One Shot Writing Contest Entry #9: Behind The 7 Protons by Anne Villahermosa



PROLOGUE

“AND the class Valedictorian for this year….Karylle Joyce Marquez!” umalingawngaw sa buong court ang pagtawag sa kanya ng kanilang punong-guro. Nagsi-palakpakan naman ang mga tao at sumisigaw ang kanyang mga kaklase ng ‘Congratulations!’. Napangiti siya at tumayo mula sa kinauupuan at umakyat na nga sa entablado upang mag-speech. 

Tumingin siya sa lahat ng tao na nakatutok ang mga mata sa kanya. Isang pigura ‘di kalayuan ang nais sanang makita ng mga mata niya ngunit wala iyon doon, bumukal ang luha sa kanyang mga mata. Alam mong ikaw ang deserving sa pwestong ito.

“Sa oras na ito, ang bawat isa sa atin ay may ngiti sa labi at naghuhumiyaw sa ating isipan na napag-tagumpayan natin ang sekondaryang pag-aaral. Ngunit sa puntong ito ay mayroon ring luhang sumusungaw sa ating mga mata tanda ng pamamaalam dahil ang iba sa atin ay may kanya-kanya ng plano sa pagpasok sa panibagong yugto ng kanilang buhay. 

Pinasasalamatan natin ang ating Diyos sa lahat ng kanyang pag-gabay, mga magulang at pamilya na nariyan ang suporta, ang ating mga guro at faculty ng ating eskwelahan na tayo ay tinuruan at mas pinalawig ang ating mga kaalaman hindi lang sa bagong aral ngunit ang pagsisikap nilang baguhin ang pagtingin natin sa ating komunidad at bansa at kasama rin sila sa paghubog ng pagiging tunay na estudyante, tunay na tao at tunay na Pilipino.

“Bukod sa lahat ng nabanggit, saksi tayo sa nangyari bago pa man ang graduation na ito. Isang tao na pinarangalan natin, hindi man sa uri ng medalya ngayon ngunit sa pamamagitan ng ating mga luha na nagpapa-dalisay na hindi natin siya kailanman malilimutan. Isang tao na pinagsisisihan nating hindi nabigyang importansya, ng halaga, at ng pagmamahal. Gusto natin siyang pasalamatan bilang pag-gunita sa kanyang ala-ala….”


CHAPTER 1

“ANG ingay ng klase ninyo, Alessandra? Hindi mo ba kayang sawayin ang mga kaklase mo? Ikaw pa naman ang Presidente ng classroom!” nanggagalaiting sermon kay Alessandra na Presidente ng klase nila at running for Valedictorian. Kumakain lamang siya at ng mga kaibigan sa loob ng classroom habang nakatingin sa Presidente.

“Sorry po Ma’am, nasa ibaba po kasi ako kanina kasi po may pinaayos sa akin si Ma’am Marites.” hinging paumanhin nito sa guro.

“Didn’t you remind them to keep quiet? I can’t believe na ngayon ka pa magiging iresponsable, Miss Aterva. This won’t happen again next time, huh? You’re Senior students but act as elementary. Hindi ba kayo naturuan ng tamang asal?” pagpapatuloy ng guro habang nagpapalipat-lipat ng tingin kay Alessandra at sa kanilang magkaka-klase.

“Ako po talaga ang may kasalanan, Ma’am. Hindi ko po sila nai-remind kanina. Sorry po talaga.” nakayuko si Alessandra habang sinserong humihingi ng tawad sa guro. Wala ng naging imik ang guro at umalis na ng classroom. Kumibit-balikat nalang siya at ang mga kaibigan.

“Sanay naman na riyan si Sanna eh.” ani Michelle at kumagat ulit ng tinapay sa bibig. Hindi nalang siya umimik sa sinabi ng kaibigan. Lagi siyang ine-elect na Vice-President dahil siya naman ang running for Salutatorian ngunit wala naman siyang ginagawa dahil kaliwa’t-kanan ang responsibilidad ni Alessandra o kilala bilang Sanna. Kung iisipin nga ay kaya na nitong gampanan ang lahat ng roles ng nasa Class Officers eh.

