One Shot Writing Contest Entry #12: Pag-Ibig Nga Ba by Sexy Lady


"Karunungan ang tanging-yaman na maipapamana sa atin ng ating mga magulang. Ito rin ang yaman na hindi makukuha nino man."

TUNOG ng alarm clock ang nagpagising kay Erwin mula sa pagkakahimbing. Oras na para bumangon siya at humanda sa pagpasok sa paaralan. Nasa huling taon na siya ng kanyang secondarya at malapit na ang araw ng pagtatapos niya. Malapit na ring magbunga ang kanyang hirap upang matustusan ang pag-aaral.

"Ang aga mo naman yata ngayon anak." puna ng kanyang ina.

"Kailangan nay eh, pupuntahan ko pa po kasi ang ipinapatinda sa akin na kakanin ni Aling Hilda." sagot ng binata.

Sa edad na labing anim kita na ang malaking bulas ni Erwin. Batak kasi ang katawan nito sa iba't ibang trabaho kaya hindi mo masasabing bata pa ito. Naranasan na nitong pumasok sa construction, magtinda ng kung ano-ano para lang matustusan ang kanyang pangangailangan maging ang pamilya nito.

"Dahan-dahan lang anak at baka magkasakit ka sa ginagawa mo n'yan. Huwag mong abusuhin ang iyong katawan." laging bilin ng kanyang ina.

Ang araw ng pagtatapos ay isa sa mahalagang pangyayari sa buhay ng bawat estudyanteng katulad ni Erwin. Suot ang lumang uniform ay taas noo siyang umakyat sa entablado upang tanggapin ang diplomang bunga ng paghihirap at pagtitiis niya.

"Anak, pasensya kana kung hindi na kita kayang pag-aralin sa kolehiyo ha. Hindi ko na kasi kaya ang gastos." wika ng kanyang ina habang nasa harap sila ng mesa.

"Alam ko naman po iyan nay, huwag po kayong mag-alala hahanap ho ako ng paraan para makapagpatuloy sa pag-aaral ko." saad naman ni Erwin sabay hawak at halik sa kamay ng butihing ina.

Nagyakapan silang dalawa, puno ng pag-asa ang puso ng binata na maaabot niya ang pangarap nito sa buhay. Alam niyang marami pa siyang dapat pagdaanan sa buhay bago makamit ang minimithing tagumpay pero handa siyang suungin ito. Nag-apply siya sa isang Unibersidad upang makakuha ng scholarship at sa awa ng Diyos ay nakapasa naman ito. Kaya tuwang-tuwa siya na umuwi sa bahay nila upang ibalita ito sa ina.

"INAY, natanggap po akong iskolar sa isang Unibersidad at wala na po tayong problema sa tuition fee, ang mga libro ako nalang po ang bahala. Magtatrabaho po ulit ako para matustusan ang gastusin natin." usal ng binata.

"Mabuti naman kung ganun anak, salamat sa Diyos at dininig niya ang mga dasal ko." turan naman ng kanyang ina.

"Malapit na pong matupad ang mga pangarap ko inay, huwag po kayong mag-alala at malapit ko na po kayong mabigyan ng magandang buhay." saad naman ni Erwin.

"Lagi kong ipagdadasal ang tagumpay mo anak." sambit naman ng ina nito.

NAGSIMULA ang pasukan sa kolehiyo, habang nag-aaral sa umaga ay nagtatrabaho rin si Erwin sa gabi sa isang restaurant. Mula ala sais ng gabi hanggang alas tres ng madaling araw ang pasok niya sa trabaho. Pagkauwi ay agad na rin siyang nakakatulog. Pagdating ng ala sais sa umaga ay papasok na siya pero dadaan muna siya sa bahay ni Aling Hilda para kunin ang ititinda.

Lahat ng kaklase niya ay humahanga sa kasipagan ng binata. Hindi ito nakaramdam ng hiya dahil para sa kanya ay marangal naman ang kanyang ginagawa.

