One Shot Writing Contest Entry #18: The Loner Student by Rafael Robiso


PASADO alas-diyes na ng gabi, pero nandito pa rin ako sa harap ng computer. Tumitipa ng bagong maisusulat sa isang patimpalak na aking lalahukan. Walang pumapasok na ideya sa aking isipan kaya kung ano ang aking isusulat, kahit titulo o balangkas ay tila kay ilap hagilapin ng pagod kong utak ngayong araw. Halos kalahating araw din kasi kaming lumibot kanina sa mall para bumili ng mga kagamitang pang eskwela. Idagdag pa ang pagpunta namin sa school para magpa-enroll.

Napatingin ako sa kapatid ko na mahimbing ang pagtulog. Talagang inagahan niyang matulog, dahil sabik na sabik siyang pumasok bukas. Unang araw niya kasi sa mataas na paaralan na akin ding eskwelahan. Ang mga freshman talaga kahit kailan, hindi maiwasang masabik sa bagong school na kanilang makikita araw-araw at mga bagong classmates na kanilang makakasama. Hindi ko naman sila masisi, sapagkat panibagong yugto sa buhay estudyante ang kanilang kahaharapin.

KINABUKASAN, naglalatag pa lang ng liwanag ang haring araw, nang marinig ko ang malakas na sigaw ng labing dalawang taong gulang kong kapatid.

"Hoy kuya gumising ka na diyan!" sigaw niya pero nagpanggap akong walang narinig at nagtalukbong pa ng kumot para ituloy ang aking pagtulog.

"Bahala ka diyan, pero huwag mo akong sisihin kapag nahuli ka sa klase," saad niya.

"Bakit anong oras na ba?" inis kong untag sa kanya.

"Alas-sais na kaya ng umaga, kaya kung ako sa’yo bumangon ka na diyan," ani Roselyn. Ang kababata kong kapatid.

"Ano!!" napabalikwas ako sa sinabi niya at agad nagtungo sa palikuran na kung minsan ay nag uunahan kaming dalawa sa pagligo. Ngunit ngayon, mukhang hindi ko na kailangan makipag dahil nakabihis na siya ng suot niyang puting blusa at abot tuhod na palda.

Matapos kong gawin ang aking ritwal sa umaga, dumiretso ako sa kusina. Tyempo namang naabutan ko ang aking mama na abala sa pagluluto ng aming agahan.

"Oh anak, kumain ka na diyan, may nakahanda ng pagkain diyan sa lamesa," baling nito nang ako'y kanyang nakita. Nakahain ang iba't ibang pagkain na kadalasang binabaon ng isang estudyante sa eskwelahan. Kagaya ng hotdog, meat loaf at sandwich na laging niluluto ni Mama tuwing almusal.

"Pagkatapos mo diyang kumain ay kunin mo nalang 'yong baon niyong magkapatid sa taas ng refrigerator." Nagliwanag naman ang mukha ko sa aking narinig. Siyempre hindi ako makakapasok kung wala 'yon. Hindi ko na siya nagawang sagutin, dahil punong-puno ng laman ang bibig ko.

Hirap talaga kapag nagmamadali.

Pagkalabas ko ng aming gate, naabutan ko si Roselyn na tila kinakabahan at panay tingin sa kanyang relo.

"Oh bakit ganyan 'yang mukha mo," bungad ko sa kanya.

"Eh kuya, ilang minuto nalang kaya at mahuhuli na tayo!”

"Akalain mo nga naman oh, talagang ako ang hinihintay ng mga jeep dito sa ating lugar," pagmamayabang ko nang makita ko ang paparating na jeep palapit sa amin. Sinamaan nalang ako ng tingin ni Roselyn bago sumakay.


MALAPIT nang magsara ang gate nang makalapag sa lupa ng iskul ang aking balat na sapatos. Sakto naman ang dating namin sa flag raising, dahil kasisimula lang kumumpas ng isang guro sa entablado. Pumili ako sa isang hanay ng mga senior, tsaka nilagay ang aking kaliwang kamay sa dibdib.

