka nga matuwa pa si Alwin kapag nalaman niyang daddy na pala siya.”

Hindi naman siya nakasagot. Matuwa nga kaya si Alwin?

PRESENT DAY

Titig na titig si Alwin sa natutulog na babae sa kanyang tabi. It's almost six years nang makilala niya ito. Julyn is an advertising model sa company na pag-aari ng ama ni Jhanzz, ang pinsan niyang tumulong sa kanya upang makapunta sa Canada.

Naalala niya ang araw na nakilala niya si Julyn. Tila kailan lamang iyon. Ilang araw pa lamang niyang naglalagi sa Canada noon and he was still mending his broken heart. Dahil napansin ni Jhanzz na parati siyang malungkot at laging nagmumukmok sa bahay ay inaya siya nito mamasyal. Noong una pa nga ay ayaw niya pero napahinuhod na rin siya ng pinsan.

Tuwang-tuwa siya noon nang ipasyal siya ni Jhanzz sa Stanley Park which is located at the west end of downtown Vancouver. Ang buong parke’y naliligiran ng dagat, bulubundukin at mga naglalakihang puno na nagdadala ng sariwang hangin kaya naman tila kaysarap mamasyal doon. It was a perfect place to relax and hang out.

Pinasadahan niya ng tingin ang bawat parte ng naturang parke. Karamihan sa mga taong naroroon ay turista who admires the scenery, most of them are with other friends. Marami din ang nagbibiseklata sa parke na iyon.

Patuloy lamang siya sa pagmamasid sa kagandahan ng lugar nang madako ang tìngin niya sa isang babae na naka-summer dress. Waring pamilyar ito sa kanya. Palakad na siya papunta dito nang makita niyang nilipad ang suod nitong straw hat. Mabilis niya iyong pinulot at nakatìtig na inabot dito.

Kaya pala mukha itong pamilyar sa kanya dahil may hawig ito sa kaibigan niyang si Jules. Ang pagkakaiba nga lamang ay mas matangkad ito at babaeng-babae kumilos, hindi gaya ng kaibigan niyang astig pa sa kanya kung umasta.

Nakangiting iabot niya ang straw hat sa babae na tila naman alanganin ang pagkakangiti nang abutin iyon.

“Cut!” narinìg niyang sigaw ng isang lalaki na ikinalingon niya.

Nagtataka siya kung bakit kausap ni Jhanzz ang lalaking sumigaw ng ‘cut’. Nilingon niya ang babae pero naglalakad na ito patungo sa direksyon ng kanyang pinsan. Nagtatakang sumunod siya dito at ganoon na lamang ang pagkapahiya niya nang sabihin ni Jhanzz na nagpi-pictorial pala ang babaeng naka-summer dress at kasama sa shot ang kunwari’y paghabol nito sa straw hat na nilipad ng hangin.

“My God, Jhanzz, bakit kasi hindi mo man lang sinabi na pictorial pala ang pupuntahan natin,” asik pa niya noon sa pinsang hindi matigil sa pagtawa.

“Eh bigla ka na lang kasi nagdire-diretso, e,” natatawa pa ring wika ni Jhanzz. “Huwag ka mag-alala, pinsan. Mamaya eh ipakikilala kita kay Julyn pagkatapos ng mga shoots niya para sa calendar ng kompanya.”

Hindi nìya maintindihan kung bakit kumabog ang kanyang dibdib sa kaalamang ipapakilala siya nito sa babaeng may hawìg sa kaibigang si Jules. Hinintay nga nila itong makatapos at nang ipakilala siya ni Jhanzz kay Julyn ay kaagad niya itong inayang kumain sa labas.

After that incident sa photo shoot ay doon na nagsimula ang kanilang madalas na pagde-date hanggang sa niligawan na niya ito at sinagot naman siya ng babae. Pagkatapos niyon ay nagdesisyon na silang magsama sa iisang bahay.

They were engaged for a while when he asked Julyn to marry her na hindi naman nito tinanggihan pero hanggang ngayon di pa rin matuloy-tuloy. Katwiran kasi ng babae ay hindi pa ito handang maging full time housewife at nag-eenjoy pa ito sa pagiging modelo.

Minsan na ring sinubukan ni Alwin na magkaanak sila but he was devastated when he found out na pinalaglag ni Julyn ang ipinagdadala nang malaman nitong limang linggo na itong delayed. Nag-away sila ng matindi na naging dahilan para makipaghiwalay siya sa nobya. But Julyn asked for forgiveness and a second chance. At sino ba naman siya para hindi magpatawad. Napamahal na rin naman sa kanya ang babae. Sa ilang taong pakikisama dito ay naging maayos naman ang kanilang samahan. Paminsan-minsan ay may hindi pa rin sila pinagkakaunawaan, but they were quick to patch things up. Gayunpama’y hindi pa rin niya maiwasang makaramdaman na parang may kulang pa rin sa kanilang samahan. May hinahanap-hanap pa rin siya at hindi niya maintindihan kung ano iyon.

Natigil siya sa pagmumuni-muni nang makitang nagising na si Julyn. Nakangiting itong sumiksik sa kanyang tagiliran. “Hey sweetie, why are you up so early?”

“Magja-jogging lang ako diyan sa Stanley,” sabi niya nang yakapin ito. “Care to join me?”

“Inaantok pa ako, sweetie, eh,” ani Julyn nang kumawala sa pagkakayakap niya at yakapin ang katabing unan. “Napagod ako sa pictorial namin kagabi. Maybe next time, okay?”

