One Shot Writing Contest Entry #13: Isang Dipang Pangarap by Lorna Tulisana


HINDI pa man tumutunog ang orasan ni Ayesha ay bumangon na ito. Isa sa mga aral na natutunan niya bilang estudyante ay ang maging maagap. At tulad nang paborito niyang salawikain sa ingles...'Early bird, catches early worm!'

Mabuti na ang maging maaga kaysa mahuli. Ayon sa kanyang naging guro sa elementarya, dito raw masusukat ang pagiging masikap at masipag ng mag-aaral na may pangarap sa buhay.

Marami siyang pangarap. At ilang dipa na lang ay tutuntong na siya sa panibagong baytang ng hagdan na magdadala sa kanya sa tuktok ng tagumpay.

Napangiti si Ayesha habang iniisip ang nalalapit na graduation. Hindi pa niya nasasabi sa kanyang mga magulang na isa siya sa pinagpipilian para sa unang puwesto.

"Ate?!" Nagitla ito nang mabungaran pagbukas ng banyo ang nakatatandang kapatid na nakaupo sa harap ng toilet bowl at pawisan mula sa sunud-sunod na pagsusuka, "Anong nangyayari sa'yo?"

"Ssshhh!" saway ni Aiza na pinunasan muna ang bibig. "Huwag kang maingay, baka marinig ka nina Mama at Papa!"

"Amoy alak ka na naman."

"Gatas lang ang ininom ko, promise!" sabay nakangising itinaas nito ang kaliwang kamay habang namumungay ang mga mata.

"Kakauwi mo lang ba?"

"Traffic!" papilosopo nitong tugon. Tumayo ito at pagiwang-giwang na lumabas ng banyo, "Matutulog muna 'ko."

"Hindi ka papasok?"

"Birthday ng principal namin kaya buong araw na sarado ngayon ang eskuwelahan. Doon yata magpa-party."

"Ate, kailangan mong puma-"

Agad na pinutol ni Aiza ang iba pang sasabihin ng kapatid, "Sabihin mo kina Mama at Papa na masama ang pakiramdam ko."

"Pero..."

"At ayokong magpaistorbo."

"Exam week ninyo ngayon, 'di ba?"

Napatigil sa paghakbang si Aiza at nilingon ang nakasunod na kapatid. "Ssshhhh!" Inilagay nito ang isang daliri sa tapat ng labi, "Secret lang natin 'yun!"

"Ate, may problema ka ba?"

"Marami. At kailangan ko nang matulog. Baka sakaling paggising ko, wala na. Good night...good morning na pala!"

Napailing si Ayesha na sinundan na lamang ng tingin ang kapatid. Pinabayaan na nito ang pag-aaral mula nang lokohin ito ng unang nobyo.

Tatlong taon ang pagitan ng edad nila nang kanyang Ate Aiza. Dapat ay nakapagtapos na ito sa kursong IT kung hindi lang nalulon sa barkada at lakwatsa.

Sa bagong henerasyon nila, karamihan sa kabataan ay nasisira ang kinabukasan dahil sa pag-ibig. Ayaw niyang matulad sa mga ito kaya nga nagsisikap siya upang hindi masayang ang sakripisyo at hirap ng kanyang mga magulang.

"ANO 'yan?"

"Bulaklak."

"Hindi ako bulag. Bakit mo ako binibigyan n'yan? May okasyon ba?"

"Gusto kitang ligawan."

Napaangat ng mukha si Ayesha mula sa pagsusulat at pinukol nang tingin ang kaklase. "Liligawan mo ako?"

"Break na kami ni Guia."

"Kung hindi ako nagkakamali, noong nakaraang linggo lang kayo naghiwalay."

"May nobyo na siya ngayon."

"Kaya gusto mo ring gumaya?"

"Para patas lang kami."

"Tigilan mo nga ako," ibinalik nito ang atensyon sa pag-aaral. "Iba na lang ang ligawan mo dahil wala pa sa bokabularyo ko ang pagnonobyo."

"Sige na, pumayag ka na."