"Tatlong taon pa at matatapos ko na ang kursong ito, kaunting tiis nlang Erwin." pagkukumbinsi niya sa sarili.

Hirap, pagod at puyat ang dinadanas ng binata mapagsabay lang ang pag-aaral at pagtatrabaho nito pero hindi mo siya makikitaan ng pagsuko. Accountancy ang kursong kinukuha niya.

"Ang cheap naman ng lalaking iyan." saad ni Andromeda.

Isa siya sa mga IT Girls ng Unibersidad at isa si Erwin sa humahanga sa ganda at talinong taglay nito. Mayaman rin ito kaya alam niyang suntok sa buwan na pangarapin ang babaeng ito. Pero ang paghanga niya ay nawala dahil sa salitang narinig.

"Balang-araw hahangaan rin ako ng mga tao." sa isip niya at binalewala ang narinig.

Nasaktan siya pero mas uunahin nito ang makapagtapos ng pag-aaral para makamit ang mithiin. Ipapakita niya na kaya nitong maabot ang imposibleng bagay.

"INAY, may outing po kami bukas." paalam ng lalaki sa ina.

"Oh sige anak, mag-iingat ka doon ha." bilin ng kanyang ina.

May outreach program ang Unibersidad nila kaya bilang isa sa mga working student dito ay kailangan niyang sumama. Pumunta sila sa isang bundok na lugar kung saan malayo sa kabihasnan, dalawang araw at isang gabi sila doon.

"Narito na ba ang lahat?" tanong ng head nila.

Sumagot naman ang karamihan sa kanila kaya nagsimula ng maglatag ang iba. Lalaki sa lalaki, babae sa babae, iyan ang magkakasama. Unang araw nila ay maraming katutubo ang kanilang naasikaso kaya kinahapunan ay pagod ang lahat. Ang iba pagkatapos kumain ay nakatulog agad.

"Makapagpahangin nga muna." sa isip ni Erwin.

Hindi kasi siya makatulog sapagkat namamahay ito. Lumabas siya sa kanilang kubo at naglakad-lakad hanggang sa marating nito ang isang puno kaya naupo ito doon.

"Ang tahimik naman rito at malapit sa kalikasan, siguro ang sarap tumira sa ganitong lugar." sa isipan niya.

Pipikit na sana ang mga mata niya dahil sa lamig ng simoy ng hangin nang biglang.

"Tulong...." boses ng babae.

Sa narinig ay biglang napadilat ang binata at tumayo ito, nagpalinga-linga siya sa paligid upang hanapin ito.

"Sino kaya iyon?" mahinang usal niya.

Kanina pa nangangawit ang babae sa kinalalagyan nito. Nabitag kasi siya sa ginawang patibong ng mga katutubo na para sana sa baboy ramo. Naisipan kasi nitong mamasyal dahil hindi siya dinadalaw ng antok.

"Sana hindi nalang ako umalis pa sa kampo." usal nito.

Nagsisi siya dahil sa nangyari ngayon, kung hindi siya umalis hindi sana siya nabitin ngayon. Napabuntong hininga nalang ito at sumigaw ulit.

"Tulong,,, may tao ba jan? Tulong...." sigaw nito.

Tingin sa kaliwa, tingin sa kanan, tingin sa likuran, tingin sa harapan. Ikot sa kabila, ikot sa kabila. Iyan ang ginawa ni Erwin mahanap lang ang pinanggagalingan ng humihingi ng saklolo. Hanggang sa nakita niya ang isang net na nakabitin.

"Tulungan mo ako." wika ng boses mula rito.

Nakakita ng pag-asa ang dalaga ng isang lalaki ang kanyang nakita sa baba.

"Anong nangyari sayo at bakit nandyan ka?" tanong ng binata.

"Nabitag kasi ako eh." tugon ng babae.

"Tulungan mo naman akong maka baba rito." dagdag nito.

"Sige sandali lang ha." saad ni Erwin.

Hinanap niya ang kinatatalian ng lubid at tinanggal ito. Dahan-dahan niyang ibinaba ang lubid hanggang sa nakalabas ang babae doon.

