One Shot Writing Contest Entry #11: Wrong Move by Khelielove


MAY nagaganap na namang kaguluhan sa isang sulok ng paaralan habang ang lahat ay abala sa kanya-kanyang klase. 

Nakaramdam nang pananakit ng buong katawan si Troy pagkatapos siyang bugbugin ng tatlong estudyanteng lalaki. Sa bawat suntok na kanyang natatamo ay nakabungisngis lamang siya na para bang natutuwa pa sa mga nangyayari. Nang tumigil sa panununtok ang tatlong lalaking kaharap niya ay bigla naman siyang tumayo para makaganti sa mga ito.

Hinila niya ang isang lalaki at tinuhod sa tiyan, napayuko ito sa sakit at napasuka sa lakas ng impact. Susuntukin sana siya no’ng isa pang lalaki pero mabilis siyang nakailag at pinaikot ang kamaong dapat sana ay lalapat sa kanyang mukha. Ang natirang lalaki naman ay mabilis niyang pinaulanan ng mga suntok sa dibdib hanggang ito ay napaluhod sa sakit.

“Sinabi ko naman sa inyo ‘di ba, hindi ninyo ako kaya. Kung magaling kayo sa bugbugan mas magaling ako!” sambit ni Troy sa tatlong estudyanteng nakaaway niya. Kinuha niya ang ID ng isa at binasa, “St. Anthony Academy, tsk! Kahit kailan talaga walang kwenta ang mga estudyante roon.”

Itinapon ni Troy ang ID sa basurahan at tinalikuran na ang mga dayong estudyante galing sa ibang paaralan. Masakit man ang kanyang katawan ay tiniis niya pa rin ito hanggang makarating sa kanyang klase.

“TROY, late ka na naman. Anong nangyari sa’yo? Nakipag-away ka na naman sa labas?” nag-aalalang wika ng guro nang makita ang maduming damit ni Troy at ilang pasa sa mukha nito.

“Wala ‘to mam. Ituloy mo na ang klase,” walang emosyong tugon ni Troy.

Lumingon naman ang guro sa mga estudyanteng nagbubulungan at napadako ang tingin niya sa lalaking nakangangang nakatingin kay Troy, “Jack pakisamahan si Troy sa clinic pagkatapos ng klase at Troy mag-uusap tayo mamaya.”

Napaharap naman si Jack sa harapan at napakamot ng ulo samantalang si Troy naman ay dedma lamang sa mga narinig.

“Class, kindly answer this equation in your notebook. Ang tatawagin sa harapan ay ang nakakuha ng pinakang mataas at mababang marka sa pagsusulit kahapon,” sambit ng guro habang iniisa-isang tignan ang mga grado ng kanyang estudyante.

“Jack Montemayor and Troy Lacson, please answer equation 1 and 2.”

Tumayo naman agad si Troy at diretsong pumunta sa harapan. Sinimulan niya agad sagutan ang equation 1. Si Jack naman ay dahan-dahang tumayo at nakangiting naglakad papunta sa unahan ngunit pinatid siya ng kanyang kaklase kaya ito ay nadapa. Nagtawanan naman ang buong klase, akala ng guro ay wala lang iyon dahil hindi niya napansin ang ginawang pagpatid kay Jack.

Si Jack naman ay nakangiti pa ring tumayo at sinimulan nang sagutan ang equation 2. Mabilis naman natapos si Troy kaya ito ay bumalik na sa kanyang kinauupuan. Samantalang si Jack naman ay hindi pa rin tapos. Naghintay pa ng ilang minuto ang guro pero hindi pa rin magawang sagutan ni Jack ang equation.

“Jack, I’ll give you five minutes. Tapusin mo na ‘yan nang makaupo ka na,” malumanay na sabi ng guro. Nag-iisip pa rin si Jack pero wala pa rin siyang maisulat na sagot sa board.

 “Jack? Isang numero palang ang naisulat mo at baliktad pa. May problema ba?” bulong nang nag-aalang guro sa algebra.

“Wala naman po mam. Balik na po ako sa upuan,” tugon ni Jack habang nakangiti pa rin at nagkakamot ng ulo. Nagtawanan na naman ang buong klase at isinigaw ang pangalan niya.