"Bayang magiliw, perlas ng silanganan." hindi talaga mawawala ang mga sintunadong boses, kagaya ng nasa harapan kong lalake.

Natapos ang pagbibigay galang sa watawat. Nagtungo na kami sa kanya kanyang room. Pumasok ako sa isang room, kung saan makakasama ko ang mga may matataas na grado noong nakaraang taon. Gaya ng inaasahan ko, kwentuhan na naman ang nadatnan ko sa mga kaklase ko.

"Leny, saan ka nagbakasyon?"

"Kamusta?"

"Girl may ikwekwento ako sayo."

Ilan lamang 'yan sa mga naririnig ko sa kanila. Naupo ako sa isang silya ng unang halera sa harapan sa loob ng room. Mabilis namang nagsibalikan ang mga kaklase ko, nang nalaman nilang paparating ang aming guro. Natahimik din sila na karaniwan nang nangyayari sa tatlong taon kong pag-aaral sa high school. Paano pa kaya ngayong huling taon namin.
Siyempre hindi ako kasama sa kanila, dahil isa akong dakilang loner mula noong nasa elementary pa ako.

Pumasok ang guro naming sinasabihan nilang Mickey Mouse, sa laki kasi ng nunal nito ay mahahawig nga sa nasabing karakter mula sa palabas. Nagmamadaling pumasok ang ginang, dahil ilang minuto na siyang nahuli sa aming unang klase.

"Good morning class," bati nito sa amin.

"Good morning Ms. Matulin," sabay sabay naming bati sa kanya.

"Maaari na kayong umupo." wika nito. "Class, dahil unang araw natin ngayong school year at may ilan sa inyo ay transferee galing sa iba’t ibang school. Kaya gusto kong pumunta kayo isa isa dito sa harapan, at ipakilala ang inyong sarili." Sabi ko na nga ba eh, ganito ang una naming gagawin sa pagbubukas ng pasukan.

Mayroong nagpakilala na malakas ang loob at mahihinuhang palakaibigan. Hindi rin mawawala ang mga kagaya ko na may pagkamahiyain at minsan nauutal sa pagsasalita.

"Ngayong kilala niyo na ang isa't isa. Ibibigay ko naman ang inyong grupo sa paglilinis sa loob at labas ng ating room." Hay, ayan na, ang cleaners na may kanya kanyang park kahit marami namang hindi tumutulong sa paglilinis. Minamalas nga naman oh, sa room pa kami laging maglilinis. Nakakapagod pa namang magbunot at magwalis, lalo't iresponsable sa kapaligiran ang mga kasamahan mo.

"Ngayon, magbobotohan tayo para sa Home Room Organization." Pinatayo ni Ms. Matulin ang isa sa mga kaklase ko para magsulat sa black board ng mga mananalo.

Isa ito sa hindi napagtutuunang-pansin ng mga guro para sa akin. Mayroon kasing nanalong estudyante sa pagiging Presidente, pero hindi niya naman nagagawa ang kanyang responsibilidad. Minsan hindi rin batayan ang boto ng mga kasamahan, kasi may ilang bumoboto dahil kaibigan nila o minsan napagtritripan lang nila. Kagaya ng dalawa kong kaklaseng napagtripan ihalal.

"Ma'am I respectfully nominate, Hershey Batungbakal for muse position." Talagang 'yong pinaka panget pa naming kaklase ang ininominate ng loko kong katabi. Pati ang lalaking mukhang adik sa room namin hindi pinatawad. Ito ang binoto nila para sa pagiging eskorte.
Napabuntong hininga nalang ako sa ginagawa nila.

Ilang oras din ang ginugol namin bago kami mag-break. Dito na lalabas kung sino ang magkakagrupo. Mayroong grupo na walang awatan sa daldalan, mayroong matatahimik na mas pinipili nilang kumain ng kanilang meryenda sa isang sulok ng room. Kung saan saan naman pumupunta ang grupo na maangas at palaban. May grupong nasa library para magbasa at magpalipas ng oras, gawain na rin nila iyon para madagdagan ang kanilang kaalaman. Ako, eto mag isang kumakain sa aking silya at kinakalikot ang aking phone.