"Huwag ka ngang makulit!" singhal nito. "Hindi ako puwedeng liwagan lalo na ang magkaroon nang nobyo dahil unang-una, nag-aaral pa tayo. Pangalawa, pareho lang tayong kinse. At pangatlo..." sabay duro ng daliri sa kaharap, "hindi ikaw ang tipo kong lalake!"

"Ang choosy naman!"

"Umalis ka na nga! Iniistorbo mo lang ako!"

Hindi pinansin ni Ayesha ang padabog na pagtayo nang kaklase at pagtalikod nito. Wala siyang panahon dito dahil kinukulang pa nga ang oras niya sa pag-aaral.

Nalalapit na ang huling periodical exam nila. Kapag nakakuha siya ng mataas na marka, makukuha rin niya ang pagiging Valedictorian sa taong iyon.

"Puwede ba akong makiupo?"

Muling napahinto sa pinagkakaabalahan ang dalagita at napatingin sa pag-upo ng matalik na kaibigan. "Malayo pa naman ang Biernes Santo, bakit ganyan na ang mukha mo?"
Nagpakawala muna nang malalim na buntong-hininga si Sheena bago nagsalita, "Hindi na ako makakapasok sa kolehiyo."

"Ha? Bakit?"

"Hindi daw kakayanin nina Nanay at Tatay ang mga gastusin kahit makakuha pa ako ng scholarship."

Hindi nakaimik si Ayesha dahil batid niya ang estado nang pamumuhay ng kaibigan. Panganay ito sa walong magkakapatid at pagsasaka lamang ang trabaho ng ama habang namamasukan bilang katulong sa Maynila ang ina nito.

"Mag-ipon ka muna. Marami namang trabaho na puwedeng pasukan kahit high school graduate lang."

Marahang napailing si Sheena. "Kukunin ako ni Nanay pagkatapos ng graduation dahil kailangan daw nang isang kasambahay sa pinapasukan niya."

Sandaling namagitan ang katahimikan sa dalawa. Ramdam ni Ayesha ang lungkot ng kaibigan dahil alam niyang pangarap nito ang makatuntong ng kolehiyo.

"Saan ka nga pala mag-aaral?"

"Hindi ko pa nasasabi kina Mama at Papa na gusto kong kumuha ng Medisina sa Ateneo."
"Mabuti ka pa," nakaramdam ito ng inggit.

"May naisip ako!" Kinuha ni Ayesha sa bag ang isang maliit na kuwaderno, "Ililista kita."

"Ano 'yan?"

"Listahan ng mga pangarap ko."

"Huh? Patingin nga."

Inabot ni Ayesha ang hawak sa kaibigan.

"Ayesha's List of Dreams," panimulang basa ni Sheena sa bungad na pahina. "Akala ko, utang lang sa tindahan ang may listahan." Binuklat nito ang kasunod at binasa, "Makuha ang pinakamalaking medalya para ialay sa pamilya."

"Masaya ka naman kung ako ang magiging Valedictorian, 'di ba?"

"Oo naman."

"At magiging masaya rin ako kung ikaw ang mapipili."

Apat silang maglalaban-laban sa unang puwesto. At malalaman nila ito pagkatapos nang huling pagsusulit.

"Maipatayo nang malaking bahay sina Mama at Papa," pagpapatuloy ni Sheena. "Maihanap nang matinong lalake si Ate Aiza na magmamahal dito ng totoo at hindi ito sasaktan o paiiyakin. Magkaroon nang sariling pampublikong ospital para sa mga mahihirap. Medical Mission sa loob at labas ng bansa. Ang dami naman nito?"

"Akin na at may idadagdag ako," sabay kuha sa kuwaderno at nagsulat dito. 

"Makapagtapos ng kolehiyo ang nag-iisa kong bff sa kursong Mass Communication major in Broadcasting para sa ambisyon niyang higitan ang katanyagan nina Noli de Castro at Mel Tiangco."

Napangiti si Sheena.

"Hay'an! Nakalista ka na sa mga pangarap ko," ipinakita pa nito sa kaibigan ang isinulat kahit sinabayan niya ito nang pagbigkas.

"Salamat. Baka naman kapag nagkalayo tayo at magtagumpay ka na, makalimutan mo 'ko?"