KINABUKASAN naman ay nangangamote ang lahat sa Math assignment. Hindi rin siya magaling sa Math dahil sa English at History talaga siya nage-excel, hindi gaya ni Sanna na lahat ay alam lalo na sa Math. Hinihintay nila itong dumating, nagtataka nga sila dahil sanay silang lagi itong nauuna sa klase, minsan nga ay tinutukso na nila ito na baka sa library na ito natutulog kaya tumatalino ng husto at laging maaga sa klase.

“Ang tagal naman ni Sanna! Thirty minutes nalang oh! Paano pa tayo niyan makaka-kopya?” angal ng isa nilang kaklase na akala mo’y pinatatagong pera kay Sanna. Natawa nalang siya roon at napailing.

“Hoy, Karylle! Ikaw na nga lang ang magpakopya, ‘di ba top 2 ka naman? Sure kaming may sagot ka.” siniko siya ng kaklase nila. Sinamaan niya ito ng tingin at pinakita rito ang answer sheet na walang kasagot-sagot. “ano ba ‘yan! Paano ka magiging top 1 niyan?” natatawa nitong pang-aasar sa kanya. Inirapan nalang niya ito. Maya-maya ay nagdiwang ang klase nang makita na nila sa bintana si Sanna na dumaan. Halos hindi pa ito nakakapasok nang harangin na agad ito ng isang lalaking kaklase nila at hinihingi na ang notebook nito. 

Nagtawanan sila roon, ngumiti lang si Sanna at nilabas ang notebook nito kaya nag-kopya-han na silang lahat.

“Good morning, class!” napa-angat silang lahat ng tingin nang bumati sa kanila ang kanilang Math Teacher. Nagsi-tayuan sila at gumanti ng bati rito. Lumabas muna ito ng room kaya nagmamadali silang kumopya.

“Bakit ka ba kasi na-late Sanna? ‘Yan tuloy nagka-cram kami.” reklamo pa ng sa isa sa mga boys na kaklase nila. Naghagikgikan sila sa biro ng kaklase.

“Ang tagal kasing naligo nung—“

“Alessandra! Why are you gossipping?” napatingin sila sa pagbabalik ulit ng teacher nila.  Natahimik nalang sila roon. “pass your assignments! In a count of ten dapat ay nandito na sa desk ko.” nagsimula na itong magbilang. Nagmamadali na silang lahat sa pagpapasa sa unahan.

“Uy, ipasa mo na ‘yan!”  anang boses sa likod nila.

“Wait lang, isusulat ko lang ‘yung sagot.” sagot naman ng isa. Natapos na ang bilang ng teacher nila.

“Late submission will not be accepted.” anito at sinalansan ang mga naipasang papel.

“Ma’am! Ito pa po!” hirit ng isa na lumapit sa desk. Naningkit ang mga mata ng teacher nila.

“’Di ba sinabi kong late submission will not be accepted? Klaro ‘yon ‘diba? So, hindi ko na tatanggapin ‘yan.” masungit na deklara ng kanilang teacher. Napatingin ang kanilang kaklase kay Sanna. Ang isang papel kasing hawak nito ay kay Sanna. Napayuko nalang ang huli at tinago ang inis sa mukha.


CHAPTER 2

MAAGA siyang nakarating sa room, naabutan niya roon si Sanna na nagsusulat na sa chalk board.

“Good morning, Kaye!” masiglang bati nito sa kanya. Gumanti naman siya ng bati at ngumiti rito. Binaba niya sa upuan ang gamit at tinignan ang isinusulat nito.

“Ano ‘yang mga sinusulat mo?” tanong niya rito. Saglit itong lumingon sa kanya.

“Mga reminders ni Ma’am Marites.” sagot naman nito. Tumangu-tango nalang siya at nag-review na ng notes dahil may quiz sila mamaya sa Economics. “nakapag-review ka na ba sa Econ?”

“Uhmm, medyo pero hindi ko gaanong makuha ‘yung iba kasi marami rin akong mga mistakes sa quizzes eh.”

“Sige, sabihin mo sa akin kung saan ka nahihirapan, baka alam ko at pwede kitang tulungan.” anito. Sa kabilang banda, gusto niya ang offer nito kaso lang ay nahihiya siya dahil Top 2 pa naman siyang sinabi ngunit hindi naman pala niyang makipag-kumpitensya rito. Isa pa, gusto niyang patunayan sa sariling kaya niya itong talunin.