Natigil ako sa aking ginagawa nang pumasok ang isang binibini. Sa tingin ko, siya ang bagong guro namin sa Values. Nagpasukan naman ang mga kaklase ko, kaso may ilan ay naka tambay pa rin sa canteen.

"Who will lead the prayer?" untag nito sa amin. Wala namang gustong mag lead, mayroon pang nagtuturuan na parang kay hirap ng kanilang gagawin. Dahil walang may gusto, ako na ang pumunta sa harapan para manguna sa panalangin.

Dahil bago ang aming guro, sinimulan nang umaksyon ng sipsip kong klase. Hay, iba iba talaga ang mga ugali ng bawat isa sa amin.

Sabi nila ang mga estudyanteng naka-upo sa harapan ay ang mga matatahimik at sipsip kagaya ng mga kaharela ko. Sa gitna naman ay 'yong mga mahilig mangopya o laging umaasa sa katabi. Ang mga nasa dulo naman, ay ang mga maiingay at puro pa ganda ang alam. Sila 'yong mga estudyanteng madalas na hindi nakikinig sa mga sinasabi ng guro, kaya kapag pinasagot sa black board ay nganga.


LUMIPAS ang dalawang oras, natapos din namin ang aming apat na subject sa umaga.

"Kringggg!!!" ang paboritong marinig ng karamihan sa estudyante. Kaya agad nagsi alisan ang mga kaklase ko.

"Brad doon tayo kumain sa bahay nila Reymark."

"Sige pare doon nalang sa inyo."

"Basta huwag kayong magulo doon ahh."

Mga pag uusap na madalas kong naririnig sa mga kalalakihang estudyante kagaya ko bago sila umalis ng room sa oras ng tanghalian.

Pinili kong pumunta sa cafeteria para doon kainin ang baon kong dala. Akala ko, maraming tao sa lugar na 'yon, sabagay unang araw ng klase ngayon. Kaya siguro 'yong iba mas piniling umuwi, tuloy liliban na rin mamayang hapon.

Tahimik akong kumakain sa isang table nang may isang grupo ng kababaihan ang pumukaw ng atensyon ko.

Masaya nilang pinagsasaluhan ang kanilang mga pagkain. Pansin ko ring nagbabahagi sila ng kanya kanyang ulam para matikman ang kanya kanyang baon.

"Cindy, may dala kang mangga?" untag ng isa kanila sa kasamahan nito.

"Oo naman may dala ako, siyempre hindi mawawala ang sawsawan na alamang." tugon nito sa kausap.

"hala, mayroon ako ngayon." panghihinayang nang isa.

"Malas mo besty, hindi ka pwedeng kumain niyan. Inggitin nga natin." pang aasar ng pinaka pinuno nila sa grupo. Patuloy lang sila sa pagkwekwentuhan ng kung ano ano.

Matapos kong kumain, nagtungo ako sa oval ng school. Makikita ko ang mga estudyanteng nakikinig ng music, nagkakantahan, nag grogroupi shot at hindi mawawala ang mag irog na nakahiga pa sa mga damuhan. Kanya kanya silang trip, walang pakiilamanan.

Nang mainip ako sa oval magmuni-muni. Pumunta naman ako sa gymnasium. Dinig na dinig ko ang mga ingay, dahil sa saya nilang nararamdaman sa paglalaro ng ibat ibang larong pinoy. Halimbawa ng basketball na tinitiliin ng mga manunuod na babae at beki. Volleyball na minsan tinatamaan ang mga taong napadaan lang at marami pang ibang pagkakaabalahan.

Wala silang pakialam kung mag amoy pawis sila, sapagkat hindi nila ipagkakait ang saya nilang nararamdaman, kasama ang mga kaibigan.

May mga kagaya ko na nagpapalipas ng oras gamit ang mga gadget at librong laging nasa loob ng bag.

