Accidental Lovers by Friah Anne


Chapter 2


KINABUKASAN ay muling tumawag sa kanya si Jashley.   Napagkasunduan nilang sa MOA sila magkikita nito at pahapyaw ay naikuwento na rin niya ang balak na umuwi ng Bicol.

“Sige bakla, mamaya na natin uli pag-usapan ‘yan,” wika ni Jashley pagkatapos niyang magkuwento.  “Basta kita na lang tayo sa foodcourt, ha? Ite-text kita ‘pag nandoon na ako.”

“Bakla, bilisan mo, ha?” paniniguro niya rito.  “Baka mamaya, paghintayin mo na naman ako ng ilang oras.  Alam mo naman, legendary ‘yang pagiging latecomer mo.”

Natawa nang malakas si Jashley.  “Oo na.  O sige na, bye na muna para makapag-ayos na ako.  See you later.”

Nang maputol na ang pag-uusap nila ay naghanda na rin siya.  Mabilis siyang nakapaligo at nakabihis.  Wala pang isang oras ay naiparada na niya ang kotse niya sa parking lot ng MOA.  Bago bumaba ng sasakyan ay tinext niya si Jashley upang tanungin kung nasaan na ito.  Napailing siya nang mag-reply ito at sabihing on the way pa lamang ito.  Paghihintayin na naman siya ng kaibigan.

Napilitan na siyang pumasok ng MOA at nagpalibut-libot na lamang muna habang hinihintay si Jashley.

Nang mapagod sa kakaikot sa loob ng mall ay napagpasyahan niyang pumunta na ng foodcourt.  Itinext niyang muli si Jashley para sabihing dumiretso na nga ito sa foodcourt at naroon na siya.  

Dahil ayaw pa niyang kumain habang wala pa ang kaibigan ay bumili na lamang muna siya ng maiinom at inuhaw siya sa paglalakad.  Naengganyo siyang bumili ng sago’t gulaman sa isang food stall na nakakatuwa ang pangalan dahil tinutukoy nito ang mga taong healthy na bagay ang tema dahil nga pagkain ang negosyo ng mga ito.

“Malikhain talaga ang mga pinoy,” nangingiting bulong ni Krisha na nakatingin pa rin sa signage ng food stall habang naglalakad palayo para humanap ng mesang maookupa.  

Dahil  ang atensiyon niya ay nasa food stall pa rin ay huli na nang mamalayan niyang may maliit na partition wall kung saan may mga nakatanim na dekorasyong halaman sa dadaanan niya. Bumangga ang katawan niya roon at napahiyaw siya nang dire-diretsong tumapon ang laman ng inuming hawak niya sa lalaking nakaupo sa isa sa mga tables roon.

“Shit!” sigaw ng lalaki na napatayo sa kabiglaanan.  “What the hell?” galit na napalingon ito sa kinaroroonan niya.  Kahit naliligo ito ngayon sa sago’t gulaman at madilim na madilim ang anyo sa pagkakatingin sa kanya ay hindi makakaila ang kaguwapuhan at mataas na personalidad na taglay nito.

Awang ang mga labi na hindi malaman ni Krisha kung paano hihingi ng paumanhin sa lalaki.  “Naku, mister, hindi ko sinasadya—”

“Tatanga-tanga ka kasi! Hindi ka tumitingin sa nilalakaran mo. Alam mo bang may importanteng meeting pa ako ngayon!” singhal nito nang dumukot ng panyo sa bulsa at inumpisahang alisin ang sago at gulaman sa ulo at damit nito. 

“I’m really sorry, mister,” hindi magkandatutong hingi niya ng diskargo dito. “Kung gusto mo, ako na lang ang
magbabayad ng pang-laundry ng damit mo—”

“Don’t bother!  Hindi ko na rin naman na ito magagamit!  Please lang, sa susunod, gamitin mo naman ang utak mo.  Nasa public place ka. You should be careful para hindi ka nakakaistorbo at nakakaperwisyo ng ibang tao,” litanya nito sa kanya na tila isa siyang kuto sa paningin nito at gustong-gustong tirisin sa inis.

“Grabe ka naman magsalita!”  inis na rin niyang sabi lalo’t pinagtitinginan na sila ng mga tao.  Pakiramdam niya’y masyado na nitong minaliit ang pagkatao niya. “Hindi ko naman sinasadya at—”

Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil tinalikuran na siya at iniwan ng aroganteng lalaki.
Walang magawang inis  na sinundan na lamang niya ito ng tingin.  Aminado naman siyang kasalanan niya kaya humihingi nga siya ng paumanhin and yet sobra-sobra naman ang tinanggap niyang masasakit na salita mula rito na tila siya na ang pinakatangang tao sa buong mundo.