Tumayo si Ayesha. Naupo ito sa tabi ng kaibigan at umakbay dito. "Ang tunay na magkaibigan, kahit gaano man kalayo o katagal ang kanilang paghihiwalay, hindi sila nakakalimot sa isa't isa." Itinaas nito ang hinliliit na daliri, "Bestfriend?"

"Bestfriend!" sabay angkla ng sarili nitong hinlilit sa kaibigan.

"Forever!"

"And ever!"


HINDI pa man tuluyang nakakahinto ang sinasakyang tricycle ni Ayesha nang mabilis itong bumaba.

"Uy! Bayad mo!"

Binalikan ng dalagita ang sumigaw na drayber at inabot dito ang buong sampung piso na nakalimutan na niya dahil sa nakitang eksena sa loob ng kanilang bakuran.

Hindi na nito hinintay pa ang sukli. Patakbo na itong pumasok kung saan ay inabutan niyang isa-isang pinupulot ng kanyang Ate Aiza ang mga damit na itinapon nang nanggagalaiting ama.

"Ayoko ng makita ang pagmumukha mo dito sa pamamahay ko! Layas!"

"Pa? Ate? Anong nangyayari?"

"Inuna pa n'yan ang paglalandi kaysa pag-aaral!" duro ni Delfin sa panganay na anak.

"Nabuntis lang, lumandi na? Hindi ba puwedeng nakalimot muna?"

"Aba't..."

Maagap na pinigilan ni Auring ang esposo, "Tama na!"


"Buntis ka, ate?"
"Kukunin kitang ninang, " nakakalokong ngiti nito sa tigalgal na kapatid.

"LUMAYAS KA!" malakas na sigaw ng ginoo. Tuluyan nang nasagad ang pasensiya nito dahil sa narinig na tila balewala lang sa anak ang kinakaharap na sitwasyon.
"Papa..."

"Huwag mo siyang ipagtatanggol at pagtatakpan!" Inunahan na nito ng banta ang bunsong anak, "Pasok!"

Tinapunan muna ng huling sulyap ni Ayesha ang kapatid bago ito sumunod sa loob ng bahay.

Marahas namang isinara ni Delfin ang pinto at habol ang paghingang naupo ito. "Walang kuwentang anak! Matapos mong igapang sa pag-aaral, sama ng loob lang ang igaganti!"

Tahimik lang nagkatinginan sina Auring at Ayesha. Dama nila ang bigat sa loob nang haligi ng tahanan na halos ginagawang araw ang gabi upang matustusan ang edukasyon at pangangailangan ng pamilya.

"Hindi ko alam kung saan ako nagkulang. Ibinigay ko naman ang lahat. Kahit napakatigas ng ulo niya, paulit-ulit ko siyang inuunawa."

Unang pagkakataon na nakita ni Ayesha na umiyak ang ama.

"Mahal ko kayo. Ayokong maranasan ninyo 'yung hirap na pinagdaanan ko dahil wala akong diploma. Kaya nga nagsisikap ako para balang-araw, maganda at maayos ang inyong magiging buhay."

Mula sa likod ng nakasarang pinto ay impit ang naging pagluha ni Aiza. Magsisi man siya, huli na. Hindi na niya maibabalik pa ang mga panahon at pagkakataong kanyang sinayang.
Masyado siyang nagpadala dahil sa kabiguan sa pag-ibig. Ngayon ay hindi lang kinabukasan niya ang nawala kundi pati ang mga taong totoong nagmahal sa kanya.

"ATE!"

Sandaling nagitla si Aiza sa presensiyang nabungaran sa labas nang inuupahang apartment. "Anong ginagawa mo dito?"

Sa halip na sumagot ay mahigpit na niyakap ni Ayesha ang kapatid, "Miss na kita. Miss na miss."

Mahigit isang buwan na rin ang lumipas nang palayasin si Aiza. At mula nang araw na iyon ay hindi na ito nagparamdam pa sa pamilya.

"Paano mong nalaman kung saan ako nakatira?"

"Nagtanong-tanong ako. Kumusta ka na? Bakit pumayat ka?" puna nito nang pasadahan ng tingin ang kaharap. "Tumataba dapat ang buntis, 'di ba?"

"Umalis ka na," pag-iwas nito. "Baka magalit pa sa'yo si Papa kapag nalaman niyang pinuntahan mo ako."