“Class that’s enough! Let’s check the answer of Mr. Lacson,” sigaw ng guro at bumaling na sa equation 1. “Very good Mr. Lacson, he got a perfect score in your exam yesterday.”

Pagkatapos naman ng klase ay mabilis na tumayo si Troy at lumabas ng silid. Napatayo naman si Jack nang makita na wala na si Troy sa upuan nito.

“Nasaan na kaya si Troy, sasamahan ko pa siya sa clinic sabi ni mam eh,” bulong ni Jack sa sarili. Kinuha na niya ang kanyang gamit at lumabas para hanapin si Troy ngunit bigla naman siyang pinalibutan ng kanyang mga kaklase.

“Jack ang galing mo kanina, biruin mo ‘yon saan ka pa nakakita ng numerong baliktad!” wika ng kaklase.

“Iba ka talaga, ikaw na ang pinakang matalino! The best ka talaga Jack!” sigaw ng isa, sabay tapik sa likod nito. Pagkatapos ay iniwan na nila si Jack na nakangiti pa rin sa kanila.
Naglakad na ulit si Jack at palingalingang hinahanap si Troy. Napansin niya naman ang mga nagtatawanang estudyante sa tuwing napapadaan siya sa mga ito. Napahinto siya sa dulo ng library at nakarinig ng ingay na para bang may gulong nagaganap. Sinundan niya ang kanyang naririnig hanggang sa mapadako siya sa pinakang sulok at nakita ang kanyang hinahanap.

“Troy!” sigaw ni Jack. Tumakbo siya at lumapit dito.

Kunot-noong humarap si Troy at pinigilan ang kamay ni Jack na hila-hila siya, “Ano ba! Hindi mo ba nakikita na may binubugbog ako! Tapos bigla mo nalang akong hihilahin!”
“Sabi ni mam samahan daw kita sa clinic,” sagot ni Jack at hinigit na naman ang kamay ni Troy.

“Tigilan mo nga ako, hanggang dito ba naman dinadala mo ‘yang katangahan mo! Hindi ba halata na ayaw kong pumunta ng clinic? Umalis ka nga rito! Nakakasagabal ka na!” galit na sigaw ni Troy.

Ngumiti naman si Jack na ikinagulat ni Troy dahil hindi niya inaasahan ang magiging reaksyon nito matapos sigawan. “Alam mo hindi naman masama ang sumunod sa taong nag-aalala sa’yo,” malumanay na sambit ni Jack.

Hindi naman ito pinansin ni Troy, sa halip ay tinalikuran niya si Jack at binalikan ang estudyanteng binubugbog niya.

“Hoy kayong mga outsider huwag na ‘wag ninyong tatangkain pang bumalik sa school namin at maghanap ng gulo dahil kung hindi ay mas matindi pa riyan ang makukuha ninyo sa akin!”

Pagkabanta ni Troy ay mabilis na tumakas ang mga estudyante at tumalon sa kalapit na pader palabas.

“Wooh, pwede palang tumalon sa pader?” namamanghang sambit ni Jack.

“Wala ka talagang alam sa kahit na ano! Maraming estudyante galing sa ibang paaralan ang tumatalon sa pader na ‘yan. Bukod kasi sa mababa kaya madaling pasukin ay dahil din may plano silang manggulo sa tahimik na school natin at manghamon ng away,” tugon ni Troy.

Ngumiti si Jack at pumalakpak, “Ang galing!”

“Ano naman ang magaling do’n?” nagtatakang wika ni Troy.

“Dahil pwede nang dumaan sa pader kapag nakalimutan ko ang ID ko,” masayang sagot ni Jack sabay higit na naman sa kamay ni Troy.

“Alam mo, ang kulit mo talaga! Ayoko ngang pumunta ng clinic!”

Humarap si Jack sa naiinis na si Troy at sinabing, “Sino naman ang nagsabing dadalhin kita ro’n? ‘Di ba sabi mo, ayaw mong pumunta ng clinic?”

“Oo ayaw ko nga! Kung hindi, saan mo ako dadalhin?” tugon ni Troy.