"Salamat sayo ha." wika nito.

"Walang anuman." saad ni Erwin sa kanya.

Tila nakakita naman ng adonis ang dalaga sapagkat ang kaharap niya ay bakat ang katawan sa suot nitong fitted sando kahit na naka jersey short ito sa baba alam niyang may masel ito.

"Kasama kaba sa outreach?" tanong ng binata.

Nakilala kasi niya kung sino ang kaharap, hindi niya akalain na sasama ito sa ganitong event. Isang sosyal, kilala sa Unibersidad at mula sa kilalang angkan ay sasama sa ganito.

"Oo." kiming tugon naman ng dalaga.

"Bakit ka narito? At bakit nasa taas ka?" tanong ni Erwin.

"Naligaw ako pabalik eh, mula ako sa sapa kanina tapos may nakita akong usa sinundan ko kaya napadpad ako dito." tugon naman niya.

"Ah, ganun ba, tara balik na tayo sa kampo." yaya naman nito sa dalaga.

INILAHAD ng binata ang kamay upang maalalayan ang babae. Nagdadalawang isip man si Andromeda ay tinanggap niya ito. Nakaramdam siya ng gaspang mula sa kamay na iyon pero naroroon ang kapanatagan. Alam niyang safe siya sa mga oras na iyon. Narating nila ang kampo kung saan tulog parin ang lahat at walang nakaalam na may nangyaring nang hindi maganda.

"Magpahinga kana doon at bukas ay may gagawin pa tayo." usal ni Erwin.

"O-oh si-sige, sa-salamat." tugon ng dalaga.

Tumalikod na ito upang pumasok pero naroon ang ngiti sa labi. Naiwan naman ang binata na napapaisip. Kinabukasan ay kaunti nalang ang mga katutubong inasikaso nila. Nagkaroon rin ng kaunting salo-salo ang mga ito bilang pasasalamat sa kanilang ginawa. Panay ang sulyap ni Andromeda sa binatang abala sa pakikipaglaro sa mga batang naroroon.

"Ngayon ko lang napansin na may angking kakisigan pala ang lalaking ito." sa isip ng babae.

Matapos nilang maasikaso ang lahat ay nakisali sila sa piging, masagana ang kainan dahil may tatlong baboy na nahuli ang mga ito. Kinahapunan ay nagpaalam na sila upang maka baba na, bawat isa ay dala ang panibagong karanasan. Ang binata ay masayang nakauwi sa kanilang bahay, nais niyang ikwento ang mga nangyari.

"Nay, narito na po ako.." usal ng binata pagkatapos buksan ang pintuan.

Pero walang sumagot sa kanya kaya naupo nalang ito sa upuan hanggang lumipat siya sa sahig at doon nahiga. Dala ng pagod sa byahe ay nakatulog ang binata. Umuwi ang ina nito at nadatnan siya sa ganoong ayos, kinumutan ito ni Aling Marta. Kinabukasan ay balik-eskwela na ang lahat, pumasok ng maaga ang binata dahil naka pahinga ito ng maayos, gaya ng nakagawian niya dumaan ito sa kapitbahay upang kunin ang ititinda.

"Kakaiba talaga siya." napangiting wika ni Andromeda.

Nakita kasi niya ang binatang na nasa study shed na naman at katabi ang isang maliit na lagayan kung saan ang laman ay iba't ibang kakanin. Lumapit siya dito upang bumili.

"How much?" tanong niya.

Napalingon naman si Erwin na abala sa ginagawa, nag-aanalisa kasi siya doon sa ginawa nilang out reach. Pagkabalik ay binigyan sila ng project, kailangan nilang gumawa ng abstract data. Kaya natigilan ito sa nakita, nasa tabi niya ang dalaga at naka ngiti pa.

"Magkano ang isa?" tanong ni Andromeda.

"A-uhm, saan dyan?" sagot nito sabay kamot sa batok.