“Hmm, hindi nalang. Maiistorbo pa kita, kaya ko naman.”

“Ikaw bahala.” kumibit-balikat pa ito. Natapos na ito sa pagsusulat doon ng mga reminders at bumalik na sa desk nito at nag-self review na rin. Napaka-consistent ng honor ranking nilang dalawa, mula pa noong first year high school ay lagi na itong Top 1 at siya naman ay laging Top 2. Minsan ay nagdidikit naman ang final grades nila ngunit hindi niya ito ni minsan natalo. Ang totoo’y naiinggit siya rito dahil pakiramdam niya ay may pagkukulang siya sa pag-aaral. Kung minsan nga’y sa bahay, pinagagalitan siya ng kanyang Mama dahil gusto talaga nitong maging Valedictorian siya ngunit lagi niya ritong sinasabing binibigay niya ang best niya ngunit hindi niya ito matalo-talo.

Dito rin ibinibigay lagi ang role na pagiging President dahil ito ang may kakayanang makipag-diplomasya sa mga guro at sanay na itong napapagalitan kapag may mga maiingay o kaya naman gumagawa ng gulo. Ayaw niyang magpa-elect na President dahil mahahati ang oras niya roon at sa pag-aaral ngunit kahit na may responsibilidad si Sanna, hindi pa rin nawawala sa pwesto. Hindi niya alam kung paano ang time management nito kaya lalo pa siyang naiinggit.

Dumating na ang mga kaklase nila. Ang iba’y nagpapaturo kay Sanna tungkol sa Econ, ang mga kaibigan naman niya ay sa kanya humihingi ng tulong.

Nag-umpisa na ang long quiz nila. Nahihirapan sila sa computation ng GDP at GNP, dahil nakakalimutan nila ang formula. Ang iba’y nagtatanong ng palihim kay Sanna, ang iba naman ay sa kanya. Nang i-tsek ang kanilang mga papel ay na-perfect ni Sanna ang quiz, samantalang siya ay may tatlong mali. Naiinis siya sa sarili dahil hindi niya nai-tsek ng maigi ang computation niya.

Dumating na ang break time at nag-remind muna si Sanna na tumahimik ang lahat ng maiiwan sa classroom. Bumaba na silang magkakaibigan sa canteen at kumain.

“Uy, Kaye, galingan mo nga para matalo mo ‘yang si Sanna.” ani Michelle habang dumudukot ng piattos.

“Oo nga. Masyado ng malaki ang ulo eh, feeling niya alam na niya ang lahat. Dikitan naman ang points niyo eh kaya galingan mo pa para bumagsak na siya. Nakakainis lang talaga kasi kahapon, siyempre hindi naman siya ang Presidente ng Intramurals tapos nakikisali-sali siya ng desisyon tuloy ‘yung President, oo nalang nang oo sa kanya, para bang wala siyang tiwala sa kakayahan ng iba.” mababanaag ang inis sa tinig naman ni Carla.
“Baka gina-guide lang naman niya dahil lower year ang namumuno. Siyempre, when it comes to leadership, alam niya na siguro ‘yon.” pagtatanggol naman niya kay Sanna.
“Kung alam niya na all about ‘leadership’, e’di sana hindi tayo laging napag-iinitan ng mga teachers. Kung bakit kasi ayaw mong magpa-elect na President noon eh.” sagot ni Carla sa depensa niya.

“Actually, pinagbigyan na talaga ni Kaye si Sanna kasi kung hindi magiging President si Kaye, hindi siya ang magtu-turn over ng key of responsibility sa mga juniors.” binuntutan pa ni Michelle ng tawa ang sinabi.

“Oo nga, tsaka kasi baka umiyak kapag hindi naging President. Bibo kid pa naman.” gatong pa ni Carla sa pangba-backstab kay Sanna. Wala nalang siyang imik habang  kumakain ng spaghetti. Kahit naman gaano siya kainggit sa Top 1, hindi naman niya ugaling mang-backstab ng kahit na sino.

Pumasok sa canteen si Sanna at si Renzell. Napatingin sila ni Michelle kay Carla. Crush kasi ni Carla si Renzell mula noong third year palang sila. Napairap ang kaibigan niya habang nakasunod ang tingin sa dalawang kaklase. Masinsinan ang pag-uusap ng mga ito na tila ayaw pa-istorbo.