“Sa kabila, baka may pader din na mababa. Gusto ko kasing tignan dahil mas malapit ‘yon sa room natin. Pwede ako dumaan do’n pauwi at papasok.”

Lalong nainis si Troy sa isinagot sa kanya, “Bahala kang tumingin mag-isa mo! At ayokong dadaan ka sa pader naiintindihan mo? Dahil bawal ‘yun!”

Tinalikuran na ito ni Troy at nagmadaling naglakad papunta sa susunod nilang klase. Alam niyang sinusundan siya ni Jack pero ang hindi niya maintindihan ay bakit tumatawa ang mga nadadaanan niyang estudyante sa kanyang likuran.

Pagkadating niya sa labas ng silid ay pinauna niya munang makapasok si Jack. Napansin niya ang papel na nakalagay sa likuran nito. Kinuha niya ito at pinunit pagkabasa. Ang nakalagay sa papel ay Tanga ako, alam ba ninyo?

Saka niya lang naunawaan na si Jack pala ang pinagtatawanan ng mga estudyante kanina. Pagkadating nila sa room ay sakto ring dating ng kanilang pinaka-striktong guro sa biology.
“Please stand up Mr. Montemayor, what is biology?” bungad agad ng guro. Tumahimik naman ang lahat at tumingin kay Jack.

“Stu--dy of scien--ce,”nauutal na sabi ni Jack.

Nanlaki ang mga mata ng guro at nagsalita, “What? Kahapon ko lang itinuro ‘to pagkatapos ay nakalimutan mo na agad?”

Yumuko lamang si Jack at hindi na umimik. “Mr. Lacson, answer my question,” baling ng guro kay Troy.

“Study of life and living organisms,” diretsong sagot ni Troy. Tumingin muna siya kay Jack bago umupo.

“Very good Mr. Lacson. Mr. Montemayor halatang hindi ka nakikinig kahapon. Pumunta ka sa likuran at tumayo hanggang matapos ang klase ko! Sa harapan ka lang tumingin at makinig ka sa bawat ituturo ko!” Sumunod na lamang si Jack sa sinabi ng guro.

Hanggang sa matapos ang klase ay nakatayo pa rin si Jack sa likuran. Katulad ng dati ay nagtatawanan pa rin ang mga kaklase tuwing makikita siya. Ginagantihan lamang ito ng ngiti ni Jack. Nag-uwian na halos lahat ng mga estudyante pero nanatili pa ring nakatayo si Jack sa  likuran.

“Hanggang bukas ka ba tatayo diyan?” wika ni Troy bago siya lumabas ng silid.

Nilingon naman siya ni Jack at sinabing, “Walang sinabi si mam na umalis na ako rito at umuwi na.”

“Ano? Tapos na ang klase niya, pwede ka nang umalis diyan,” malakas na sabi ni Troy. Hindi maikakaila ang inis niya nang marinig ang walang kwentang sagot ni Jack.

“Pero-“ naputol ang sasabihin ni Jack nang biglang sumingit si Troy.

“Anong pero? Sabi niya ‘di ba, tumayo ka hanggang matapos ang klase niya. Tsk! Hanggang ngayon hindi ka pa rin marunong makinig!”

Napakamot na lamang sa ulo si Jack at mahinang nagsalita sa sarili, “Oo nga ano.”

“Umuwi ka na.” Tuluyan nang umalis si Troy at naiwan nalang mag-isa si Jack sa silid. 
Umupo muna si Jack sa kanyang upuan at tumingin sa unahan. Tahimik ang buong silid, naramdaman na lamang ni Jack ang pagtulo ng kanyang mga luha na kanina pa gustong lumabas. Pagkatapos niya magmunimuni ay nagpunta muna siya sa harapan bago umuwi.

KINABUKASAN ay naiwan ni Jack ang kanyang ID kaya naisipan niyang akyatin na lamang ang mababang pader na nakita niya kahapon. Mabilis na tumakbo si Jack at dahan-dahang inakyat ang pader. Pagkababa niya ay sinalubungan siya ng isang malakas na suntok sa mukha.

“Aray ko, ang sakit naman no’n!” sigaw ni Jack. Tumingala ito para makita kung sino ang sumuntok sa kanya. Laking gulat niya nang makita ang galit na mukha ni Troy.