"Iyong nasa dahon ng saging na may itlog sa taas." saad ng dalaga.

"Ah, fifty ang isa, bibingka iyan, iyang maliit puto, tapos ang kulay brown kutsinta naman." turan nito.

"Uhm, pwedeng bumili tig-isa." usal ng dalaga.

"Okay, sandali lang ha." saad ng binata.
Tumayo ito at agad kumuha ng isang plastic, una niyang kinuha ang bibingka at binigay sa babae. Tapos ay puto at kutsinta.

"Ito ang bayad ko oh." saad ni Andromeda sabay abot ng limang daan.

"Teka ha at susuklian kita." si Erwin.

"Ay, huwag na keep the change." naka ngiting saad ng dalaga.

"Ha?" gulat na saad ng binata.

"Sabi ko, keep the change, in tagalog sayo na ang sukli." turan ni Andromeda.
"Ang sarap pala nito." dagdag pa niya habang ngumunguya.

"Sure ka?" paniniguro ng binata.

"Oo masarap siya." saad naman ng dalaga.

"Hindi, what i mean is sigurado ka sa sukli mo?" usal ng binata.

"Oo naman, para kang ulyanin niyan eh." napangiting sagot nito.

Na amaze naman ang lalaki, dahil walang kiming kumakain ang dalaga sa tabi niya.

"Water?" tanong na wika niya sa babae.

Tumango naman ito bilang tugon kaya tumayo siya at patakbong tinungo ang bilihan. Pagkabili ay agad siyang bumalik at naabutan niya ang babae na nahihirapang lumunok. Agad niyang binuksan ito at ibinigay kaya uminum si Andromeda pero ganun parin.

"Hi-hindi a-ako ma-maka-hi-hinga." usal nito habang hawak ang leeg.

"Ano ba ang kinain mo?" nag-aalaang tanong ni Erwin.

"Kut-kut-sinta." nahihirapang sagot ni Andromeda.

Napailing si Erwin at agad na pumunta sa likod ng dalaga para matanggal ang bara sa lalamunan kailangan niyang eh first aid ito.

"Sandali lang ito." wika niya at niyakap ang dalaga.
Inilagay niya ang kamay sa bandang sikmura nito at diniinan ng paulit-ulit. Si Andromeda namam ay tila nakalutang sa ulap ng sandaling iyon. Ramdam niya ang malalapad na dibdib ng binata sa likod niya kaya mariing napapikit ito.

Nailuwa ng dalaga ang nakabarang kutsinta kaya nakahinga ng maluwag ang lalaki. Halos kalahati ito kaya bumara mabuti nalang at marunong siyang mag paunang lunas.

"Next time, huwag masyadong matakaw." usal nito.

"Sorry, masarap kasi eh." tugon ng dalaga at napayuko nalang ito.

"Bukas dadalhan kita ng isang bilao para magsawa ka pero bayaran mo ha." naka ngiting sambit ni Erwin.

Napaangat ang dalaga at kitang-kita niya ang dalawang pares ng biloy nito maging ang mapuputi at pantay-pantay na ngipin ng lalaki. Nakadagdag rin ng appeal nito ang pagpagkawala ng mata habang naka ngiti. Napatango nalang siya bilang sagot.

Iyan ang naging simula ng paglalapit nila, lagi ng bumibili si Andromeda sa binata ng kakanin at minsan ay dinadala niya ito sa kanilang bahay upang ipatikim sa mga katulong maging sa ama at ina nito. Minsan ay lihim niyang sinundan ang binata at nakita niya itong pumasok sa isang restaurant. Pagkalabas nito sa isang pintuan ay iba ang suot niya, tulad na ito ng mga waiters at waitress na naroroon.

"Para naman siyang si superman, ang daming ginagawa eh nag-aaral pa. Hindi ba siya nakakaramdam ng pagod?" sa isip nito habang minamasdan ang lalaki na abala sa pagliligpit ng kinainan ng kakaalis lang na customer.

Lihim itong humanga sa angking kasipagan ng binata.

