ALAM mo ano ang
mahirap tanggapin? Ang masakit? ‘Yong pinaghirapan mo na’t lahat-lahat pero sa
bandang huli wala pa ring nangyari. Tila nagunaw lang lahat. Nawala na parang
bula. Na-abo na parang natupok ng apoy.
Sino ang mag-aakalang
minsan, nasa mga taong pinagkakatiwalaan natin pa ang magiging dahilan ng
pagkasira ng buhay ng isang nilalang. Isang inosente.
NO’NG una, hindi pa
n’ya alam kung anong kurso ang kukunin. Gusto ng papa n’ya na isang OFW,
Education para may teacher na ang pamilya nila balang araw. Pero iba ang nasa
isip n’ya. Gusto n’yang maranasan ‘yong nasa harap ng camera o nagta-trabaho sa
likod ng camera. Artista? Hindi. Broadcaster. Kaya no’ng enrolment, nag-enroll
s’ya sa kursong AB Mass Communication.
“Gladys!...Gladys!...”
tawag ni Janine sa isang kaibigan at kaklase nung high school. Nakita n’ya ito
sa hallway ng school, first day of class.
“Oy!...” nakangiti si
Gladys nang paglingon at paghagilap sa tumatawag sa pangalan n’ya sa mga
mag-aaral na naroroon sa hallway, nakita n’ya ang kaibigan at kaklase.
Nagkawayan silang dalawa. Lumapit agad si Janine sa kaibigan, nakipagsiksikan
sa mga estudyanteng naroon.
Abala ang
paglabas-pasok ng mga estudyante sa St. Michael College nang araw na ‘yon.
First day of school kasi. First day din matapos ang summer vacation at sabik
ang lahat na makabalik sa school lalung-lalo na ‘yong mga magsisipasok as
freshmen college. Isa na nga dun si Janine.
“Dito ka rin pala?”
tanong ni Janine nang makalapit s’ya. Nakangiti at di makapaniwalang
magkapareho lang pala sila ng school ng dating kaklase.
“Oo…” sagot nito at
nagkaintindihan silang maglakad patungo sa mga rooms na hahanapin nila for
their first period class.
Since mga freshmen pa
lang sila, halos puro pa mga minor subjects ang enrolled nila. Kung may mga major subjects, isa o dalawa
lang. Kaya puno ang parte na ‘yon ng building ng mga estudyante dahil dun ang
klase ng mga minor subjects. “Ano nga pala course mo?”
“AB Masscom kinuha
ko.” Proud na sabi ni Janine.
“Wow! Talagang
tinuloy mo ‘yong plano mong kunin na course ha nung high school pa tayo.”
Natawa si Janine, “Oo
e…gusto sana ni Papa na Education kaso feeling ko parang hindi para sa akin ang
kursong ‘yon…di ko ata nakikita sarili kong magturo.” Tapos sabay silang
nagtawanan. Habang tinitingnan nila ang mga subjects na nakapaskil sa dingding
ng kada silid, “E ikaw Glads, ano naman kinuha mong course?”
“BSBA.” Sagot ni
Gladys sa pagitan ng pagbabasa ng mga subjects.
“Ay akala ko naman
Masscom rin…”
Nakikipagsiksikan pa
sila sa ibang mga estudyante nang sa di sinasadya ay, “ay!...” di namalayan ni
Janine na nasalubong at kabangga na pala n’ya ang isang may edad nang lalaki,
naka-long sleeve polo ito at may bitbit na sling bag. Nang mag-angat ng tingin,
may itsura ang may edad na lalaki at matipuno pa rin ang pangangatawan. Pero sa
get up nito, di mo masasabing isa ito sa mga estudyante ng paaralan.
“Sorry…po” tanging
nasabi n’ya.
Nilagpasan nina
Janine at Gladys ang lalaki. Sinundan naman ng tingin ng lalaki si Janine,
nakangiti.
DUMAAN ang araw ng unang pasok nina
Janine at Gladys. May mga klase pa sila na walang instructor, may iba naman na
nagsimula nang maglecture o magbigay ng gawain, at may iba na pumasok lang
saglit, nagpakilala at nagdismiss din ng maaga. Tulad ng inaasahan, hindi
magkasama sina Janine at Gladys sa lahat ng subjects dahil magkaiba sila ng
kursong kinukuha.