Kung sa kagandahan naman ay maganda naman si Sanna, maputi ito, matangkad at mahaba ang itim na itim na buhok. Samantalang si Carla ay mestiza at parang Amerikana.

“Hala ka! Aagawin sa’yo ni Sanna ang bebe labs mong si Renzell.” pang-aasar nila ni Michelle rito. Umingos ito at tumayo na. Sumunod naman sila rito hanggang paakyat ng class room nila.

“Nasaan si Ate Sanna? May nag-aaway sa classroom ninyo!” nagpa-panic na anunsyo sa kanila ni Jeannie na Presidente ng third year.

“Nasa ‘baba! Paki-tawag mo naman Jeannie at pupuntahan namin ang nag-aaway sa classroom. Salamat.” utos niya sa nakababatang ka-eskwela. Dali-dali naman itong sumunod habang sila namang magkakaibigan ay patakbong pumunta sa classroom. Naabutan nilang nagsu-suntukan sina Joseph at Jadie. Inawat nila iyon ngunit ayaw magpaawat ng dalawa.

“Tumigil na kayo Joseph at Jadie!” ma-awtoridad na utos mula sa likuran nila. Boses iyon ni Sanna, sa likod nito ay si Renzell. Nilapitan ng dalawa ang nag-aaway at pinaghiwalay. Dinala pa ng mga ito sa guidance sina Joseph at Jadie. Muntik pang ma-suspend ang dalawa ngunit pinakiusapan ni Sanna na hindi ma-suspend ang dalawa dahil malapit na ang practice sa cotillion at kasama ang mga ito roon kaya naman napag-desisyunan ng office na kada breaktime ay maglilinis na lamang ang mga ito sa school.

“As usual, siya na naman po ang bida.” may halong sarcasm na pasaring ni Carla para kay Sanna.


CHAPTER 3

“OKAY, gaya ng sinabi ko last week ay mayroon tayong graded recitation ngayon. Pero ipapakita ko muna isa-isa ngayon kung sino-sino ang mga mababa ang grades at babagsak at maaaring hindi makapag-martsa. Sige pumila muna ang lima rito starting from Atabay, Aterva, Atizon, Baylan at Bocalig.” anang teacher nila sa Physics. 

Matapos ang pre-viewing ng grades nila ay namumutla si Michelle dahil mababa ang grades nito sa mga quizzes at exams kaya kung hindi siya makakabawi ngayon sa recitation ay babagsak na talaga ito.

“Ang mechanics ng recitation natin ay parang Who Wants To Be A Millionaire? Pero isa lang ang choice, call a friend. Pero kung nag-call a friend ka at mali rin ang sagot niya, siyempre walang sisihan. Kung nag-call a friend ka at ‘di ka kumbinsido sa sagot niya, pwede pa rin namang masunod ang choice mo. Okay ba?” tumango naman sila. 

Pangatlo siyang tinawag sa recitation, nakuha naman niya ang sagot agad tungkol sa Law of Inertia. Sunod na tinawag ay si Sanna, nasagot naman nito ang formula para sa Relativity. Sumunod ay si Michelle, pinae-enumerate sa kanya ang at least five foreign scientists at kailangang i-define ang mga ito. Nag-call a friend ito at siya ang tinawag. Umiling siya at sinabing ‘di siya sure kaya si Sanna ang tinawag nito.

“Aristotle, father of modern science. John Dalton, formulated the proton. Galileo Galilee, invented the telescope. Albert Einstein, formulated the theory of relativity and Ernest Rutherford, formulated the raisin bread model.” sagot ni Sanna. Um-agree naman ito, tama iyon at sinabi ng teacher nilang safe na siya basta gagalingan sa final exam.

AFTER Science class ay history class naman nila. May quiz sila kaya pinagre-review muna sila ng ten minutes. Nag-start na ang quiz nila. Nakikita niyang nahihirapan si Sanna dahil excused ito last time kaya wala itong notes at naki-hiram lang ito kanina sa katabi. Nang ianunsyo ang mga scores nila, na-perfect niya ang quiz. Si Sanna ay nakakuha lang ng six over ten kaya tinukso ito ng mga kaklase na siya na raw ang magva-Valedictorian. Ngumiti lang si Sanna at kinongrats pa siya.