Maagap na iniharang ni Ayesha ang sarili sa pinto nang akto itong isasara. "Ate, mag-usap muna tayo."

Tumalikod si Aiza. Hinayaan na lamang nitong pumasok at sumunod sa kanya ang kapatid. "Wala akong maiaalok sa'yong pagkain. Tubig, gusto mo?"

"Ate, valedictorian ako."

"Hindi na 'ko magugulat." Kinuha nito ang pitsel at nagsalin ng inumin sa baso, "Alam kong makukuha mo 'yan. Congrats!"

Nilapitan ni Ayesha ang kapatid at ginagap ang kamay nito. "Ate, gusto ko sanang nandoon ka."

"Gustuhin ko man, hindi puwede." Hinila nito ang kamay at tinungo ang lababo,
"Makakapagmartsa ka naman siguro kahit wala ako."

"Gusto kong kumpleto kayo. At isa ka sa mga taong naging inspirasyon ko kaya ayokong mawala ka sa mahalagang araw na 'yun. Please, ate?"

Naputol ang pag-uusap ng magkapatid nang pumasok ang kinakasama ni Aiza na hindi man lang bumati sa nadatnang bisita.

"Umuwi ka na."

"Sumama ka na lang sa akin, ate. Ako nang bahala kina Papa at Mama."

"Sige na, alis na."

Parehong napapitlag ang dalawa nang umalingawngaw sa paligid ang ingay na nilika ng tumilapon na kaldero.

"Lintik na bahay 'to! Maghapon ka na ngang nasa labas, madadatnan mo pang wala man lang makain!"

"Bakit? May iniwan ka bang pambili?" asik ni Aiza.

"Punyeta ka..."

"Punyeta ka rin! Nasaan ang sinahod mo? Naubos na naman sa sugal?"

"Natatalo ako dahil ikaw ang malas sa buhay ko!"

"Mas minalas ako mula nang sumama ako sa'yo!"

"Ate, halika na!"

Hindi pinansin ni Aiza ang pagsaway at paghila sa kanya ng kapatid. Gusto niyang maglabas ng sama nang loob sa lalakeng ipinagpalit niya sa pamilyang malaki ang isinakripisyo sa kanya. "Pasumpa-sumpa ka pa noon na susungkitin mo ang buwan at bituin para sa akin, tapos ngayon kahit malunggay hindi ka man lang makasungkit para may makain?"

"Bakit hindi ka magtrabaho nang hindi ka nagrereklamo?"

"Gago ka rin, 'no? Alam mong buntis ako!"

"At isa pa 'yan!" Dinuro nito ang tiyan ni Aiza, "Ipinapaako mo ang batang hindi naman sa akin!"

"Demonyo ka..."

"Ate!" mahigpit na pinigilan ni Ayesha ang kapatid.

"Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas nito. "Papatayin ko ang hayop na 'yan!"

Nanlilisik ang mga matang dinampot ng binata ang kutsilyong nasa lababo, "Kung ikaw kaya ang patayin ko?" sabay umang nito sa patalim.

"Sige!"

"Ate, umalis na tayo!"

Muling binalewala ni Aiza ang pakiusap ng kapatid, "Patayin mo ako! Sige!" paghahamon nito na iniamba pa ang sarili nang makawala sa pagkakahawak. "Sagad na sagad na ang pasensiya ko! Ikaw ang pinakamalaking bangungot at pagkakamaling nangyari sa buhay ko!"

"Nagsisisi ka na? Balak mo nang makipaghiwalay? Wala akong pakialam! Umalis ka, pero..." hinablot nito sa buhok si Ayesha, "iiwan mo 'to!"

"Ah!"

"Demonyo ka, bitiwan mo ang kapatid ko!"

Marahas na itinulak ng binata si Aiza dahilan upang bumagsak ito sa sahig.

"Ate!"

"Halika!" sabay hila ni Rico sa nahahawakang dalagita. "Maglaro tayo ng Jack en Poy sa kuwarto!"

"Bitiwan mo 'ko!"

"Ugghhh!" Napadaing si Aiza habang nakasapo sa tiyan. Bigla itong nakaramdam ng pag-ikot nang paningin, "Ahhhhh!"

