Dangal, Ipagbibili Kita by Angel White

Chapter 8


“Basta kapag kailangan mo ang tulong ko ay nandito lang ako, Mia,” pilit pa ring pangongonsola sa kanya ni Mike.

Bago pa makatugon si Mia ay muling tumunog ang cellphone niya.   Nanginginig ang kamay na kinuha niya
iyon.  Muli ay walang numerong rumehistro doon. Mabilis niyang pinindot ang answer button.

“H-Hello?” bagaman halos paos na ang boses niya sa pag-iyak  ay nagmamadaling sagot niya sa pag-aakalang galing muli ang tawag sa Saudi at may balita muli tungkol sa kanyang ama.  Sa halip ay boses ni Jake ang bumungad sa kanya.

“Mia?  Si Jake ‘to,” pagpapakilala ng lalaki.

“Jake!” bahagyang nakalma ang kalooban niya nang mapagsino ang lalaki. “Kamusta na?”  Kunot-noo namang nakatingin sa kanya si Mike.  Waring may nais itong itanong ngunit hinayaan muna siyang matapos sa pakikipag-usap. 

“Are you okay, Mia?” dinig niya ang pag-aalala sa boses ni Jake sa kabilang-linya.  “Garalgal kasi ang boses mo.  Have you been crying? May sakit ka ba?”

“W-Wala ‘to,” pagkakaila niya. “Medyo napagod lang ako sa trabaho.  Ikaw, kamusta ka na diyan? Mabuti naman napatawag ka.”

Napabuntunghininga ang lalaki.  “Ayoko nga sanang gambalain ka Mia, pero may problema kasi ako ngayon.”

Muling binundol ng kaba ang dibdib ni Mia sa narinig.  Tila may nagbubulong sa isip niya na somehow ay may kinalaman iyon sa perang inutang niya kay Jake.

“W-What is it, Jake?” halos hindi iyon naglagos sa kanyang lalamunan.

“I don’t know how to tell you this, but I’m really in a difficult situation right now, Mia,” tila may pag-aalinlangang wika ni Jake. “Medyo tagilid ang business namin ngayon dito…at m-malapit na siyang ma-bankrupt.”

Hindi naman agad nakahuma si Mia sa kabiglaanan.

"Mia, are you still there?" paniniyak ni Jake nang matagal siyang hindi nakasagot.

"Y-Yes, Jake,” aniya nang makabawi sa shock.    “I’m still here.  Bakit nagkaganon?  Anong nangyari?”

"It’s hard to explain.  Halu-halo na rin ang naging dahilan.  Mismanagement, lack of funds—” marahas na napabuntunghininga ang lalaki.  “Look Mia,  what I’m really trying to say is, kailangan ko ng pera ngayon.  B-baka puwede mo nang isoli ‘yung nahiram mo sa akin?”

“Jake…” Napapikit si Mia at mariing nakagat ang labi.  Pinigil niya ang luhang nais na namang sumungaw sa kanyang mga mata.  Sinasabi na nga ba niya.  Mahigpit namang napakapit si Mike sa kanyang balikat nang makita ang itsura niya.

“I’m really sorry, Mia,” hirap ang kaloobang wika ni Jake.  “Wala na rin kasi akong maisip na ibang paraan kaya napilitan na akong tawagan ka.”

"I understand,  Jake," marahan siyang napatango kahit hindi nakikita ng kausap.  “Sa ngayon, hindi ko rin alam kung
saan ako kukuha ng pera para mabayaran ka.  Pero huwag kang mag-alala, hahanapan ko ng paraan."

Muli ang malalim na pagbuntunghininga ng lalaki. "Thanks, Mia and I’m really, really sorry for this. It’s just that, mahirap talagang mamuhay dito sa Amerika kung wala kang pera.  Kung wala kang puhunan.  Kailangan ko ‘yung pera para makabawi at makapagsimula ako muli.  I needed it badly right now. I hope you understand."

"It is okay, Jake.  I-I understand."

" I have to go now.”

"Okay,  Jake," wala nang maapuhap na sabi niya.

"Bye, Mia."

“B-bye.”