“Hay nako, girl. Mag-aral ka nga lang nang mag-aral, oh diba? Natalo mo siya kanina, kasing score ko lang siya. Kawawa naman. Siguro ang sama ng loob niya ngayon dahil for the first time ay naungusan mo siya tapos tinukso pa siya ng mga classmates natin kanina.” si Michelle.

“Para isang quiz lang naman, babawi ‘yon sa exam. Ilalampaso na naman niyon ang score ko.”

“Asus! Kaya mo ‘yan girl, ikaw pa! Masyado mo namang minamaliit ‘yang sarili mo. Kaunting push nalang at ikaw din ang magwawagi.”

“Imposible ‘yon. Fourth grading na kaya imposible na talaga.”

“Sa quiz bee mo nalang talunin.” sulsol naman ni Carla. Napailing nalang siya. Natutuwa naman siya sa suportang pinakikita sa kanya ng mga kaibigan niya ngunit tanggap naman na niya ang pagkatalo at alam niyang deserve ni Sanna ang place na iyon dahil hindi niya kaya ang pagmu-multi-task nito.

KINABUKASAN ay pinapunta silang mga officers sa office ng adviser nilang si Ma’am Marites.

“Ano Sanna, nakagawa ka na ba ng list para sa mga tuturuang mag-cotillion?” tanong nito kay Sanna. Tumango naman ang huli at nilabas ang listahan. “oh, why are you not included?”

“Ahmm hindi ko po Ma’am kayang magbayad sa instructor, ako nalang po ang maniningil para mas focus po ako sa pera.”

“Okay, pero sayang naman. By the way, hindi ba parang hindi bagay na mag-partner sina Renzell at Carla? Mas okay siguro kung i-partner mo si Renzell kay Jamie.”

“Ay Ma’am hindi po. Kung titignan niyo po kasi sa list ng mga boys, si Renzell na po talaga ang fit kay Carla since pareho po silang matangkad.”

“Uhmm okay, sige-sige.” tumangu-tango si Ma’am Marites. “salamat Sanna. I-announce mo na ito sa mga kaklase mo sa loob.”

LUNCH break na at nagulat siya nang lumapit sa pwesto nila si Sanna.

“Hi sa inyo. Uhmm, gusto ko lang sana sa’yong magtanong Karylle kung clear ba sa’yo ang topic sa Math kanina? Medyo hindi ko kasi siya na-get.” anito. Nagkatinginan silang magkakaibigan.

“H-hindi ko rin masyadong naintindihan kasi medyo mabilis ‘yung turo ni Ma’am. Bukas tanungin mo nalang siya or ipa-ulit mo nalang.”

“Ahh okay sige. Salamat at sorry sa istorbo.” kumaway ito at umalis na sa pwesto nila.

“Papansin!” sigaw ni Carla nang makaalis na ng tuluyan si Sanna. Sinaway nila ito, humagikgik nalang ito. “nakakainis at nakakaselos dahil lagi niyang kabuntot si Renzell, ginawa na niyang assistant ang bebe labs ko ah!” nagtawanan sila sa sinabi nito.


CHAPTER 4

KINABUKASAN ay practice na ng cotillion. Iniayos na sila ni Sanna by partners. Nagulat ang mga classmates nila nang i-partner ni Sanna si Renzell kay Carla kaya naman tinukso si Carla dahil finally, makaka-aura na ito sa crush nito. Nang matapos ang practice ay breaktime na nila at kilig na kilig at abot-tainga ang ngiti sa labi ni Carla.

“We won’t ask kung bakit ganyan ang ngiti mo ngayon. You must thank Sanna, huh?” ani Michelle habang kumakain ng hamburger. Walang naging imik si Carla bagkus ay tumili ito nang tumili sa canteen. Sinaway nila ito at pinanlakihan ng mga mata.

“Kinikilig lang ako girls, I’m sorry. Sobrang saya sa feeling na kasayaw ko si Renzell. Oh my God! Napaka-advance gift nito para sa birthday ko.” namumula pa ang pisngi nito habang hindi malaman kung anong gagawin sa sarili. Natawa nalang sila at napailing.