“Hindi ka ba talaga marunong umintindi? Ayokong may dumadaan sa pader na ‘yan kaya lagi akong nakaabang dito para gulpuhin ang dumadaan diyan!” sigaw ni Troy.

“Sabi ko naman sayo kahapon na kapag wala akong ID ay balak kong dumaan diyan,” seryosong tugon ni Jack. Pinunasan niya ng kanyang uniporme ang mukhang nasuntok.

“Bahala ka sa buhay mo!” sabi naman ni Troy at naglakad na paalis.

Sinundan ng tingin ni Jack ang papaalis na si Troy, “Hindi ka man lang hihingi ng sorry?”

“Sorry? Para saan? Sa ginawa ko sa’yo? Mali mo ‘yan, hindi pader ang tamang daan papasok!”

“Mali ko nga pero hindi tamang sinuntok mo ako kaagad. Ang sorry ay binibigay kapag nakapanakit ka ng tao na hindi mo sinasadya. Ibig sabihin sinadya mo akong suntukin?”

“Oo! Kahit sinong dadaan diyan gugulpuhin ko, kakilala ko man o hindi!”

“Okay, sorry Troy. Hindi ko sinasadyang makapanuntok ka ngayon ng isang tulad ko. Hindi ka sana nakapanakit kung hindi ako dumaan diyan, kaya I’m sorry,” sabi ni Jack sabay alis sa kinaroroonan niya. Samantala, naiwang tulala naman si Troy at napaisip sa sinabi ni Jack.

Pagkadating ni Jack ay nakita niya ang kanyang mga kaklase na nasa unahan. Binabasa nila ang mahabang nakasulat sa board. Ang kalahati ng board ay may nakasulat na sagot sa equation na pinasagutan kahapon ng kanilang guro sa algebra. Ito ay may mahabang paliwanag kung paano iyon nakuha. Sa kabilang board naman ay nakasulat ang tungkol sa biology at mga sangay nito. Nakasaad din ang mga paliwanag sa bawat sangay at mga halimbawa nito. Hindi makapaniwala ang mga estudyante sa kanilang mga nababasa.

“Sino kaya ang nagsulat niyan? Ang galing at ang ganda ng paliwanang, mabilis maintindihan,” sabi ng isang kaklase.

“Si Troy siguro nagsulat n‘yan,” sigaw ng isang babae.

Nagkatinginan naman ang mga mag-kakaklase at sabay-sabay winika, “Oo nga, ang galing talaga ni Troy!”

Habang nag-uusap ang mga estudyante sa harapan ay bigla namang dumating ang kanilang guro sa algebra. Nagulat din siya sa nakasulat sa board dahil magaling ang paliwanag sa equation na sinagutan. Nagtanong ang guro kung sino ang nagsulat no’n, pero ni isa sa kanila ay walang makasagot kung sino. Pagkaraan ng ilang minuto ay siya namang dating ni Troy.

“Late ka ulit Mr. Lacson, mag-uusap tayo mamaya pagkatapos nito,” sambit ng guro.

Hindi ito pinansin ni Troy. Pagkatapos magturo ng kanilang guro sa algebra ay pinaiwan niya muna sa klase si Troy at Jack para makausap.

Pagkalabas ng mga estudyante ay saka nagsalita ulit ang guro, “Pumunta tayo sa room ko, doon tayo mag-uusap.”

Sumunod naman ang dalawa. Pagkadating sa room ay pinaupo muna ng guro ang dalawa saka kumuha ng maiinom.

“Troy, hindi ka naman ganito dati. Anong nangyari? Bakit lagi ka nalang late at nakikipag-away?” seryosong tanong ng guro. Umupo siya sa harapan ng dalawa.

Hindi naman sumagot si Troy, sa halip ay tumingin na lamang siya sa malayo at umastang walang naririnig.

“Ikaw naman Jack, anong nangyari rin sa’yo? Ikaw lagi ang pinakang mababa sa klase ko. Tinanong ko ang ilang guro ninyo pero pare-parehas din ang sagot, ikaw at ikaw lang din palagi ang pinakang mababa. Anong problema?”