Kami 'yong mga tipong nakikipagtext o nakikipagtawagan, kahit maubos ang pera kakalod. Mayroon namang internet at games ang hilig, 'yong laging makikita sa computer shop. 
Hindi pa nagiinit ang pwet ko sa kinauupuang bleacher, umalis ako para lumabas ng school.


PUMUNTA ako sa palengke para maglibot at mamili ng kung ano ano. Ang dami ring estudyante ang pumupunta sa mga ganitong lugar. May ilan namang nasa mall at department store, kahit kakaunti lang ang kanilang bibilin. Masaya na silang makapag libot kasama ang barkada nila.

Bumalik rin agad ako sa school nang mabili ko ang mga bagay na dapat kong bilhin. 

Bumutingting na naman ang bell, hudyat ng pagsisimula sa pang hapon na klase. Ang oras kung saan inaantok ang karamihan, lalo kapag filipino o Araling Panilipunan ang subject.

"Count 1 to 10." utos sa amin ng guro sa Filipino. Hay, unang araw ng pasukan, mayroon na agad group activity, na isa sa mga kinaiinisan kong pinapagawa ng mga guro sa kanilang estudyante.

Bakit ko nasabing ayoko, eh paano wala rin akong maitutulong sa kanila, lalo't hindi ko ka close silang lahat.

"Ako na leader ahh" pagprepresinta ng isa kong kaklase sa amin. Tumango naman ang bawat isa sa amin.

May ibat ibang uri ng member sa isang group activity. Una ay 'yong mga estudyanteng tango lang ng tango sa sinasabi ng kanilang leader. Kabilang ako sa kanila. Pangalawa ang mga suhestiyon ng suhestiyon pero maya maya tila uurong din sila sa mga sinabi nila. 

Pangatlo, kontra ng kontra kahit wala silang naitutulong. Pang apat, patawa sa grupo at kadalasang dumadaldal habang gumagawa. Pang lima, punta ng punta sa ibang grupo kahit wala pa silang naitutulong at ang huli ay ang mga kaklase mong umaasa lang sa inyo sa mga ganitong pagkakataon.

Minsan may mga leader na tila walang paki alam kung walang maitulong ang kasamahan nila, sila 'yong gusto ay sila laging bida. Mayroon namang mahigpit, 'yong hindi isusulat ang pangalan mo kapag tumunganga ka lang sa tabi.

Natapos ang dalawang subject sa panghapon, naghiwa hiwalay na kaming magkakaklase, sapagkat T.L.E na sa oras na 'yon.

"Adriane, saan ka pupuntang course sa T.L.E?" untag ng isa kong kaklase sa kasama niya.
"Doon nalang tayo sa dati, wala rin naman tayong ginagawa kapag oras ng klase." tugon ng kasama nito.

"Sabagay, kung tutuusin puro lecture lang about sa computer ang pinapagawa sa atin. Minsan lang tayo mag hands on."

May lima kaming course sa T.L.E . Nangunguna ang pinaka ayoko sa lahat, 'yong agriculture na bilad palagi sa init ng araw ang mga senior na pumipili dito. Sumusunod naman ang culinary arts na malaki ang magagastos mo sa mga ingredients na kaylangan.

 Isa rin ang ICT na laging naisasama sa babayaring miscellenus dahil gumagamit sila ng kuryente. Kung mahilig ka sa pag aayos ng sarili, lalo na sa mga kababaihan, dapat kang pumunta sa Cosmetology na animoy maarte ang naroon. Huli ay ang pinasukan kong course. Ang Handicrafts, masasabi kong ito ang pinaka worth it para sa akin.

Hindi ko alam kung bakit kakaunti lang pumupunta sa mga ganitong course ng T.L.E . Dapat nga dito maraming pumunta, bukod sa maliit lang magagastos, marami ka pang matutunang pwedeng gawing mapagkakakitaan balang araw, gamit ang mga patapong bagay sa paligid. Makakatulong ka pa sa inang bayan. Ngunit kung tamad kang magdala ng mga gamit at ayaw mong may bitbit, kagaya ng sewing box. Abay, hindi ka nararapat maging kaklase namin.