NATAPOS ang taong iyon kahit walang pasok ay todo-kayod si Erwin para sa mga pangatap niya. Hindi ito tumigil sa kakatrabaho para makapag-ipon. Nais niya talagang makapagtapos. Isang araw habang abala siya sa pagtatrabaho ay tinawag siya ng isang lalaki.

"May gustong kumausap sayo totoy." wika ng isang may edad na lalaki.

"Ha, sino po?" nagtatakang tanong niya.

"Halika, doon sa kotse." tugon nito.

May pagtataka man ay sumunod nalang rin ang binata dito hanggang narating nila ang isang sasakyan. Bumukas ang bintana rito at nakita niya ang isang may edad na babae.

"Pinatawag kita dahil gusto kitang makausap. Dederechohin na kita iho, layuan mo ang anak ko, ayaw kong nakikipaglapit ka sa kanya." turan nito.

"Kung pera lang ang habol mo, ito." sabay abot sa kanya ng isang brown envelope.
"Layuan mo ang ang anak ko, hindi ikaw ang nararapat sa kanya kahit maging kaibigan pa. Kilala ko ang mga tulad ninyo, hindi kayo kuntinto sa kaunti, gusto ninyo lahatin pa." pang iinsulto nito sa binata.

"Pero ma'am..." naputol na sasabihin ni Erwin.

"Wala ng maraming salita, LAYUAN MO ANG ANAK KO, nagkakaintindihan ba tayo." agad na singgit ng ginang.

Umalis rin agad ang sasakyan kung saan lulan ang ginang. Naiwang tigagal ang binata habang hawak ang envelope. Napaupo ito sa isang upuan na naroroon at binuksan ang brown envelope, tumambad ang bugkos-bugkos na pera sa paningin niya. Sa tanang buhay nito ngayon lang siya nakakita at naka hawak ng ganun kalaking halaga ng pera. Umuwi siya na wala sa sarili hanggang sa napansin siya ng kanyang ina.

"May problema ka ba anak?" tanong nito.

Hindi na nagsalita si Erwin, bagkus ay inabot nalang niya ang hawak na envelope kaya nagtakang tinanggap iyon ng ginang at binuksan.

"Diyos na mahabagin, anak, saan galing ito?" tanong ni Marta.

"Sa ina ni Andromeda inay, layuan ko daw ang anak niya." sagot ng binata sa ina.

"Ano." gulantang na wika ng ginang.

"Hindi daw po kasi ako nababagay kahit na isang kaibigan man lang." turan niya.

Lumapit nalang si Marta sa anak at niyakap ito, alam niya ang nararamdaman nito dahil isa rin siyang ina.

"Sundin mo nalang anak para walang gulo at ang perang ito ay gagamitin natin sa mabuti lalo na sa pag-aaral mo at pagdating ng araw ay ibabalik natin." wika ng kanyang ina.

SIMULA ng araw na iyon ay pilit ng iniwasan ng lalaki si Andromeda. Ang dalaga naman ay habol ng habol dahil nagtaka ito kung bakit iniiwasan siya ng binata.

"Erwin, sandali lang, ano ba bakit mo ako iniiwasan. May nagawa ba akong mali?" pangungulit ng babae habang sumusunod rito.

Hindi naman siya pinansin nito at nagtuloy-tuloy lang, walang araw na hindi siya kinulit nito. Hanggang matapos ang buong taon na laging ganun. Hanggang sa isang araw ay nagpang-abot silang dalawa.

"Ano ba ang problema mo Erwin ha." pasinghal na wika ng dalaga.

Hindi naman umimik ang binata na nasa harapan lang niya kaya nainis ito.

"Ano ba, ganyan ka nalang ba? Ni hindi ka man lang ba magsasalita? My God Erwin, alam mo bang nahihirapan ako sa ganito? Nasasaktan ako sa tuwing iniiwasan mo ako, hindi ko alam kung bakit. Kung kailan nagsimula itong pakiramdam na'to, Erwin, i think i'm inlove with you, mahal na kita." madamdaming saad ng dalaga.