Mag-isa pumasok ng classroom n’ya
para sa Advertising subject, ang major subject ni Janine at inistima ang mga
bagong kaklase.
Napili n’yang umupo sa may harapan pero sa may
gilid para di masyadong pansinin at nasa instructor at lecture talaga ang
attention n’ya. Binuklat n’ya ang kanyang notebooks na may ilang notes na rin
sa naunang mga klase n’ya, binabasa mga ‘yon pampaalis ng bored habang
naghihintay ng instructor nila (kung darating man.) at wala rin naman s’yang
makakausap dahil hindi naman n’ya kilala pa ang mga bagong kaklase.
Naging absorb siguro s’ya sa binabasa
at hindi n’ya namalayan ang lumapit na pigura at tumabi sa kanya. Nagulat na
lang s’ya nang umupo na talaga ito sa tabi n’ya kahit bakante pa ang ibang
upuan sa hanay na ‘yon. Di s’ya nakapagsalita at inilipat na lang ng
kinapapatungan ang binabasang notes. Ito kasi ‘yong lalaking nakabanggan n’ya
sa hallway kanina. Nang…
“Studying?” tanong ng lalaking
tumabi. Baritono ang boses nito.
Minsan pang hinagilap ni Janine ang
sasabihin, tila nabigla s’ya na nahihiya. Kagalang-galang kasi ang taong nasa tabi
n’ya ngayon. Kaklase ba n’ya ito?
“Mukhang mean naman masyado ng ibang
instructors mo at agad kayong binigyan ng mga gawain, first day of school.”
Patuloy ng lalaki.
Sinarado ni Janine ang notebook.
“Hindi naman.” Sa wakas ay nasabi n’ya, “naisipan ko lang magbasa-basa habang
naghihintay ng instructor.”
Tatango-tango ang lalaki. Tumayo na
ito at kinuha ang sling bag na nasa katabing upuan. Pumunta ito sa harapan, sa
may teacher’s table at inilapag doon ang dalang bag.
Nagulat si Janine ng magsalita ito,
lumaki ang kanyang mga mata nang… “May I have your attention please?” at
nagsi-puwesto na ang ibang estudyante na kanina lang ay nagkukwentuhan lang.
Tila naman nataranta ang mga itong pumunta na sa kanilang mga upuan nang
makitang s’ya pala ang instructor para sa subject na ‘yon. Hindi siguro s’ya
pinansin kanina dahil tumabi agad itong umupo sa kanya at siguro inakalang
estudyante rin s’ya.
Nagpakilala itong “I’m Mr. Dominguez
and I am your instructor for this subject for the semester…”
KUNG gaano ka-lenient ang buhay nung
high school, kailangan namang sanayin ng mga tulad ni Janine ang mga pagbabago
sa paligid lalo na’t nasa kolehiyo na sila. Kahit andun pa rin ang kalokohan
(since may transistion at adjustments pang nagaganap sa kanila from high school
life to college) kailangan nilang makisabayan sa mga striktong policies ng
school and learn to abide kahit gaano pa kababaw since they are matured enough
to understand and deal with it. At dapat tanggapin anumang disciplinary actions
na i-impose.
Sa Math class, five minutes bago
magsisimula ang klase nila, kapag may assignment tila nakasanayan na ng mga
kaklase ni Janine na magkumpol-kumpol at magkopyahan. Iisipin mong naggu-group
study at may pinaghahandaang major exam o quiz at abala pa ang mga kamay sa
kung anuman. ‘Yon nga lang napakatahimik ng lahat.
“Hoy!...Ano ba?...” saway ni Janine
sa kanila, pinagpasa-pasahan na kasi ang papel n’ya na may nakasulat na
assignment. “Baka mahuli tayo n’yan, pare-pareho na tayo ng sagot pati ata mali
n’yan pareho na rin tayo.”
“Asus…hayaan mo na Janine, di rin
malalaman ni ma’am sino ang original basta wala lang magsasalita…diba mga
classmates?” nakakalukong sabi ng isang kaklase nila na palagi rin namang
umaasa sa iba pagdating sa mga quizzes at assignments nila.
Sumang-ayon naman ang lahat,
nagkatawanan pa, ma-babae o lalaki man. At tulad ng pinag-alala ni Janine,
napansin nga ng “terror” instructor nila ang pagkakapareho ng lahat ng mga
sagot pati ang tama at mali.