Hindi rin umimik si Jack. Nakayuko lamang siya habang pinakikinggan ang sinasabi ng guro.

“Sa lahat ng mga guro sa paaralang ito, ako ang mas higit na nakakakilala sa inyo. Nakasama ko kayo noon pa man sa ibang paaralan pero ang hindi ko inaasahan ay ang paglipat ninyo rito na may dalang pagbabago. Anong nangyari?  Bakit ang laki nang pinagbago ninyong dalawa? Ano ba talaga ang problema ninyo?”

Naging matigas pa rin ang dalawa, hindi pa rin sila umiimik at kapwa pinakikiramdaman ang isa’t- isa.

“Mukhang hindi kayo magsasalita talaga, sige iiwan ko kayo rito hanggang sa masagot na ninyo ang mga tanong ko. Gusto ko kayong tulungan sa kung ano man ang problema ninyo.” Umalis muna saglit ang kanilang guro para makapagsolo rin ang dalawa.

PAGKALIPAS ng ilang minutong katahimikan ay nagsalita na rin si Troy.

“Hanggang kailan ka magpapanggap Jack?”

Hindi agad nakapagsalita si Jack. Hindi niya alam kung paano sisimulan ang kanyang sasabihin. Pero nakahanap pa rin siya ng tamang isasagot sa kanyang dating kaibigan. “Hanggat kaya ko pang magpakabobo at magpakatanga.”

“Ikaw hanggang kailan ka magiging ganyan Troy?” tanong naman ni Jack. 

Lumingon si Troy at mabilis na nagsalita, “Hanggat kaya ko pang tanggapin ang lahat ng suntok at sakit na binibigay ng ibang tao.”

Yumuko naman si Jack, naalala niya ang hindi magandang pangyayari sa kanilang dalawa noon.

Matalik na magkaibigan ang dalawa dati. Isa sila sa hinahangaan ng mga estudyante ng buong campus. May kanya-kanyang abilidad at talento ang bawat-isa. Nagbago ang kanilang samahan nang dumating si Annika. Ang babaeng mahal ni Troy ngunit ang gusto niya ay si Jack. Inamin mismo ni Annika kay Jack no’ng magsimulang manligaw sa kanya si Troy. Nang mga oras na iyon ay wala pang alam si Troy, kaya minabuti nalang ni Jack na hindi ito ipaalam sa kaibigan. Ayaw niya kasing masaktan ito.

Inalam lahat ni Jack ang mga bagay na nagustuhan sa kanya ni Annika. Isa sa pinakang nagustuhan sa kanya ay ang pagiging matalino niya na higit pa sa katalinuhang taglay ni Troy. Kaya simula nang malaman niya iyon ay unti-unting niyang binabago ang kanyang sarili. Minsan ay nagtatanga-tangahan siya sa ilang mga bagay at hindi sinasagot ng tama ang mga exams at recitation. Gusto niyang iwasan siya ni Annika kapag nalaman nitong hindi na siya matalino.

Nag-alala noon si Troy para sa kaibigan dahil sa biglang pagbabago nito. Inakala niya pang baka may problema sa pamilya si Jack. Ngunit isang araw ay nagbago ang lahat, naglakas loob si Annika na sabihin ang totoong nararamdaman niya kay Troy, na si Jack ang gusto niya kaya wala na siyang pag-asa.

Ang masakit na balitang iyon ay naging dahilan para magalit si Troy sa kaibigan. Inakala niyang ang pagiging mahina ni Jack sa klase ay dahil nagugustuhan niya na rin si Annika, napapabayaan ni Jack ang pag-aaral dahil lihim itong pumoporma sa kanyang nililigawan. Inisip niyang traydor na kaibigan si Jack at naglihim sa kanya.

Nang malaman ni Jack ang nangyari kay Troy ay agad itong lumipat ng paaralan. Natakot siyang lumala ang kanilang hindi pagkakaunawaan. Natutong uminom ng alak si Troy, manigarilyo at makipag-away dahil sa pagkabigo sa pag-ibig at pagtaksil kuno ni Jack. Hindi niya na rin pinansin ang paglipat ni Jack sa ibang paaralan.