Nanlaki ang mga mata ni Ayesha nang makita ang umaagas na dugo sa magkabilang hita ng kapatid. "Ateeee!"

"Nagdadrama lang 'yan!"

"Bitiwan mo 'ko!"

"Huwag ka ngang maarte!"

"Ah!" Napangiwi ito nang dumiin ang kamay na nakasabunot sa kanyang buhok, "Bitiwan mo 'ko!"

"Tumahimik ka!"

Nanlaban si Ayesha. Pilit nitong inaagaw ang patalim na nakatutok sa kanya.

Gusto sanang umawat ni Aiza, ngunit nawalan na ito ng lakas para tumayo. "Tama na!"
Nagpatuloy ang pag-aagawan ng dalawa sa kutsilyo hanggang duguan bumagsak si Ayesha.

"Shaaaaaaa!"

Nanginig ang nanghihinang katawan ni Aiza nang makita ang paghahabol nang hininga ng kapatid na nakahawak sa ibabang dibdib. Pagapang at luhaan niya itong tinungo.

"A-at...e..."

"Sha! Tulongggggg!"

"Masa...kit, ate!"

"Ssshhhh! Dadalhin ka namin sa ospital!"

Tinangkang tumakas ni Rico, ngunit naharang ito nang ilang kapitbahay na kanina pa nakakarinig ng sigawan.

"Tulongggg!"

"A-a...te, kapag na...ma...t-tay ako...p-puwe...de..."

"Huwag ka na munang magsalita," itinakip nito ang dalawang kamay sa sugat ng kapatid upang maampat dito ang pagdurugo. "Kaya mo 'yan! Isipin mo na isang dipa ka na lang para sa una mong pangarap!"

Napangiti si Ayesha. "Ka...p-pag hin...di na ako nak-kahak...bang, puwe...de mo b-bang tupa...rin ang m-mga panga...rap ko?"

Sumaklolo na ang ilan sa mga rumisponde. "Dalhin na natin siya sa ospital!"

Naramdaman ni Aiza ang mahigpit na paghawak sa kanya ng kapatid na tila ayaw humiwalay sa kanya.

"Manga...k-ko ka mu...na, ate!"

"Magkasama nating tutuparin ang mga pangarap mo, Sha. Sasamahan kita. Pangako!"
Kasunod nang pagbitiw ni Aiza sa huling kataga ay ang pagbagsak ng kamay na nakahawak sa kanyang braso.

"ANAK?"

Lumakas ang paghagulhol ni Aiza na nakaluhod sa harap ng puntod nang namayapang kapatid dahil sa narinig na tinig mula sa likuran. Hindi ito lumingon, bagkus ay ikinubli nito ang luhaang mukha sa mga palad.

Tatlong linggo rin siyang naratay sa ospital nang magkaroon ng mga komplikasyon ang pagkaagas ng sanggol sa kanyang sinapupunan. Hindi na siya nakapunta sa libing ni Ayesha. Hindi na niya ito nakita pa kahit sa huling pagkakataon.

Nakakulong na si Rico, pero hindi hustisya ang magpapagaan sa kanyang nararamdaman. Wala nang sakit na hihigit pa sa sabay na pagkawala ng anak at kapatid na nalagutan nang hininga sa mismong mga bisig niya.

"Sana ako na lang! Puwede namang ako na lang!"

Sa halip na magsalita ay itinayo ni Delfin ang anak at mahigpit itong niyakap. Tama nang nawalan siya ng isa, kasalanan din naman niya ang nangyari. Hindi pagtanim ng galit ang papawi sa sugat na nilikha nang mga maling desisyon.

"Sorry, Papa!"

Dumaan lang ang mag-asawa sa puntod ng bunsong anak para mag-alay ng bulaklak at kandila bago tumungo sa paaralan kung saan ay dadalo sila nang graduation ceremony. Hindi nila inaasahan na madadatnan dito ang kanilang panganay na nanunuluyan ngayon sa bahay nang isang tiyahin matapos nitong lumabas ng ospital. Marahil ang pagtatagpong ito ay daan na upang alisin ang harang na pumapagitna sa kanila.