“Nagkopyahan ba kayo ng
assignments?” kababanaagan ng seryuso at hindi natutuwang ekspresyon ang mukha
ni Miss Sandoval habang iginala ang mata sa buong klase. Dala na rin marahil ng
pangamba at takot, naging tahimik ang dating napaka-ingay na klase. Ni isa
walang nagsalita at panay yuko pa ng iba. “Magsalita kayo…bakit magkakapareho
kayo ng sagot?” tahimik pa rin ang buong klase. Kinabahan si Janine, panay ang
tingin n’ya sa mga kaklase na gano’n din ang ginagawa. Sa kanya nagmula ang
lahat ng sagot na kinopya lamang ng mga tamad n’yang kaklase.
Hanggang sa matapos ang period na
‘yon, wala namang nagsalita na kay Janine ang orihinal na sagot. Pero lahat
sila ay papatawan ng karampatang parusa dahil sa kanilang ginawa. Magiging
Student-Assistant sila nang walang nakukuhang benepisyo.
Maglalagak sila ng
tigda-dalawang oras na serbisyo sa mga non-teaching office ng paaralan bilang
mga “utusan” araw-araw depende sa availability o vacant time nila. Para kay
Janine at sa ibang subsob sa pag-aaral, pahirapan na sa kanila ‘yon dahil sa
“nagload” sila ng mga subjects as freshmen ng semester na ‘yon kakapusin na
sila sa oras ng pag-aaral at pag-meet ng deadlines.
‘Yong vacant time sana na
pwede nilang gamitin para makapag-aral, nakuha pa ng ibang dapat gawin. Para
naman doon sa “wala lang” at mga tamad kahit sa pag-aaral, kalabisan na ‘yon
lalo pa’t pag vacant time nila, nakatambay o natutulog lamang sila sa may sulok
na parte ng library o di kaya’y gumagala.
Malungkot at tila pagod na napa-upo
si Janine sa armchair na madalas n’yang upuan pag History class nila. Nagsimula
na kasi ang “duty hours” nila bilang mga Student-Assistant. Kasama at katabi
n’ya ng mga oras na ‘yon ang kaklaseng si Mica. Hindi sila magkaklase sa Math
subject kaya nagtataka ito sa itsura ni Janine.
“Hoy!...” kalabit n’ya sa katabi na
tila nakatingin sa kawalan. “Anong nangyayari sa’yo?”
Walang kangiti-ngiting tumingin kay
Mica si Janine na hindi muna nagsasalita. “Magsalita ka nga.”
Isang malalim na buntunghininga ang
pinakawalan ni Janine saka nagsalita, “Pagod lang.”
Nagtataka si Mica. Hindi naman kasi
n’ya nakikitang ganito ang kaklase dati, “Pagod?...sa’n ka pala nagpunta at ano
pinagagawa mo?”
“Naparusahan ang buong klase naming
sa Math dahil nagkopyahan kami ng assignment. Pare-pareho ng mga sagot…napansin
agad ‘yon ni Miss Sandoval kaya heto, binigyan kami ng disciplinary action…mga
dakila kaming utusan sa ngayon, Student-Assistant.”
Natawa si Mica sa ikinuwento ni
Janine. “Anong nakakatawa dun?” nakangusong tanong ni Janine, “Hindi na nga ako
nakakapag-aral ng maayos dahil dun e.”
“Paano naman kasi dahil lang dun
nadamay ka na at ayan nahihirapan ka pa. Nangopya ka ba o…galing sa’yo lahat ng
sagot?” natatawa pa ring tanong ni Mica.
“Galing sa akin ang sagot…” mahina
at nahihiya pang sabi ni Janine.
Grabeng tawa na ni Mica sa sinabi at
itsura ni Janine ng aminin n’ya ‘yon, “Damayan lang, teh?”
SA tuwing wala ng klase si Janine, tulad
ng kinagawian, diretso na s’ya ng bahay. Inuuna talaga n’ya ang mga gawain sa
school at bahay kesa maglakwatsa kasama ang mga kaibigan lalo na ngayon na
hindi na s’ya nakakapag-review pag nasa school tuwing vacant time n’ya dahil
nga sa inatas na gawain sa kanila.