Isang araw, palabas na ng paaralan si Troy nang makita niya si Annika na pinagtitripan sa sulok ng mga outsider. Mabilis siyang sumugod sa mga ito para mailayo si Annika, ngunit no’ng lumapit siya ay itinulak naman si Annika ng isang lalaki sa likuran. Nawalan ng balanse si Annika kaya natumba siya at tumama ang ulo nito sa malaking bato.

Ang pangyayaring iyon ay naging malaking balita sa buong paaralan. Namatayan sila ng isang inosenteng estudyante. Simula no’n ay galit na si Troy sa mga outsiders, lumipat na rin siya ng paaralan at hindi inaasahang ang nilipatan niya pa ay ang paaralang nilipatan din ni Jack. Nagkataon pang magkaklase sila at laging nagkikita. Hindi nila pinapahalata sa lahat na magkakilala silang dalawa.

Nagulat si Jack nang biglang magsalita si Troy, “Bakit ka nagpapanggap hanggang sa paaralang ito Jack?”

“Siguro ito na ang tamang oras para sabihin ko sa’yo ang totoo. Uulitin ko, hindi ko gusto si Annika kahit hindi ka naniniwala sa akin noon pa man. Oo naglihim ako sa’yo dahil hindi ko sinabing ako ang gusto ng nililigawan mo, ayoko kasing masaktan ka. Pero hindi ba awkward na ako ang magsasabi mismo sa’yo ng bagay na ‘yun?”

Hindi umimik si Troy kaya nagsalita pa ulit si Jack, “Ilang beses kong sinubukang magpaliwanag sa’yo nang malaman mo ‘yun pero hindi mo ako pinakinggan. Ang alam mo lang ay puro away, inom, yosi at pinababayaan mo na ang pag-aaral mo. Nagpanggap ako noon dahil napag-alaman kong ang pinakang nagustuhan sa akin ni Annika ay ang pagiging matalino ko sa lahat. Nagsakripisyo ako, hindi ko na pinakita ang talino ko sa klase dahil baka sakaling umayaw na sa akin si Annika at mapansin ka na niya.”

Mabilis na napatingin si Troy sa kaibigan, mababakas ang pagkagulat sa kanyang mukha. Nagpatuloy pa rin si Jack sa pagpapaliwanag, “Ginawa ko ang lahat para iwasan ako ni Annika at lumipat pa ako ng paaralan para hindi na lumala ang galit mo sa akin. Tinatanong mo ako ngayon bakit nagpapanggap pa rin ako? Dahil nagsisisi ako! Nagsisisi akong umiwas ako sayo at kay Annika. Hindi sana kayo mapapahamak kung nandoon ako! Natulungan sana kitang iligtas si Annika at marahil buhay pa rin sana siya ngayon! Kaya nagpapanggap pa rin ako hanggang ngayon ay para maparusahan ang sarili ko! Dahil nagkamali ako, mali ang desisyon ko!”

Lumapit si Troy sa kaibigan at tinapik niya ito sa likuran. Dahil sa sobrang katahimikan ay rinig na rinig niya ang mahinang pag-iyak ni Jack. Ang galit na namayani sa puso ni Troy ay para bang kumawala nalang sa paligid. Napalitan ito ng awa at nangibabaw ang pagmamahal nito sa dating kaibigan. Naunawaan na ni Troy ang lahat. Ang lahat ng nangyari ay dahil din sa makitid niyang pag-iisip noon, ang katotohanan ngayon ang nagbigay daan para maliwanagan siya at maintindihan ang bawat pangyayari.

“Patawad Jack, naging makasarili ako. Hindi kita inisip, inisip ko lang ang nararamdaman ko. Isinantabi ko ang pagkakaibigan natin, sorry Jack. I’m very sorry!” seryosong sambit ni Troy. Nahihiya siya sa kanyang kaibigan dahil sa inasta niya.

“Napatawad na kita noon pa man, hinintay ko lang ang pagkakataong ito na magkakausap tayo na hindi ka galit. Lagi ka kasing galit sa mundo,” malumanay na tugon ni Jack.