“Friend, anong nangyari?” humahangos na napadalo si Jashley sa kanya.  Nasa foodcourt na rin pala ito at nasaksihan ang pangyayari.

“Ayun,” nanggagalaiti pa ring sabi niya nang inguso ang papalayong lalaki.  “Natapunan ko lang naman ng sago’t gulaman ‘yung lalaking ‘yun na saksakan nang yabang at sungit!”

“Kaya pala mukhang galit na galit sa mundo, eh!” ani Jashley nang lingunin ang lalaki.

“Hayan mo na, mabuti na rin yon sa kanya at mukhang ipinaglihi yata ‘yon sa sama ng loob.”

“Halika na nga,” aya sa kanya ni Jashley.   “Lumipat na lang tayo sa ibang place at pinagtitinginan na tayo rito.”

“Mabuti pa nga,” nakasimangot na aniya nang magpatiuna nang maglakad.  “Bakit ba kasi ang tagal mo?”

“Sorry, kasi sobrang traffic talaga.”

Sa Bistro Ravioli na nasa ground floor ng MOA sila lumipat.  Umorder agad sila ng Quattro Formaggi Pizza, tig-isang Mushroom Ravioli at Red Iced Tea.

“In fairness friend ha, ang guwapo ‘nung mamang nabuhusan mo ng sago,” ani Jashley nang kumakain na sila.

“Ano?  Paanong naging guwapo ‘yun eh mukhang dragon na nag-uumusok ang ilong sa galit,” kunwari’y sabi niya ngunit ang totoo’y aminado siyang guwapo talaga ang lalaki. Sayang nga lamang at napakayabang at sama ng ugali.

“Eh ikaw ba naman paliguan ng sago’t gulaman kundi mag-usok ang ilong mo sa galit,” sinabayan iyon ng bungisngis ng kaibigan.

“Heh!” irap niya rito bago sumimsim ng iced tea.   “Hindi ko naman sinasadya ‘yun.  Isa pa, nag-sorry naman ako sa kanya, ‘no?  Ayaw lang tanggapin ng hambog na ‘yon ang apology ko.  Ay naku, Jash, change topic na at naba-bad trip lang talaga ako.”

“O siya, o siya.  Chill ka lang.  Anyway, kailan ka nga uuwi ng Bicol?”

“Maybe this weekend. Magpapaalam muna ako sa publication.”

“Oo tama ‘yun at baka mawindang ang office ‘nyo sa kahahagilap kung saan nagpunta ang best-selling writer nila, ‘no?” ani Jashley bago sumubo ng pizza.  “Sayang, gusto ko sana sumama sa ‘yo, kaso, marami pa akong inaasikaso.”

“Eh di kung kaya mong humabol, di humabol ka na lang.  Tutal ay isang linggo ako roon.”

“Sige, I’ll try.”

Pagkakain ay nag-aya na ang kaibigan na muling mamasyal sa loob ng mall.  Namili ito ng ilang gamit at pagkatapos ay nag-aya itong manood ng sine. Gabi na nang maghiwalay sila ni Jashley.  Kaya naman pagdating ng bahay ay pagod na pagod siya at agad na nakatulog.


THE next day ay maaga siyang gumising at nagpunta sa kanilang publication para magpaalam.   Pinayagan naman siya ng kanyang editor sa kasunduang maisa-submit pa rin niya sa nakatakdang deadline ang manuscript niya.

Hindi pa man ay nae-excite na rin si Krisha.  Ang balak niya ay huwag sabihan ang Kuya Andrew niya at surpresahin ito. 

Bago umuwi ay dumaan muna siya sa grocery para makapamili na ng dadalhin at baon na rin niya sa pagbiyahe niya pauwi ng Bicol.

Halos mapuno na ang cart na hila-hila niya nang tumigil muna siya at nag-isip kung ano pa ang nakalimutang bilhin.  Nasulyapan niya ang nag-iisa na lamang na paboritong Sour Cream and Onion Pringles. Akmang aabutin na niya iyon nang may isang mas malaking kamay na nakasabay siyang humawak roon. Hinila niya ang lalagyan ng Pringles upang iparamdam na nauna na siya roon. Pero tila ayaw magpatalo na kung sinong herodes na nakikipag-unahan sa kanyang makuha iyon.