Noon pa man, ilang beses na rin ba s’yang
inanyayahan ng mga kaibigan na lumabas, mag-mall, o tumambay lang sa’n nila
maisip pero puro tanggi naman ang ginagawa ni Janine. Kung hindi naman s’ya
maagang nakakauwi, isang lugar lang ang suki n’yang pinupuntahan. Library. Kung
hindi naman nagbabasa ng mga latest books dun e may tinatapos s’yang gawain.
Pero
kahit ‘yon hindi na rin n’ya nagagawa dahil pagod na s’ya at kailangang sa
bahay na lang tatapusin ang mga assignments para diretso na pahinga. Naturingan
na tuloy s’yang ‘KJ” ng mga kaibigan at kaklase. Pero wala naman s’yang
pakialam. Hindi rin naman sumasama ang loob n’ya pag nagkaganoon. Tinatawanan
lang n’ya at binabalewala.
Naiintindihan din s’ya ng mga kaibigan. Ang mahalaga
kasi sa kanya ay napapanatili n’yang matataas
ang mga grades n’ya, tulad na lang sa high school na palagi s’yang nangunguna
sa klase kahit halos matabunan na s’ya ng mga gawain.
Wala rin naman s’yang nakikitang
masama sa paggala ng mga kaibigan o sa pag-iimbita sa kanya. Talagang umiiwas
s’ya dahil ayaw rin n’yang maranasan ang nangyari sa nakakatandang kapatid na
si Jessa.
Matalino din ang ate n’ya at nung una, bahay-skwelahan lang talaga. Pero
nung mapabarkada, kahit saan na lang napupunta at naglalagi. Hindi naman
napapabayaan nito ang pag-aaral kaya malaki ang tiwala ng mga magulang sa ate
n’ya. Kaya gano’n na lang ang “shock” nila nang malamang nabuntis ito. Kaya
tulad ng inaasahan hindi ito nakatapos
at nag-asawa ng maaga.
Hindi naging maganda ang buhay ng kapatid sa kamay ng
asawa n’ya kahit pa ginagampanan pa nito ang obligasyon nito kay Jessa at sa
anak nila. May bisyo ito at nambabae pa. Minsan na ring napagbuhatan ng kamay
si Jessa kaya napatira sa kanila ng ilang linggo. Pero kinuha pa rin asawa.
Sa
kabila ng lahat, iisa lang talaga ang nakaguho ng mundo ng mga magulang ni
Janine at ‘yon ay ang magunaw ng gano’n na lang ang mga pangarap na binuo nila
para sa nakakatanda n’yang kapatid na si Jessa.
Kaya gano’n na lang ang
pagsusumikap na ginagawa ni Janine simula high school. Ayaw n’yang biguin ang
mga magulang tulad ng pagkabigong naranasan ng mga ito sa ate n’ya lalung-lalo
na ang amang nasa ibang bansa, kumakayod para lang matustusan ang mga
pangangailangan nila.
Kung hindi nga lamang nag-asawa ng maaga ang Ate Jessa
n’ya malamang naka-graduate na ito at ito na rin ang nagpapa-aral sa kanya. Andito
na rin sana sa Pilipinas ang ama at nagpapahinga na sa pagtatrabaho. May edad
na rin kasi ito. Pero wala silang “choice” kaya gano’n na lang din ang
pagsusumikap n’yang mag-aral ng mabuti.
TULAD ngayon, pang-ilang gabi na ba
n’ya ito sa pagpupuyat para tapusin ang mga assignments at gumawa ng mga
projects. Nagsisimula na rin s’yang mag-draft para sa ibinigay na “research
paper” nila sa Advertsing subject. Kung may quiz o exam kinabukasan kailangan
naman n’yang matulog ng maaga para magising ng napaka-aga para mag-aral. Mas
nakakapag-aral s’ya sa ganun kasi presko na utak n’ya sa lahat.
Apat na buwan pa
naman bago ang pagtatapos ng sem pero nagsisimula ng magsulputan ang mga final
requirements nila. Isa na nga dun ang maagang “research paper” sa Advertising.
Para iwas “cramming” moments, nagsisimula na s’ya. Ibig sabihin four months din
s’yang palaging ganito, puyat. Lalo pa’t hindi pa nari-raise kung hanggang
kailan ang pagiging “Student-Assitant” nila.