Nang masigurong wala na ang kausap sa kabilang linya ay saka niya pinakawalan ang luhang kanina pa pinipigilan. 
Hindi niya alam kung paano haharapin ang sala-salabat na problemang kinahaharap.  Nakulong na ang kanyang ama at ngayon nama’y sinisingil na siyang bigla ni Jake sa pagkakautang niya.

Awang-awa naman si Mike sa kanya.  Hindi na siya nakatutol nang mahigpit siyang yakapin ng lalaki.  May ilang sandaling patuloy siyang umiyak sa malapad nitong dibdib habang marahang hinahagod ng lalaki ang kanyang likod.   

Siya na rin ang kusang humiwalay nang matiyak niyang okey na ang pakiramdam niya.

"What happened now, Mia?" puno ng concern na wika ni Mike.  “Sino ba ‘yung tumawag sa ‘yo?  Tungkol pa rin ba iyon sa tatay mo sa Saudi?”

"H-hindi, Mike,” iling niya.   “Si  Jake ang tumawag sa akin.”

"Sino si Jake?  At bakit ka muling umiyak?"

Sa pagitan ng paghikbi ay isinalaysay ni Mia kay Mike ang lahat-lahat ng tungkol sa naging usapan nila ni Jake. 
Pagkatapos ng kanyang pagsisiwalat ay nahulog naman sa malalim na pag-iisip si Mike.

“Ano ba ang sabi sa ‘yo ni Jake?” pagkuwa’y basag ni Mike sa katahimikang namayani sa kanila.

“He said he needed the money as soon as possible dahil na-bankrupt nga ang business nila.”

“Hindi ka man lang niya binigyan ng palugit? Kahit isang buwan man lang para makahanap o makalikom ng perang ibabayad sa kanya?”

Marahan siyang napailing. "He said he needed it badly.  H-hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pambayad kay Jake. Malaki-laki rin iyon at mahihirapan akong buuin agad iyon.”  Pagkuwa’y mataman siyang napatingin sa lalaki. 
Nagulat pa si Mike nang bigla niyang gagapin ang palad nito. "Tulungan mo akong makahanap ng pera,  Mike. Please.  Kahit ano, gagawin ko.  Kahit ano at ilan pang trabaho, kakayanin ko. Kahit dangal ko, handa kong ipagbili para matulungan ko ang pamilya ko."

"Mia!" gulantang namang wika ni Mike.  Waring hindi ito makapaniwala sa naging pahayag niya.

"I’m desperate, Mike!” luhaan na naman niyang sabi.  “Gagawin ko lahat para sa pamilya ko dahil ayoko silang makitang naghihirap at nagdurusa. Tulungan mo akong maghanap ng lalaking mayaman na handang bumili ng dangal ko.   Para maisalba ko ang ama ko at mabayaran ko rin si Jake.  Please Mike, alam kong marami kang kakilala."

"Pero Mia, hindi iyon ang tanging solusyon,” tanggi ni Mike.  “Bakit mo ipagbibili ang dangal mo kung may iba pa namang paraan."

"Ano pa bang paraan, Mike?” histerikal na niyang sabi. “Wala nang ibang paraan! At alam kong wala nang ibang taong tutulong pa sa akin.  Nagmamakaawa ako sa harapan mo, Mike, please tulungan mo ako! K-kung ayaw mo akong ihanap ng taong bibili sa dangal ko… sa ‘yo ko na ipagbibili, makalaya lang ang ama ko at mabayaran si Jake."

Napatiim-bagang si Mike. "Pag-isipan mo muna ang lahat,  Mia."  

"Ano pa ba  dapat ang pag-iisipan, Mike? W-wala na.  Kaya kahit malungi ang puri ko, kung  ang kapalit naman niyo’y mabubuong muli ang pamilya ko ay papayag ako, Mike.”

"Look, pahihiramin na lang kita ng pera, Mia.  At tutulungan ko din ang ama mo. Wala akong hihilingin sa ‘yong kapalit.”

"Tutulungan mo ako at wala kang hihilinging kapalit? Puwede ba ‘yun, Mike?" napapantastikuhang wika niya.

"Bayaran mo na lang ako kapag may pera ka na."

"Kelan pa ‘yun, Mike?” nakayuko niyang turan.  “Isa pa’y ‘yan din ang sinabi sa akin ni Jake noon. Tignan mo ang naging kalagayan ko ngayon."