SA Handicrafts ko nakilala ang aking crush. Lahat naman tayo ay mayroon crush, lalo't kapag ikaw ay nasa high school na. Ang pagkakaiba nga lang, hindi babae ang crush ko. Kundi kapwa kong lalake.

Pagkapasok na pagkapasok ko palang sa loob ng Handicrafts room. Agad kong nasilayan ang lalakeng nagpatibok ng puso ko. Alam niyo 'yong feeling na bigla nalang nawala ang mga taong nasa paligid namin. Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman sa kanya.

Ayokong matawag na bading, dahil nalilito ako sa sarili ko. Malambot kasi ang bawat kilos ko, kaya minsan may mga nanunukso sa akin. Hindi ko nalang pinapansin ang ganung klaseng mga tao.

Kung ilalarawan ko si Bryan, masasabi kong mas gwapo ako talaga ako sa kanya. Mas matangos ang ilong ko, pero hindi nagkakalayo ang moreno naming kulay. Tila nangungusap ang kanyang mga mata.

Nahinto ang pag iilusyon ko nang pumasok ang guro namin.

"Get 1 whole sheet a paper." Ang paboritong linya ng mga guro.

"Brad, may papel ka?" kalabit sa balikat nang taong nasa tabi ko. Si Bryan pala. Unang araw ng klase, wala man lang siyang papel na dala. Lumingon ako sa kanya at inibot ang papel.

"Salamat brad." Nginitian ko nalang siya. Parang gustong sumabog ng puso ko sa tuwa o sabihin na nating dahil kinilig ako.

Akala ko siya lang ang walang papel, pero nang nakita nang mga kaklase kong binigyan siya. Nagsihingian din ang mga ito sa akin.

Ako naman itong mabait, kaya binigyan ko silang lahat ng papel. Halos kalahati ang nabawas sa isang pad ng papel ko.

"Class, gusto kong isulat niyo diyan sa papel ang pakahulugan ng salitang Handicrafts para sa inyo.

"Best, kopyahan tayo." rinig kong sabi ng nasa likod ko.

"Wala nga akong maisip, kokopya ka pa sa akin." sagot naman ng katabi nito.

Habang nahihirapang ang ilan sa amin, ako naman ay kaybilis magsulat ng isasagot ko.
Mukang nganga si Bryan, dahil animoy naghihintay ito ng sagot sa kisame. Wala na akong nagawa, kundi ipasilip sa kanya ang naka sulat sa papel ko. Nakuha naman niya ang ibig kong sabihin, kaya panay tingin nitong palihim sa papel ko.


PAPAPALABAS na ako nang may tumawag sa akin.

"Brad!!" Liningon ko siya at kunot noo ko siyang tinignan.

"Ahmm, salamat dun sa kanina. Baka na betlog ako kung hindi mo ako pinakopya." bungad nito sa akin.

"Ahh wala 'yon. Sige una na ako. May dadaluhan pa kasi akong meeting." Hindi ko na siyang hinintay makapagsalita.

Tinalikuran ko na siya at mabilis naglakad palayo. Inunahan yata ako ng hiyang makipag usap sa kanya.

"Brad ano pangalan mo??" rinig kong sigaw niya, pero para wala akong narinig. Bagkos ay pumasok na ako sa isang room.

"Sorry nahuli ako." mga salitang unang lumabas sa bibig ko nang ako'y nasa loob na.

"Okay lang po Chief." wika ng isang naka salamin ng isang journalist.

Siyempre hindi mawawala ang mga organization sa school, kagaya ng aming staff sa journalism. Ako ang tumatayong Editor in Chief ng journalism sa aming school. Kaya pinulong ko ang mga nasasakupan kong journalist, para ibigay ang kanya-kanya nilang trabaho sa paglakap ng balita, pagsulat ng lathalain at marami pang iba.

