Teaser :
Nagmahal.. Iniwan.. Nasaktan.. Ang mas masakit pa, iniwan si Mica ng kanyang kasintahan habang nagdadalang tao. Dahil dito'y itinakwil siya ng mga magulang niya na ang tanging inintindi ay ang sasabihin ng mga tao.
Sa mga oras na kailangan niya ng karamay, tanging ang bata sa sinapupunan niya ang nagsilbi niyang dahilan para lumaban. Mula noo'y mag-isa niyang itinaguyod ang anak at isinarado ang puso sa sinumang lalaking mangahas pumasok dito. Itinuon niya ang lahat ng panahon para magiging kinabukasan nila ng anak niya.
Ngayon, sa edad na kwarenta, makaramdam na kaya siya ng tunay na ligaya sa pagdating ng isang estranghero? Paano kaya mapapaamo ng binatang kaedad lamang ng kanyang anak ang puso niyang tila nalimot na ang salitang pagmamahal?
CHAPTER 1
KASALUKUYANG nasa gilid ng tulay ng San Juanico si Mica. Matama niyang minamasdan ang paglubog ng araw habang niyayakap siya ng preskong hangin na nagmumula sa karagatan. Madalas siyang tumigil dito kapag maagang nakakauwi galing sa opisina para makapag-isip at tanawin ang napakagandang picturesque ng lugar.
"Alvin ano na'ng gagawin natin?" alalang tanong ni Mica sa nobyo matapos aminin ditong siya'y nagdadalang tao. Ang totoo'y natatakot siya sa magiging reaksyon ng kanyang mga magulang. Pero sa ngayon, gusto niyang palakasin ng nobyo ang kanyang loob at marinig mula sa bibig nito na paninindigan nito ang batang dinadala niya.
"Hindi ko alam Mica. Ayaw ko pang maging ama!" iritableng tugon ni Alvin. Halos gumuho naman ang mundo ni Mica sa narinig. Doon palang ay alam na niyang wala itong balak panagutan ang dinadala niya.
"Ano kaya kung ipalaglag natin?" suhestiyon pa nito na lalong ikinasama ng kanyang loob. Kung alam lang ni Mica na sa ganito lang mauuwi ang lahat ay hindi sana siya nagpadala sa mabubulaklak na salita nito.
'Yon na ang naging huling pag-uusap nina Mica at Alvin dahil hindi nagpakita kay Mica ang kasintahan. Bukod dito, katakot-takot na sama ng loob pa ang tinamo niya mula sa sariling ama.
"Nakakahiya ka!" nanlilisik sa galit na sabi ng ama ni Mica pagkatapos siyang bigyan ng napakalakas na sampal.
"A slut like you has no place in this family!" panduduro pa nito sa anak.
Mag-isang sinalo ni Mica ang galit nito. Wala namang magawa ang mommy at mga kapatid niya dahil pare-parehong takot ito dito. Sa araw-araw na lumipas ay wala itong ginawa kundi manumbat at ipaalala sa kanya ang nagawang pagkakamali.
"Hindi ako nagsisising umalis ako sa puder n'yo." nagngangalit na saad ni Mica matapos maalala ang lumipas. Tuluyan namang dumaloy sa mga mata niya ang mga luhang pilit niyang pinipigilan. Akala niya'y tila isang sugat ang nakaraan na paglipas ng panahon ay unti-unting maghihilom at kusa nalang mawawala. Pero ang sugat pala na iniwan sa kanya'y malalim at magdudulot pa rin ng sakit sa taglamig.
Akma siyang umayos ng upo sa bakod ng tulay nang may sumigaw sa kanya.
"Miss wag kang tatalon please!" pigil ng isang lalaking nakahelmet na mabilis na bumababa sa motorsiklo nito. Tinapunan naman niya ng isang masamang tingin ang estranghero. Tumambad kay Mica ang binatilyong tila isang action star sa pelikula. Napakakisig nito sa suot na itim na jacket at hapit na hapit na pantalon dahil sa malaman nitong binti at hita. Dahil dito'y tila biglang nabago ang kaninang malungkot na mood niya.
"Ang OA naman nito. Umiiyak lang sa tulay tatalon na?" bulong ni Mica sa sarili.
"Miss kung may problema ka pag-usapan natin yan!" tarantang sabi nito pagkahubad ng suot na helmet. Hindi naman maiwasang mapalunok ni Mica nang makita ang maamong mukha ng binatilyo na binagayan ng makakapal nitong kilay at namumulang labi.
May kung anong kapilyahan tuloy na naisip ang dalaga. Natuwa kasi siya sa kainosentehan ng mukha ng binata at sa pagkataranta nito.
"Hindi! Sawa na ko sa buhay ko. Gusto ko ng mamatay." biglang pagdadrama niya sabay akmang sasampa sa harang ng tulay. Lalo namang nagpanic ang binata sa harap niya.
"Miss please ano ba ang problema mo? Baka matulungan kita."
"Lahat nalang sila iniwan ako." himutok niya kunwari. "Boyfriend ang kailangan ko. Bakit, pwede ka ba?"
Napatahimik ang binata at nag-isip.
"Kita mo na? Pati ikaw ayaw mo sa'kin. Tatalon na talaga ko." pumorma si Mica na hahakbang muli.