Napansin marahil ng
ina n’yang si Magda na bukas pa ang ilaw ng kanyang kwarto mag-aalas dose na ng
madaling araw. Nakabukas lang kasi ang pintuan ng kanyang kwarto habang
abalang-abala s’ya sa sinusulat. Kumatok naman ng mahina ang ina sapat na
marinig n’ya. May dala itong isang basong gatas.
“Magmamadaling-araw
na anak, wala ka bang pasok bukas?” tanong ni Magda.
Uminom s’ya ng kunti sa gatas na
dinala ng ina saka nagsalita, “Meron ma, pero alas dyes pa…kaya tatapusin ko na
muna ‘to."
“’Wag kang masyadong magpuyat, ano
na lang ang maiintindihan mo sa klase n’yan kung inaantok ka.” May point din
naman ang sinabi ng mama n’ya pero sa nakikita n’ya talagang kinukulang s’ya ng
oras sa pag-aaral.
“Ma, ‘wag kayong mag-alala, kaya ko
‘to. Hindi pa naman ako inaantok sa klase e.”
Ngunit kabaliktaran ‘yon pag nasa
klase na nga s’ya. Inaantok talaga s’ya at nahuhulog na lang ang talukap ng
kanyang mata habang nagdi-discuss ang instructor nila.
Minsan pa nga, sinasadya
n’yang magpa-alam muna para pumunta ng CR dahil hindi na talaga n’ya nakakaya
minsan ang pagbagsak ng mga mata dala ng antok.
Hindi naman talaga s’ya pumupunta
ng CR, naglalakad-lakad lang s’ya sa labas ng classroom pampaalis ng antok.
Gano’n ang buhay n’ya at hindi naman
tulad ng iniisip ng ibang kaibigan n’ya at kaklase, hindi naman boring ang
naging tingin n’ya sa buhay n’ya bilang isang estudyante. May kailangan lang
talaga s’yang unahin at dapat gawin, hindi lamang para sa sarili n’ya.
LUMIPAS pa ang mga araw. Tutok na
tutok na si Janine sa mga requiremens na dapat tapusin lalo na ang sa major
nilang Advertsing. Kinakailangan nilang mag-submit ng draft ng paper nila para
ma-evaluate ni Mr. Dominguez at ma-advise-san sila kung ano pa ang kulang since
ide-defend pa nila ‘yon.
Sa hindi inaasahan, “Miss
Santiago,…” si Mr. Dominguez, “Can you please see me after your last period
class today?” ‘yon ay matapos n’yang maipasa ang draft ng paper n’ya.
Tumango s’ya sabay sabing “Yes sir.”
Habang naglalaro na sa likod ng isip n’ya kung ano ba kaya ang problema ng
paper n’ya.
At nagpahuli nga sa pag-uwi si
Janine. Pumunta s’ya faculty office ng College of Arts at hinanap si Mr.
Dominguez na nang makita n’ya ay abala sa kung anong binabasa nito.
Pinakiramdaman n’ya muna ito bago
nag-excuse to let him acknowledge na nasa harap na s’ya nito, “Excuse me, sir.”
Nag-angat ng tingin ang instructor
at nang mamukhaan s’ya ay hinubad nito ang suot na salamin at pina-upo s’ya.
“Miss Santiago I read the draft of
your paper as I required…” simula nito habang nakatingin sa three-page papers
na napagtanto n’yang sa kanya pala. “I am impressed. Actually when I read the
title, na-curious ako agad about the content…” naputol na naman ang sinasabi
nito nang isinuot ulit ang salamin at tumingin ulit sa hawak-hawak na mga
papel, tila may hinahanap dun, “then as I read along, I think it will turn out
to be a good paper. In fact, an impressive one.” Nakangiting sabi nito na
tumingin sa kanya.
Isang malaking ngiti at mababasa sa
mga mata ni Janine ang saya sa natanggap na compliment sa sariling gawa na
ilang gabi ding pinagpuyatan n’ya.
Nang bigla napatigil si Janine nang
sumenyas si Mr. Dominguez, “Mmmmm but I think, on this part where the
diasadvantages of advertising emerge, you need to gather more facts, supporting
details to stand your argument with this.” Nakahinga ng maluwang si Janine,
akala n’ya kung anong negatibong nakita sa gawa n’ya. “But over all…its
impressive.”
“Thank you po..” laman nun ang saya
dala ng sa tingin n’ya success ng paper n’ya kahit hindi pa ito nade-defend. At
‘yon ang susunod na bagay na paghahandaan n’ya.