"Kumpleto na ba kayong lahat?" untag ko sa kanila.

"Kumpleto na po chief." sagot ng naka salaming babae at ngayon ko lang nakita ang kanyang muka. Isa lang ibig sabihin nun, bago siyang journalist.

Matapos kong magdiskusyon sa kanila. Pinauwi ko na rin ang buong staff, tutal wala pa namang event ang nagaganap sa school. Tsaka ko nalang papagawan ng balita ang patungkol sa pagbabalik eskwela ng mga estudyante ngayong araw at ang mga nakaraang brigada.


PAPALABAS ako ng gate, nang makita ko si Roselyn na mukang kanina pa naiinip sa kakahintay sa akin.

"Buti naman kuya dumating kana, kanina pa ako naghihintay dito." inis nito ng makita niya akong papalapit sa kanya.

"Sinabi ko bang hintayin mo ako. Oh siya uwi na tayo." yaya ko sa kanya.

"Kuya, bili muna tayo ng fish ball at palamig." dahil nagugutom na rin ako. Minabuti kong bumili na rin ng street food sa isang matandang lalake.

"Manong, pabili nga po ng sampung pisong fish ball." sabay abot ng bayad ko sa kanya. 

Binigyan naman ako nito ng isang plastik cup at barbeque stick para makuha ko ang mga ito sa kumukulong mantika. May ibat ibang street food ang makikita, kagaya ng meat balls, kikyam, tokwa at ang fish ball na ngayon ay pinatneran ko ng pinaghalong suka at sauce. Talagang hilig na rin bumili ng mga estudyante tuwing hapon bago umuwi ng mga ganitong pagkain. May iba namang mainit init na mani, tapos sasamahan ng soft drinks ang binibili.

Dapit hapon na ng makarating kami ni Roselyn sa bahay. Naka bihis pa ako ng pang eskwela nang humilita ako sa aking kama. Tumingin ako sa kisame, iniisip ang mga nangyari ngayong araw.


PAGKATAPOS kong kumain ng hapunan, bumalik agad ako sa kwarto para gawin ang mga takdang aralin na binigay ng aming guro ngayong araw.

"Define Physics?" 'yan ang tanong na kahit hindi ko na hanapin sa google, eh alam ko na, natopic na rin namin ito nung 3rd year.

Sigurado ako bukas, kopyahan na naman ang mga kaklase ko sa kanilang takdang aralin. Imbes na sa bahay nila gawin, sa school pa sila magkakandahog magpasa.

Sinara ko ang bagong note book ko at muling nilagay sa bag. Maingat ako sa mga gamit, hindi kagaya ng ibang estudyante, kapag lumipas ang ilang linggo. Makikita mong nagsikalatan na ang kanilang mga note book.


ARAW ng Miyerkules, naka sabay kong pumasok ang ibang section ng senior. Nagulat ako nang tumingin sa direksyon ko ang guard. Wala naman akong naaalalang ginawa kong labag sa rules and regulation ng school.

"Kayong tatlo, hindi ko kayo papasukin, hanggat ganyan ang kulay ng buhok at wala kayong I.D ." baling nito, ahh 'yong mga estudyanteng kasabay kong naglalakad papasok ng school.

Karaniwan nating nasasabi na ang mga nasa lower section ay mga pasaway at walang patutunguhan sa buhay. Ngunit, para sa akin, hindi naman silang lahat ay ganun. May ilan sa kanila ay hindi nagagabayan ng magulang o sabihin na nating kulang sa kalinga.
Malayo palang ako sa room namin, isang away na naman ang naganap sa pagitan ng dalawang lalake. Laking gulat ko ng malaman kong si Bryan 'yong isa. Hay, panigurado sa guidance ang bagsak nila.

Minsan mahirap maging loner, lalo't wala kang kaibigan na masasandalan kapag may problema ka, pero minsan mahirap din magkaroon ng mga kaibigan. May mga tao kasing sinasabihan mo ng mga sikreto, pinagkakatiwalaan, at nagpapakatotoo ka sa kanila. Ngunit, hindi mo alam baka sinasaksak ka na niya patalikod o nakikipagkaibigan lang dahil may kailangan. Talamak 'yan sa aming section.