Hindi nakagalaw ang lalaki sa kinatatayuan niya, nagdidiwang ang puso nito sa narinig pero ang kanyang isipan ay hindi. Lalo na at pinagsabihan na siya ng ina ni Andromeda na iwasan ang anak ng mga ito. Kailangan niyang gawin ang nararapat at huwag ipakita ang totoong nararamdaman.

"Mahal? Andromeda, nakikita mo naman ang kalagayan ko, magkalayo ang agwat natin." sagot naman ng lalaki.

"Wala akong pakialam sa katayuan mo sa buhay. Maniwala ka at sa hindi alam kong pag-ibig ang nararamdaman ko para sayo." usal ng dalaga na nasa mata ang sakit at pagsusumamo.

"Pag-ibig? Pag-ibig nga ba? O awa lang dahil sa katayuan ko Andromeda?" sambit ni Erwin.

Sa narinig ay tila nawala ng pag-asa ang dalaga, nasaktan siya sa naririnig muna dito.

"Layuan mo na ako Andromeda, hanggang dito nalang ito. At isa pa marami ka pang makikilalang iba dyan, iyong mas karapat-dapat sayo. Iyong kayang tugunan ang pagmamahal na kaya mong ibigay. Hindi kita mahal at kahit kailan hindi kita mamahalin dahil hindi ikaw ang tipo kong babae." turan ni Erwin.

Tumalikod na ito at humakbang palayo samantalang ang dalaga ay tila sinaksak ng milyong-milyong sibat mula sa dinastiya ng Yuan. Napaupo nalang ito sa daanan at napaluha. Para sa kanya sobrang sakit ang marinig na tinatanggihan ka ng taong mahal mo. Para siyang tinadtad ng pinong-pino daig pa ang buhangin sa boracay.

"Nagmahal lang naman ako pero okay lang, kung iyan ang gusto mo sige. Simula ngayon hindi na kita guguluhin." usal ni Andromeda.

Tumayo ito at pinunasan ang mga luha,masakit man pero kailangan niyang tanggapin. Makakalimutan rin niya ang pangyayaring iyon sa kanyang buhay.

Pagdating sa bahay doon pinakawalan ni Erwin ang mga luhang kanina pa nais kumawala. Masaya siyang malaman na mahal siya ng babaeng tinatangi pero iyon ang tamang gawin.

"Sana balang araw maintindihan mo ako sa ginawa ko." sa isip nito.

SIMULA ng araw na iyon ay hindi na siya ginulo ng dalaga, hindi na rin niya ito nasilayan muli. Naging matamlay ang mga sumunod na araw nito hanggang sa hindi na talaga nagpakita kahit anino ng babae. Maging sa araw ng kanyang pagtatapos ay hindi na muli niya nasilayan ang dalaga.

"Sa wakas nakapagtapos kana rin anak at may karangalan pa." tuwang-tuwa na wika ni Aling Marta.

"Oo nay, masaya ako at matutupad ko na ang pangako ko sa inyo." tugon niya.

Lumuwag ang buhay nila dahil ginamit nito ang pera na ibinigay ng ina ng dalaga sa pagpapatayo ng tindahan na ngayon ay isang grocery store na. At ngayon heto nakapagtapos na nga siya pero may kulang na hindi mapupunan dahil walang sino man ang makakapuno rito maliban sa isang tao.

Matagal na rin niyang naibalik ang perang iniabot ng ina nito at tinubuan pa niya. Sobrang nangulila siya sa dalaga hanggang ngayon.

"Siya pa rin ba anak?" tanong ng kanyang ina.

Tango lang ang tanging tugon niya dito, naintindihan naman ito ng kanyang ina dahil naging saksi ito sa kanyang paghihirap na dinanas. Ang pangungulila nito sa dalaga maging ang pagmamahal nito.

"Kung kayo ang para sa isa't isa anak, paglayuin man kayo ay muling magtatagpo ang inyong mga landas." usal ng kanyang ina.