"Mia…"

"Am I not beautiful and worthy enough Mike, kaya nire-reject mo ako?"

"It’s not like that!” inis nang turan ni Mike.  “Hindi lang maganda sa isang tulad mong disenteng babae na ibenta ang kanyang sarili."

"Mike, kung hindi mo ako hihingan ng kapalit sa tulong na inaalok mo ay maghahanap na lang ako ng iba,” seryoso niyang pahayag.  “Dati, ang usapan namin ni Jake ay babayaran ko siya after two years at kapag di ko nabayaran ay magpapakasal ako sa kanya. Kaya nga tinanggap ko ang trabahong ito para makapag-ipon ako kahit papaano.  Ngayon naiipit ako, Mike. Wala na akong ibang alam na paraan kung saan ako kukuha kundi ipagbili ang dangal ko sana sa ‘yo pero dahil ayaw mo—”

"Okay,  fine! Fine!” tila sumusuko na ring wika ni Mike.   “You’re so stubborn and stupid.  Kung iyan ang gusto mo, bahala ka. Ayoko din namang mapunta ka sa iba at baka ibenta ka kung kaninong tao. Stay with me and tomorrow padadalhan natin si Jake ng pera. At kokontak naman ako ng tao na puwedeng tumulong sa atin tungkol sa ama mo.  We will put these all in black and white para malinaw at legal.  Para wala kang magiging pangamba.  But I will have my own conditions too, regarding our would-be set-up. "

"Anong kundisyon? Sabihin mo lang  at handa akong gawin lahat.  Kahit maging katulong mo o kahit ano pang ipapagawa mo sa akin, gagawin ko.”

"Ang kundisyon ko Mia, una, ‘wag mo nang balikan si Brent.  That boyfriend of yours is no good for you.”

Napatanga siya.  Hindi niya akalaing pati si Brent ay masasama at mauungkat sa usapan nilang iyon.  Pero dahil iyon nga ang gusto ni Mike ay sumang-ayon na lamang siya.  “O-okay.”

 “Pangalawa, kapag nabayaran mo na si Jake ay magpalit ka na rin ng number para hindi ka na matunton ng Brent na iyon. You will still stay here at aalagaan mo pa rin ang tito ko.  Pero tatanggap ka pa rin ng sahod para roon.”

“Pero hindi naman na kailangang bayaran mo pa ako.  ‘Yung tulong mo lang ay sapat na—”

“Those are my conditions,” putol ni Mike sa pagtutol niya.   “And from now on, you will act as my loving wife.   Magkatabi tayong matutulog at kung kailan ko gustong angkinin ka,  hindi mo ako maaring tutulan. Iba akong magalit,  Mia,” walang kakurap-kurap na sabi ni Mike. "Susundin mo lahat ng nais ko.  Iyan ang gusto mo, hindi ba?"

Napayuko na lamang siya.  "Y-yes, Mike. Gagawin ko lahat iyon.  Ang tanging pakiusap ko lang ay sana tayong dalawa lang ang nakaaalam nito.  Ayokong malaman ng pamilya ko ang ginawa ko.”  

"Don't worry, Mia. Palalabasin na lang natin sa kanila na magkasintahan tayo."

Hindi na siya kumibo.  Tutal ay simula ngayon, si Mike na ang masusunod sa lahat-lahat.

"Kung okay na sa iyo ang lahat, you can go to your room now.  I'll follow you there in a while."

Maang na lumipad ang tingin niya sa mukha ng lalaki.  Pero saglit lang at binawi na rin niya ang tingin. “S-sige,” ang tangi niyang nasabi nang humakbang palayo rito.

Abut-abot ang kaba niya habang naglalakad patungo sa kanyang silid. Ngayon na ba kukunin ni Mike ang ‘kabayaran’ sa tulong na ibibigay nito?

Pakiramdam niya’y hindi pa siya handa.  Isa pa’y kailangan muna niyang makasigurong magagawan nga ng paraan ng lalaki na makalaya ang ama at mabayaran si Jake bago niya tuluyang ibigay ang sarili dito.  Puno ng agam-agam na pumasok na siya sa kanyang kuwarto.

No comments:

Post a Comment