NAGDAAN ang ilang linggo, isang bagyo ang tumama sa aming probinsya.

"Yes !!! walang pasok." masayang nasambit ni Roselyn ng makita sa T.V ang pagsuspende sa mga klase ng aming lugar. Dahil signal #2 kami. Ang estudyante talaga, kapag walang pasok tuwang tuwa. Kapag nababalitaan nilang may mga meeting ang mga guro o mga holiday, tiyak na masaya sila sa mga ganung pangyayari. 

Aminin ko man o hindi, isa rin ako sa kanila. Nakakamiss rin kasing tumunganga, manood ng T.V, gumala o kung ano ano pa.

Alam niyo 'yong feeling na mas sabik pa sila s
a mga programa kagaya ng mga pageant ng school, jingle contest, at variety show, kaysa sa mga earth quake and fire drill na madalas ay pumapasaway pa. Kahit sa mga seminar ay hindi nakikinig. Mas lalo pang naeenganyo ang mga kagaya kong estudyante sa mga aktibidad kagaya ng camping, tour sa ibat ibang lugar, christmas party at higit sa lahat ay ang J.S Prom na talagang pinaghahandaan ng mga junior at senior.

Nakakalungkot, dahil hindi maaalis ang mga pangyayari na hindi kanaisnais. May mga bumabagsak, napapatalsik at humihinto sa pag-aaral.


KASULUKUYAN kong inaayos ang ikaapat na markahan sa pagsusulit, pare-parehas pa ang score ng iba. Halatang nagkopyahan na naman.

"Kuya eto na po 'yong ibang test paper ng 3rd year." wika ng pumasok na babae.

"Ahh, paki patong nalang diyan sa lamesa." tugon ko sa kanya.

Sunod naman pumasok ang isa pang babae.

"Hoy, kanina pa kita hinahanap." baling nito sa nakausap kong babae.

"Inutusan kasi ako ni Sir Dizon na ilagay dito sa faculty 'yong mga test paper. Kapalit ng pagpirma niya sa clearance ko." wika nito sa kaibigan niya.

"Ahh, ako nga kanina pinaglinis pa. Anyway, bulong bulungan dito sa school. Nanganak na daw 'yong nabuntis na estudyante ni Bryan." usisa ng kaibigan nito.

"Eh talaga?"

Narinig ko ang pag uusap ng dalawa bago sila lumabas. Ilang buwan na rin ang nakalipas mula noong huminto sa pag aaral si Bryan, dahil sa isyung 'yon. Wala naman akong magagawa dahil buhay niya 'yon.


ISANG taon na ang nakalipas. Mga araw na hindi ko malilimutan sa pag aaral ko sa high school. Mga alaalang aking babaunin hanggang pagtanda. Tama nga ang sabi nila. Ang high school life ay pinaka magandang yugto sa isang estudyante. Dito mahuhubog ang iyong pagkatao at mga asal na ipinapakita.

Wala man akong kaibigan, pero masaya ako dahil ngayon ay unti unti ko nang naabot ang aking mithiin. Maraming problema at suliranin ang dumating sa akin, pero lahat ng 'yon ay aking napagtagumpayan, pagkat lagi kong kaagapay ang Panginoong Diyos.


"Rafael, magsisimula na 'yong graduation march." baling sa akin nang isa kong kaklase.

"Sige susunod na ako, tinatapos ko lang itong tinatype ko sa laptop." sagot ko.

Saktong sakto 'yong bagong patimpalak na nakita ko nitong nakaraang buwan, dahil tema nito ay patungkol sa buhay estudyante. Hindi ko namalayan na huling tuldok nalang ang kulang sa entry ko, kaya nilagay ko na bago pa makalimutan.

Pahabol, hindi ako iiyak mamaya. Hehe.



***W A K A S***

No comments:

Post a Comment