"Kung hinabaan ko pa sana ang pag-unawa ko, hindi hahantong sa ganito ang lahat."

"Huwag na tayong magsisihan," wika ni Auring. Ibinaba nito ang tangan na bulaklak sa ibabaw ng puting nitso at nagsindi dito ng kandila. "Magiging masaya at tahimik lang si Ayesha kung makikita niyang magkakasama tayo sa pagharap sa panibagong buhay. "

Taimtim na nagdasal ang pamilya. Kahit papaano ay gumaan ang bigat sa kanilang dibdib. Nalagasan man sila nang mahal sa buhay, importante na may natutunan silang aral dito.
"Umalis na tayo," pagyaya ni Delfin na sinipat ang suot na relo. "Malapit nang magsimula ang programa, nakakahiya naman kung paghihintayin natin sila."

Hindi humiwalay si Aiza sa ama. Nanatili itong nakayakap sa tagiliran nito hanggang lisanin nila ang lugar.

"SA aking kapwa mag-aaral, pinagpipitagang mga guro, minamahal naming punong-guro, at lahat nang narito...isang malungkot na araw sainyo!"

Sinundan ni Sheena nang bahagyang pagyukod ang pagbati. Pigil nito ang emosyon maging ang luha na kanina pa nagbabanta sa kanyang mga mata. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na wala na ang matalik niyang kaibigan.

"Marahil ay ito na yata ang kakaibang pagtatapos na wala ang taong tumayo rin sana ngayon sainyong harapan at tumanggap ng mga parangal."

Karamihan nang naroon ay nadako ang tingin sa unahang upuan kung saan ay bakante ito. At sa halip na isang nakangiting estudyante ay mga bulaklak ang nakapalibot dito.

"Hindi lang matalik na kaibigan ang ginampanang papel sa akin ni Ayesha kundi kapatid, karamay, tagapayo. Pinapalakas niya lagi ang loob ko sa mga panahong nawawalan ako ng pag-asa dahil sa kahirapan. Nagsilbi siyang inspirasyon sa akin upang magsikap at magsipag sa pag-aaral. Sabay kaming nangarap at nangakong aabutin 'yun."

Ilang mag-aaral at guro na malapit sa pumanaw ang hindi napigilang lumuha.

"Ayon kay Ayesha ang edukasyon ay hindi lamang susi para sa magandang kinabukasan. Marami ang nagtapos sa pag-aaral na hindi nagtagumpay sa buhay. Education on her own definition is happiness."

Napuno ng malakas na palakpakan ang paligid. Hinintay muna ni Sheena na tumahimik bago nito itinuloy ang pagsasalita.

"Sa bawat pagtatapos ay hindi lang kapwa ko mag-aaral ang masaya kundi higit ang mga guro na matiyagang nagturo sa amin, punong-guro na walang sawang gumabay, at magulang na nagsakripisyo." Hinubad nito ang sombrero ng toga at itinapat sa dibdib. "I, Sheena May Arevalo, Salutatorian of this thirty-first commencement will continue to aim for more happiness. At walang kahirapan ang hahadlang sa akin upang maabot ang mga pangarap ko sa buhay."

Muling sumigabo ang palakpak mula sa mga tao na tumayo pa sa kanilang upuan.

"Sa araw na ito, lilisan tayo sa paaralang naging tahanan natin sa loob nang apat na taon. Yet saying farewell to our dear Alma Mater will not put an end sa pagkakaibigan at samahang nabuo dito. Let's inspired people and make our school proud!"

Karamihan sa mga estudyante ay naghiyawan. Ang ilan ay naghagis pa nang kani-kanilang sombrero sa ere habang pinili ng iba na kumaway sa kinaroroonan ng mga magulang.

"To our teachers, headmaster, parents, friends, guests, thank you for making our high school life more colorful and meaningful. Ayesha..." Tumingin ito sa direksyon ng malaking tarpaulin kung saan ay narito ang nakangiting larawan ng taong nagbigay inspirasyon sa kanya, "Maraming salamat sa masasaya at magagandang alaala."

Sa pagkakataong iyon ay hindi na napigil ni Sheena ang pag-iyak.

"Mananatili kitang bestfriend, forever and ever!"



***W A K A S***



No comments:

Post a Comment