“I think matutulungan kita with the
references you needed.”
Hindi makapaniwala si Janine sa
narinig, tutulungan s’ya ng instructor n’ya. Naisip n’ya ganun nga siguro ang
role nila as instructors at she thinks, she’s truly blessed.
“Sigurado po ba kayo?...baka sobrang
abala na po ang magagawa ko sa inyo.”
Ngumiti ito, “Don’t mention about
it. I was a student also like you and hindi madaling maghanap ng mga references
lalo pa’t masyadong limited ang resources with a very specific topic.”
Hindi na nag-alangan pa si Janine,
at wala s’yang balak. Grasya na kung iisipin itong tulong na ibibigay ni Mr.
Dominguez. Hindi na n’ya kailangan pang mag-interview ulit o magbasa pa ng
napakakapal na aklat pero wala naman s’yang nakukuha.
May iniabot si Mr. Dominguez na
maliit na card, “That’s my home address, better puntahan mo ako sa bahay bukas
at your vacant or anytime na pwede ka. I just can’t bring them here dahil baka
makita ng ibang kaklase mo isipin may “favoritism” natawa pa ito sa tinuran
n’ya.
Tinanggap ni Janine ang card at
tiningnan ‘yon. Wala naman s’yang inisip na kakaiba o nagdududa sa kung anuman
basta ang tanging nasa isip n’ya, matatapos ang research paper n’ya na
“impressive” at with good, high rate mula sa defense panel.
MALAPIT na s’ya sa pupuntahan nang
matanawan n’ya ang nasa labas ng taxi. Papasok ang sinasakyan sa isang exlusive
subdivision at ganun na lang ang pagkamangha n’ya sa nakikitang malalaking
bahay. Naibigay na kasi n’ya kanina ang address sa driver at dahil madaling
matunton ‘yon, hindi na ito nagtatanong ng direksyon.
Nagdahan-dahan lamang ang
taxi nang tinutunton na nila ang kalye kung saan nakahanay ang bahay na may house
number na nasa address. At tumigil ito sa isang simpleng bahay na halatang
panlalaki ang desinyo.
Pagkababa ni Janine, magdo-doorbell pa sana s’ya nang
bumukas ang pinto sa may harapan at iniluwa nun si Mr. Dominguez.
Nakapang-bahay lamang ito pero kahit gano’n ay komportable pa rin ito na
pinapasok s’ya.
Nag-aalangan s’yang pumasok dahil sa
hiya since instructor n’ya ito. “Akala ko mamaya ka pa…” sabi ni Mr. Dominguez
habang papasok na sila ng bahay.
Iinot-inot pa talaga s’yang sumunod
rito papasok, “Hindi po ako pumasok ngayon. Sinadya ko talaga ang pagpunta rito
para sa mga references na ipapahiram n’yo para sa research paper ko.”
Dumiretso sila sa may sala kung saan
may nakita si Janine na mga makakapal na parang aklat at sadyang binok bound sa
center table. Naisip n’ya marahil ‘yon na ang sinasabi ni Mr. Dominguez na mga
references na kailangan n’ya. Habang umupo s’ya at binubuklat ang mga ‘yon,
nawala saglit ang instructor at nang makabalik, may dala na itong dalawang
basong juice. Ibinigay sa kanya ang isa na agad naman n’yang ininom dahil sa
uhaw.
May sinasabi pa si Mr. Dominguez na mga
pointers at sandali pa silang nag-usap. Maya-maya’y napagdesisyunan ni Janine
na magpaalam na. Nang patayo na s’ya, sa hinding maintindihan dahilan ay bigla
na lang s’yang nahilo at nagdilim ang kanyang buong paligid.
ANG kadiliman nang himatayin at
magising s’ya matapos inumin ang baso ng juice na ibinigay ni Mr. Dominguez ang
hindi n’ya malilimutan dahil ito rin ang nagpapatunay na buong kinabukasan at
mga pinaghirapan n’ya ay nalunod lamang sa karimlan nang sirain nang
ganun-ganun lang ang kanyang puri, ang kanyang pagkatao ng mapagsamantalang
nilalang.