NAKAPAGTRABAHO siya sa isang kilalang kompanya bilang isang financial analyst. Doon niya ibinuhos ang oras at naniniwala siya sa sinabi ng kanyang ina.

"Sh*t, malalate na ako sa meeting ko." usal niya at nagmadaling pumasok.

Hanggang sa makarating siya ng elevator at nagmadaling pindutin ito pero isang kamay ang humarang dito.

"Sandali lang." usal ng babae.

Napa-angat ang mukha ng binata at nakita niya ang taong matagal nitong pinanabikang makita. Agad rin namang pumasok ang babae dito. Walang nagtangkang magsalita sa kanilang dalawa hanggang sa nagtagpo ang kanilang mga mata, nangungusap ito. May kung anong magnet na humila sa kanila kaya nagyakapan ang mga ito.

"Oh God, i miss you so much Andro, and i love you so..." usal ni Erwin.

Walang sabi-sabi ay ginawaran niya ng halik ang babae sa labi. Bahala na kung may asawa ito o wala ang mahalaga sa kanya ay ang maipabatid ang tunay niyang nararamdaman dito.

"Teka, bakit ka ba nangyayakap at nanghahalik agad-agad?" usal ni Andromeda habang naka tiwas ang kilay pero kita ang kasiyahan dahil sa kislap ng mga mata nito.

"Eh, bakit mo naman tinugon?" naka ngiting saad naman ni Erwin.

Namula ang babae kaya napayuko ito, hanggang bumukas ang pintuan ng elevator. Lumapit ito saglit kay Andromeda at bumulong.

"Hindi pa tayo tapos, mag-usap tayo mamaya pagkatapos ng gagawin ko rito." bulong nito.

Naiwang nakatulala ang dalaga habang humakbang na palayo ang binata. Matapos ang ilang taon na paglayo niya rito heto at nagkita sila muli, sinubukan niyang kamuhian ang lalaki pero hindi niya magawa dahil iba ang dikta ng kanyang puso. Mahal niya ito mula noon hanggang ngayon.

"Oh my God ang meeting ko." usal niya at agad tinungo ang silid.

Nagulat siya ng makita ang binata sa loob. Nakatayo ito sa harap at tingin niya ay may ini-explain ito.

"Have a sit madam." wika ng kanyang secretary.

Naupo ito at nanatiling nakatitig sa binata, namula ulit siya ng kumindat ito. Natapos ang meeting na wala siya sa sarili. Tatayo na sana siya upang umalis ng biglang.

"Where are you going." boses ni Erwin.

Kaya napalingon ito pero nagulat siya ang binata ay nakaluhod na.

"Sorry, alam kong nasaktan kita noon sana napatawad mo na ako. Sabi ko sa sarili ko pagnakita kita muli hindi na kita pakakawalan kaya heto ako. Andromeda, will you marry me?" ani ng binata.

Gulat ang rumihistro sa magandang mukha ni Andromeda pero napangiti ito.

"Kasal? Agad-agad? Hindi ba pwedeng ligaw muna bago kasal?" kay lapad ng ngiting saad nito.

"Ang panliligaw pwede ko iyang gawin araw-araw habang nabubuhay ako. Pero ang mawala ka pa ulit baka hindi ko na kayanin pa." madamdaming saad nito.

Nakangiting napailing nalang ang dalaga, sabagay sino nga ba siya para tumanggi. Ito ang matagal na niyang gustong mangyari.

"Uhmm, yes, sino ba ako para tanggihan ang taong mahal ko mula noon hanggang ngayon." naka ngiting sagot niya.

Mabilis pa sa kidlat ay agad tumayo ang binata at sinilyuhan ng halik ang mga labi ni Andromeda. Kinawit na rin ng dalaga ang kamay sa batok ng lalaking ngayon sa malapit na niyang maging kabiyak. Pinaglayo man sila pero heto at muling nagkita para ipagpatuloy ang naudlot na pagmamahalan.


***W A K A S***


No comments:

Post a Comment