Tipid siyang napangiti. Ilang beses na iyong sinabi ng nobya pero kailan man ay hindi pa ito sumamang mag-jogging sa kanya. “Alright, magpahinga ka na lang muna. I’ll see you later.”

“Okay, Sweetie. Lock all the doors, ha? And buy me some coffee and croissants on your way home.”

“Okay.” Dinampian niya ito ng halik sa noo bago tuluyang umalis.

“ALWIN. Hey Alwin!”

Huminto sa pagja-jogging si Alwin at nilingon ang tumatawag siya. Laking gulat niya nang makita ang dating kaklase sa college na si Mark Sanchez.

“Pare, kamusta,” nakangiting wika ni Mark nang lumapit sa kanya at magkamay sila. “Long time no see, ah.”

“Mark, pare, I didn't expect to see you here,” tuwang sagot naman niya.

“Oo, nagbabakasyon lang ako dito ngayon sa sister ko,” tatawa-tawang wika ng kaklase. “Pinagbigyan ko at matagal na akong inaaya ‘nun na pumunta dito. Ikaw, hindi mo yata kasama ang mag-ina mo?”

Napakunot-noo siya at tila nagtaka kung bakit ganito ang sinasabi ng kaharap. “Anong mag-ina pare, eh hindi pa naman ako nag-aasawa at lalong wala pa akong anak,” natatawa niyang pahayag dito.

Halata naman ang pagkagulat sa anyo ni Mark. “Ibig mong sabihin pare, hindi kayo ang nagkatuluyan ni Jules? Hindi ikaw ang napagasawa niya?”

“Of course not,” mabilis na pagtanggi niya. “At saka paano magkakaasawa si Jules eh may pagka-tomboy ‘yung best friend kong ‘yun.”

“Ha? Teka nga pare, maupo muna nga tayo,” anito nang maupo sa isang wooden bench na malapit sa kanila. “Ako’y naguguluhan talaga, eh.”

“Ano naman ang magulo doon? Matagal na akong walang balita kay Jules. Huli kaming nagkita ay sa kasal nung half brother niya na si Rye.”

“Ganun ba?” parang hindi pa rin makapaniwalang sabi ni Mark. “Kasi akala ko, ikaw ang napangasawa niya. Nung minsan kasi pare, nagkita kami sa MOA. May kasama siyang batang lalaki. Siguro mga six years old na ‘yung bata. Para ngang nagulat si Jules nang makita ‘ko. Tinanong ko siya kung anak niya ‘yung bata at umoo naman siya. I’m telling you pare, bulag o kaya tanga na lang ‘yung mga kilala natin na magsasabing hindi ikaw ang ama nung bata. Kamukhang-kamukha mo, talaga, pare! Para kayong pinagbiyak na bunga.”

Bigla naman ang dagsa ng kaba sa kanyang dibdib. “Sinabi ba niya na ako ang ama nung bata? Ano daw ang pangalan ng bata?” Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman. Matagal na din niyang gustong magkaanak. Ilang taon na din silang nagli-live-in ni Julyn pero ayaw nitong pumayag na magkaanak dahil hindi pa nga ito handang maging ina at ayaw pang iwan ang pagiging modelo.

“Hindi ko nga natanong si Jules at ‘yung bata ang kinukulit ko nung time na ‘yun, eh. Ang cute kasi at talagang napakabibo nung bata, pare. English speaking pa. Sabi niya, Jal Dwayne daw ang name niya. Pero Jal na lang daw para ‘di mahaba. Naku pare, nakakaaliw kausap. Eh hindi ko na nausisa masyado si Jules dahil dumating na ‘yung mga kasama niya at nagmamadali na silang umalis. Sigurado kang hindi mo anak ‘yun, Alwin?”

“Hindi, pare, eh,” iling niya bagaman may bumabangon nang hinala sa kanyang isip. Naalala niya bigla ang huling gabing magkasama sila ni Jules sa condo niya. So it wasn’t her period after all. “Matagal na kasi ako dito sa Canada. Almost five years na akong nakatira dito kaya imposible iyon. Besides, hindi kami katalo ni Jules, ‘no?”

“Sabagay, pare. Baka napaglihian ka lang ni Jules!” binuntutan iyon ng tawa ni Mark. Kung anu-ano pa ang napag-usapan nila bago sila tuluyang nagpaalam sa isa’t-isa at naghiwalay.

Hanggang pag-uwi niya ay tila napakalalim ng kanyang iniisip.

Kung totoo ang hinala niya na may nangyari nga sa kanila ni Jules at nagbunga iyon, bakit inilihim sa kanya ng kaibigan ang lahat? At bakit wala ding nababanggit si Rye o Yurnia sa tuwing nakakausap niya ang mga ito. Itinatago din ba ng mga ito sa kanya o kinausap ni Jules ang mag-asawa na huwag nang magbanggit ng anuman sa kanya?

Sa naisip ay magkahalong tuwa, pagdaramdam at panghihinayang ang kanyang nadama. Tuwa dahil sa kaalamang may anak na pala siya. Pagdaramdam kay Jules dahil sa paglilihim at hindi pagbibigay ng pagkakataon na maitama niya ang maling nagawa. At panghihinayang dahil anim na taon ang nasayang at nawala na sana ay kapiling niya at nasubaybayan ang anak.

Kailangan niyang gumawa ng hakbang para makita at makilala ang anak. Pero hindi niya bibiglain si Jules. Wala siyang balak manggulo. Ang nais lamang niya ay magkakilala sila ng kanyang anak. At sa pagkakataong ito, alam niya ang mag-asawang Yurnia at Rye lamang ang maaaring makatulong sa kanya.

No comments:

Post a Comment