“Huy! Mamaya makita ka ni Renzell na ganyan ka, mag-take advantage—“

“Okay lang! Okay lang na mag-take advantage siya.” gagad pa nito sa sasabihin sana ni Michelle. Hindi nalang nila ito pinansin at nag-concentrate sa pagkain. Maya-maya ay pumasok sa pinto sina Sanna at Renzell. Natigil bigla si Carla at natigagal. Gusto nilang halakhakan ang kaibigan subalit nakikita nila ang inis sa mukha nito kaya naman pinigil nalang nila iyon ni Michelle habang nagsisikuhan.

“Hi Sanna!” bati ni Michelle rito. Ngumiti naman si Sanna at kumaway. Si Renzell naman ay umumis lang. “ikaw Renzell ah, ina-aura-han mo ‘yan si Sanna ah!” tukso pa ni Michelle sa mga ito. 

Natawa ang dalawa sa sinabi ni Michelle at sabay na umiling. “good! Dahil marami kayong masasagasaan na puso kapag na-develop kayo.” humalakhak pa si Michelle habang nakatingin kay Carla. Umismid naman ang huli at padabog na umalis ng canteen.

MAKALIPAS ang ilang linggo at JS Promenade na nga kaya naman lahat ay magaganda at magagara ang mga damit. Namataan nilang magkasama na naman sina Sanna at Renzell at pasakay ang mga ito sa sasakyan ni Renzell. Agad namang naghimutok si Carla sa nakita kaya naman muntik niyang sugurin ang mga ito.

“Hey, why are over-reacting? Hindi naman kayo ni Renzell ah?” ‘di na niya mapigilan ang sariling mapagsalitaan ang kaibigan dahil hindi niya makita ang point kung bakit kailangan nitong magalit sa dalawa.

“The whole campus knew that I’m in love with Renzell. Nakakainis lang na ang manhid-manhid niya! Bakit ba laging ang kasama niya ay ‘yang si Sanna? If I know, sa sobrang hirap niyan ni Sanna umutang siya ng pang JS fee para dito. Pine-perahan lang niya si Renzell. Kawawa naman si Renzell! Hindi ako papayag na lokohin lang siya ni Sanna!” nanggigigil na pahayag ni Carla. Nagkatinginan sila ni Michelle.

“You have no proof, Carla. Ano ba! This is a prom, we should be happy ‘cos this is going to be our last tapos ganyan ka pa! You cannot confront Renzell and tell him that Sanna is just using him. No stupid man would ever believe you! Umayos ka nga!” pataray niyang singhal sa kaibigan. Napayuko ito at ‘di na nakapag-salita.

CHAPTER 5

“OKAY, natapos na ang maliligalig niyong araw bilang high-school, dumako na tayo sa honor rolls para makapag-simula na ng practice para sa Graduation. Excited na ba kayong malaman?”

“Naku Ma’am..parang kilala naman na namin kung sino ang mga pasok diyan eh.” sagot naman ng isa. Napatingin siya kay Sanna. Nagngingitngit siya dahil hindi na kaila sa kanilang mga kaklase na hakot awards si Sanna at ito ang tatanggap ng titulong Valedictorian. Gumilid ang luha sa mga mata niya. It’s my dream but it’s also her dream..it’s just meant to be na talagang para sa kanya.

“And now, your class Salutatorian is Karylle. And our class Valedictorian is no other than, Sanna!” masayang anunsyo ng kanilang guro. Nagpalakpakan naman ang mga kaklase nila.

“It’s okay girl. Nangangailangan kasi talaga siya ng scholarship. Ganyan talaga kapag poor.” binuntutan pa ni Carla ng tawa. Umumis lang siya at ‘di naman umimik. Maya-maya ay lumapit sa kanya si Sanna at kinamayan siya.

“Congratulations, Kaye!” bati nito at niyakap pa siya. Nagulat siya at kahit ang mga kaibigan niya ngunit bilang sign ng sportsmanship ay gumanti siya ng yakap.

“Congratulations din. You deserve it.” sa sinabi niyang iyon ay umikot ang mga mata ng mga kaibigan niya. Matapos itong magpasalamat ay bumaba na rin ito sa canteen.