Oo, mahirap ibigay ang tiwala. Pero
sino ba namang magdadalawang isip na ibigay ang tiwala ‘yon sa taong alam
nating makakatulong para buuin ang ating mga pangarap; sa taong inaasahan nating
isa sa magiging gabay natin para magkaroon ng liwanag ang kinabukasan natin; sa
taong pati mga magulang at pamilya natin ay pinagkakatiwalaan ng ating paglaki
at karunungan.
Nagamit ni Mr. Dominguez ang
pagkakataong ‘yon para pagsamantalahan si Janine. Buong araw s’yang ginamit ng
instructor n’ya sa sariling bahay nito na walang kalaban-laban dahil sa
inihalong gamot sa kanyang inumin.
Tinakot pa s’ya ng lalaki, “Alam mo ang kahihiyang aabutin mo pag
nagsalita ka…kaya kung ako ikaw, tumahimik ka na lang. Pati mga grades na
pinaghirapan mo mababalewala lang...pwede rin na kapag nagsalita ka, maki-kick
out ka sa St. Michael…pwede kong gawin lahat masira ka lang kung may makakaalam
nito at kapag ako ang lalabas na may kasalanan…pati pamilya mo idadamay ko,
sasaktan ko.”
Lahat ‘yon sinabi ni
Mr. Dominguez habang nakapatong s’ya kay Janine at ginagamit ito. Walang nang
lakas pa ang kawawang dalaga sa pagkakataong ‘yon para lumaban dahil sa epekto
ng gamot at panghihinang dulot ng paulit-ulit na paggamit sa kanya.
Tanging mga
luha lamang ang naging kakampi n’ya; mga luha ang tanging boses n’ya na
nagsusumigaw ng kanyang sakit na nararamdaman sa pisikal at emosyun; mga luhang
naging lakas n’ya para kayanin ang pinagdadaanan at isipin ang DAPAT na gagawin
pagkatapos ng impeyernong kinasadlakan.
SA pag-aakalang wala
na s’yang pag-asa dahil sa takot at kahihiyang maaaring haharapin, pinili ni
Janine na lumaban, gumising sa bangungot at ilahad ang katotohanan sa kanyang
pinagdaanan. Naisip n’yang hangga’t wala s’yang ginawang masama ipaglalaban
n’yang ang pang-aabusong ginawa sa kanya at marahil pati na sa mga naging
biktima ni Mr. Dominguez tulad n’ya.
Hindi naging madali
ang lahat sa kanya pati sa pamilya n’ya lalo na sa amang tanging nais ay
mapabuti silang mga anak at pamilya n’ya. Pagkatapos ng pagkakadampot ng mga
pulis kay Mr. Dominguez sa kalagitnaan ng kanyang klase sa bisa na rin ng
“warrant of arrest”, tumakbo ang kasong rape na inihabla ni Janine laban sa
guro. Ang pinakamagulong parte ng buhay ng dalaga na wala namang ibang hinangad
kundi ang masuklian ng magandang marka ang lahat ng pinaghirapan at
pinagpuyatan. Kasama ng parting ‘yon ng buhay n’ya ang kahihiyan dahil sa mga
binaliktad na kwento maabswelto lamang ang guro.
Pero sadyang walang
puwang sa mundo ang pagtatagumpay ng kasamaan. Nagsilabasan ang ibang biktima
ni Mr. Dominguez sa ibang skwelahan at nagbigay ng statement pati paghabla ng
kaso laban sa kanya. Lahat sila hindi nagawang magsalita noon dahil sa iisang
rason, takot at kahihiyan.
Napatunayan na guilty
si Mr. Dominguez sa kasong “multiple rape” na inihabla sa kanya at
nasintensyahan ng habambuhay na pagkakabilanggo bukod pa sa danyos na babayaran
n’ya sa mga naging biktima.
Nangyari na ang hindi
dapat mangyari. Wala ng magagawa pa si Janine at ibang naging biktima ng guro. Nakakulong
na rin ang may kasalanan. Ang tanong: nakamit na ba talaga ng mga katulad ni
Janine ang hustisyang hinahanap nila?
Lahat naman ng masasamang karanasan ay
may hatid na bagong pag-asa pero sapat na ba ang pag-asang ‘yon para itayo muli
ang minsang natumba na? Paano ‘yong hanggang ngayon nakakubli pa rin sa takot
at kahihiyang magiging dulot ng iskandalo?
***W A K A S***
No comments:
Post a Comment