“Salamat sa pagiging mabuti mong kaibigan. Nagagawa mo pa ring ngumiti kahit inaapi ka na ng ibang tao, hindi mo pa rin pinapakita ang sakit na nararamdaman mo. Mabuti kang tao Jack, sorry sa pagiging tanga ko.”

Ngumiti naman si Jack, “Huwag ka na makipag-away Troy, sa tingin mo ba magugustuhan ‘yun ni Annika?”

“Huwag ka na rin magpanggap Jack, sa tingin mo rin ba magugustuhan ‘yan ni Annika? At ‘wag mong sisihin ang sarili mo. Wala kang kasalanan, hindi man naging maganda ang nangyari kay Annika, pero mas pinaintindi niya ngayon ang kahalagahan ng kaibigan.”

Biglang nagulat ang dalawa nang dumating ang kanilang guro sa algebra. “Walang dapat sisihin sa inyong dalawa. Aksidente ang nangyari sa anak ko, kahit ako walang sinisising iba. Mas magiging masaya ang anak ko kung makikita niya kayong maayos at nagpapakatotoo,” nangingiyak na sabi ng kanilang guro matapos niyang marinig mula sa labas ang napag-usapan ng dating magkaibigan.

“Ayokong masira ang kinabukasan ninyo dahil kay Annika. Please hindi kayo ang estudyanteng naturuan ko noon. Ayusin na ninyo ang mga sarili ninyo,” nagmamakaawang sabi ng guro.

“Simula nang makilala ko kayo bilang mga kaibigan ng anak ko ay itinuring ko na rin kayong anak. Masakit sa aking nakikita kang nakikipag-away at laging late sa klase Troy. Malayong malayo ka sa Troy na ipinagmamalaki sa akin ni Annika. Ang Troy na sinasabi niyang magaling at maasahan. Sapat na ang pagtulong mo noon kay Annika, hindi mo na kailangang parusahan pa ang sarili mo sa pamamagitan ng pakikipagbugbugan.”

“Ikaw naman Jack, ayoko ng ganyan. Hindi ‘yan ang nagustuhan sayo ng anak ko. Bumalik kana sa dati Jack dahil para ito sa kinabukasan mo. ‘Wag mong ikulong sa nakaraan ang sarili mo at sisihin ito. Naiintindihan niyo na ba akong dalawa? Importante kayo sa anak ko kaya sana mapagbigyan ninyo ako na bumalik na kayo sa dati,” emosyonal na sabi ng guro.
Natahimik ang dalawa, ang lahat ng nangyayari noon hanggang ngayon ay naiintindihan na nila. Naliwanagan ang kanilang isipan at nabuksan ang kanilang mga puso na magpatawad at mapatawad ang kanilang mga sarili.

“Patawad po mam Annie, patawad po!” wika ni Jack na kanina pa emosyonal sa mga naririnig niya.

Pinahiran ni Troy ang kanyang pisngi at humarap sa guro, “Sorry din po mam Annie, naiintindihan ko na ang gusto mong iparating sa amin.”

“Salamat, sana maging aral na ito sa inyo. Ang pag-ibig ay hindi dapat magiging hadlang sa pag-aaral at pagkakaibigan. Huwag ituon sa maling bagay kung nakakaranas man kayo ng pagkabigo. Tulad ko, masakit man sa akin ang pagkawala ng aking anak, pero hindi ito naging hadlang para makapagturo pa rin ako ng maayos sa mga estudyante ko.”

Hinawakan ng guro ang kamay ng dalawa at ipinagpatuloy ang kanyang sinasabi, “Lagi ninyong tatandaan na hindi dapat magiging hadlang ang pagkabigo sa buhay. Tuloy pa rin ang buhay, dahil ang bawat oras at panahon na bigay ng Panginoon ay mahalaga. Hindi dapat ito sasayangin kaya dapat itama ang mali hanggat may pagkakataon pa.”

Pagkatapos magpaliwanag ni Mam Annie ay niyakap niya na ang dalawa. Naunawaan na nila ang lahat at ang kanilang guro na ina ng babaeng pinag-ugatan ng kanilang ‘di pagkakaunawaan ay siyang naging daan ni Annika para maipagbati ang dalawa at maiayos na ang kanilang mga buhay.



***W A K A S***

No comments:

Post a Comment