ILANG araw pa ang lumipas at tatlong araw nalang at graduation na nila. Hindi pa nga siya nakakapag-entrance exam sa University. Umupo  na siya sa upuan niya. Maya-maya ay dumating na ang teacher nila, parang malungkot ang mukha nito.

“Class, tumahimik muna kayo at may sasabihin ako.” pagtawag atensyon ng kanilang guro. Natahimik ang lahat. “pumunta rito ang Nanay ni Sanna at kinausap kaming mga teachers. Ipinamalita niya sa amin na nabundol ng van pauwi si Sanna galing school kahapon, it’s sad to know na binawian siya ng buhay kaninang madaling araw. Kinakailangan nating pumunta mamaya after the class sa bahay nila, okay ba sa inyo?”

Hindi sila makapagsalita at lahat ay nagimbal sa balitang iyon. Walang namumutawing salita sa mga labi nila at natutulala sila.


EPILOGUE

TUMAYO at pumunta sa harap ng stage ang mga kaklase, teacher nila upang alalahanin ang mga nagawa nito sa klase.

“Isang napakagandang katangian ni Sanna ay ang pag-aalaga niya sa aming mga kaklase niya, sinasalo at pinagtatanggol niya kami kapag napapagalitan. Karaniwan na hindi namin na-appreciate iyon, isa na ako doon na kasama sa nag-ingay. Napagalitan siya dahil sa amin ngunit walang-sumbat kaming narinig mula sa kanya. Sana kahit apology nagawa namin. We’re really sorry.” ani Kyla na humihikbi.

“Tinuturuan niya kami sa mga subjects at madaling pagtanungan at hingan ng pabor ngunit ni isa yata sa’min ay walang nakapag-pasalamat sa kanya bagkus ay naiinggit pa at sinasabing pabida siya. Patawad, Sanna.” nakatungong salaysay naman ni Eric.

“Hindi basagulera si Sanna pero laman din siya ng guidance dahil damay siya kapag may nag-aaway na mga kaklase namin. Alam naming nasasaktan din siya pero bago ang damdamin niya, inuuna pa rin niya ang kondisyon namin. Sana na-apprecite namin ‘yon. Patawad.” umiiyak na hinging-paumanhin ni Joseph.

“Kapag may mga recitations at kailangan ng tulong niya, nandiyan siya para tumulong pero kapag siya naman ang may kailangan, lahat kami ay walang pakialam sa kanya. Sana hindi namin minasama ang mga tulong mo. Mapatawad mo sana kami.” si Michelle.

“Lagi ko siyang bina-backstab at nilalait dahil tingin ko dati ay inaagaw niya ang crush ko pero sa kabila ng ka-plastic-an ko, nagawa niya pa kaming ipares ng crush ko sa JS. Sana noon palang ay nakonsensya na ako sa mga ginawa ko. I’m really sorry.” mangiyak-ngiyak na kwento ni Carla.

“Isa siyang mabuting mag-aaral. Ngunit, lahat ng mabubuti niyang nagawa ay ngayon lang naalala kung kailan wala na siya at dati, isang pagkakamali niya lang ay hindi makalimutan ng lahat. Isa itong leksyon hindi lang para sa mga estudyante bagkus sa lahat ng mga nakikinig ngayon. We only have a little time to say thank you, sorry and I love you, let’s not double-think on saying those words.” anang adviser nila. Bumalik kay Karylle ang mikropono. Huminga siya ng malalim at pilit na pinapalis ang luha sa mga mata.

“Lahat kami ay nalulungkot at siyempre nakiki-simpatya lalo na sa mga naiwan ni Sanna. Mali ang insecurities ko noon para sayo dahil totoo namang matalino ka, alam mo kung maibabalik lang namin ang kahapon? Pasasalamatan ka namin, ia-appreciate at yayakapin bilang isang kaibigan mo na walang halong inggit at pagi-imbot. Mahal ka namin, at kung bakit ngayon lang namin ito nasabi at naipahayag—ikinalulungkot namin at inihihingi namin ng tawad. Mayroon kang higit pa sa pitong positibong katangian, sana ay nakita namin noon, sana...sana.” lumandas ang luha mula sa mga mata ni Karylle. Lahat ay tahimik at nadudurog ang puso sa pakikidalamhati.



***W A K A S***

No comments:

Post a Comment