“Excuse me! Nauna ako sa ‘yo—” hindi niya naituloy ang sasabihin nang matitigan ang mukha ng taong kaharap at kaagaw sa junkfood.   Pamilyar ito sa kanya pero hindi niya maalala kung saan ito nakita or nakilala.

“Oops, ako ang unang nakaabot nito, miss,” nakangising wika sa kanya ng lalaki.
Saka pa lamang niya naalala kung saan ito nakita.   Ito ang lalaking hambog na nabuhusan niya ng sago’t guluman noong isang araw.

Kapag minamalas ka nga naman, oo, inis na aniya sa sarili nang maalala ang pangyayari.   Pero this time, hindi siya papa-intimidate sa hambog na ito.   Hindi siya patatalo rito lalo’t paborito pa naman niya ang hawak nilang junk food at siya naman talaga ang nauna roon.

Inihanda niya ang sarili at ubod lakas na inagaw mula rito ang Pringles.   Pero nagkamali siya sa ginawa dahil walang kahirap-hirap na nakuha niya iyon sa lalaki.   Na-out-of-balance siya at huli na para maagapan niya ang sarili.

Napangiwi siya sa sakit nang tumama ang likod niya sa estante.  Pagbagsak niya sa sahig ay sunod-sunod ding nagsihulugan sa kanya ang mga items na nasa estante.  Hindi na siya nakakilos at napapikit na lamang nang makitang pabagsak na rin ang estante sa kinaroroonan niya.

One, two, three…!  Hinintay niya ang pagdagan ng estante sa kanyang katawan.  Pero wala siyang naramdamang bumagsak na mabigat na bagay sa kanya.

Hindi kaya patay na ako kaya wala na akong maramdaman? tanong niya sa sarili.

“Hoy miss, wala ka pa bang planong tumayo riyan?” singhal ng lalaki sa kanya.

Dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata.

“Buhay pa ba ako?” hindi makapaniwalang sabi niya.

“Oo, buhay ka pa! Pasalamat ka at nasalo ko agad itong estante!”

Pagtingin niya sa lalaki ay itinatayo at inaayos nga nito ang estante na dapat ay babagsak sa kanya.   Parang walang
kahirap-hirap nitong inayos iyon na tila hindi alintana ang bigat.

“Tumayo ka na nga diyan,” sabi nito nang balingan siya at agapang itayo.  Kahit alam niyang inis ito ay ramdam naman niya ang pag-iingat nito sa pag-alalay sa kanya. Marahil ay nag-aalala din ito na baka mas madagdagan pa ang sakit na nadarama niya.  Kahit papaano ay na-touched naman siya sa akto nito.

“Okey ka na?” tanong nito nang bitawan na siya.

Tumango siya. “O-oo.  Salamat.”

 “Ang kulit mo kasi.  Sabi ko sa ‘yo di ba, sa susunod, eh mag-ingat ka.Alam mo  bang nang magbuhos ang langit ng kamalasan at katangahan, sinalo mong lahat!  Makaalis na nga at nadadamay pa ako sa mga kamalasan mo.”  Iyon lamang at nilayasan na siya ng lalaki.

“Naku, ang hambog talaga ng lalaking ‘yun!” waring nabalik ang inis na bulalas niya.  Ngani-ngani niyang habulin ito at batukan nang pauli-ulit kundi lang masakit ang katawan niya.

Iinut-inot na inayos niya ang dalang cart at naglakad na papuntang counter.  Nang mabayaran ang pinamili ay dali-dali na siyang lumabas ng grocery sa pangambang magkrus pang muli ang landas nila ng lalaki.  Kapag nakikita niya ang lalaki ay kung anu-anong kamalasan ang natatamo niya.

Nasa may parking lot na siya at inilalagay ang mga pinamili sa likod ng kotse niya nang may pumaradang kotse sa gilid niya at bumusina.  Nanlaki ang mata niya nang makitang ang hambog na lalaki iyon at tila nang-aasar na ipinakita nito ang Pringles bago sumibad palayo.

“Ahhhh….!” Sa sobrang gigil ay naihiyaw na lamang niya.

 Humanda sa akin ang hambog na iyon!   Oras na magtagpo uli ang landas namin, lintik lang ang walang ganti, saisip-isip niya.

No comments:

Post a Comment