"Oo na! Wag ka lang tumalon." pilit na sagot ng kausap.
"Talaga?"
"Oo na. Kaya please, bumaba ka na dyan."
Dahan-dahang lumapit ang binata sa kanya. Tuwang-tuwa naman si Mica sa isip niya. Naaalala niya sa binatang kaharap ang kainosentehan niya non kaya siya madaling nagmahal at niloko.
Inalalayan siyang bumaba nito nang bigla siyang madulas.
"Owmaygash! Please help! Ayaw ko pang mamatay!" tili niya habang nakakapit sa bisig ng binata. Mabilis namang nakuha nito ang kamay niya at dahan-dahan siyang inangat. Napayakap naman ang binata sa maliit na bewang nito dahil sa pagkabigla.
"Grabe, kala ko mamamatay na 'ko." lalo pang humigpit ang yakap ni Mica without realizing na na-o-awkward na ang kasama. Tila nakaramdam naman ng ibayong kaba ang binata na ngayon lang niya naramdaman, Naitulak naman itong bigla ni Mica nang matauhan sa ginawa niya.
"Ako nga pala si Erwin." pagpapakilala nito pagkatapos ay ngumiti ng pagkatamis-tamis. Hindi naman mapakali si Mica sa mas malapit na imaheng kanyang nakikita. Ngayon lang niya napuna ang mapupungay na mata at pantay-pantay na ngipin ng binata sa harap niya.
Hindi naman pahuhuli si Mica dahil likas na maganda ito at maalaga sa katawan. Aakalain mong siya'y nasa early 20's pa lang.
Walang siyang intensyon na makipagkilala kay Erwin. Balak lang talaga niya na biruin ito kanina kaya dali-dali siyang umalis at pinahururot ang kanyang kotse. Palaisipan naman kay Erwin ang biglang pag-alis ng ginang.
ABALA si Mica sa paghahanda ng hapunan nang makatanggap siya ng message mula sa di kilalang numero.
"Hi baby." biglang pagkakilabot niya nang mabasa ito. Inisip na lang niyang baka nawrong send lang ito.
"Ms. Mica, this is Erwin. Yung boyfriend mo. Ang poging nakilala mo kanina sa bridge." ikalawang message na binasa niya. Napatawa naman siya nang mabasa ang salitang boyfriend. Tila naniwala ang binata sa biro niya kanina.
"Ang kapal ng mukha ah, pogi daw? Hmmm, well tama naman siya," kinikilig na sabi ni Mica. Pakiramdam niya'y bumalik siya sa pagkabata ng mga sandaling 'yon. Napaisip naman siya kung paanong napunta sa binata ang mobile number niya.
"I found your wallet kanina kaso hindi na kita naabutan para isoli sana. Luckily, may calling card ka dito. Don't worry 'coz your things are in a good hand. Just message me on when and where would I bring this to you." nagulat naman si Mica dahil dito. Ngayon lang niya nalaman na nawawala pala ang wallet niya. Lalo tuloy siyang humanga sa kabaitan ni Erwin.
"Hi Ma. Mukhang masaya tayo ngayon ah? What's the reason behind that beautiful smile?" bati ni Gio sa ina pag-uwi galing sa opisina. Lamapit pa ito sa kanya saka humalik sa pisngi niya.
"Wala anak. May nakakatuwa lang na nangyari. Muntik lang naman akong malaglag sa tulay kanina." tumatawang bida ni Mica.
"Aba, sa lahat ng muntik malaglag sa tulay, ikaw ang masaya ha!"
"Hindi naman sa ganon. Ang bait kasi ng lalaking tumulong sakin kanina. Tsaka pag nakita mo siyang magpanic, grabe, nakakatawa."
"Pogi ba?" curious na tanong ni Gio. Lumapit pa ito lalo para pakinggan ang kwento ng ina. Ito kasi ang unang beses na nagkwento ito tungkol sa lalaki na masaya. Natutuwa naman siya kapag ganito ang usapan dahil gusto niyang binibiro ang ina.
"Hmm. Medyo." tipid na sagot nito.
"Medyo lang?" usisa ni Gio na tila naghihintay ng mas malaman na sagot.
"Oo na pogi na. Itong batang 'to napakachismoso. Kumain na nga tayo. Gutom lang yan." Napuno ng tawanan ang hapag kainan dahil sa biruan ng mag-ina. Pareho silang close at walang nililihim sa isa't isa.
SA bahay naman nila Erwin...
Tulalang nakahiga ang binata at nakatingin sa bubong ng bahay nila.
Napapangiti nalang siya kapag naaalala ang nangyari sa tulay kanina. He feels depress pa naman dahil kabebreak lang niya sa girlfriend niya isang linggo na ang nakakaraan. Nahuli kasi niya itong may dinedate na iba. Hindi niya akalain na tulad niya, may isang babae rin palang iniwan ng mahal niya nung mga oras na 'yon. He doesn't know na biro lang pala ito ni Mica.
"Hey, thak you. See you tomorrow in Starbucks in front of Damascus Village. I'll be there at 5 pm from the office." Natanggap niyang reply mula kay Mica. Napabalikwas naman siya sa pagkakahiga dahil sa tuwa. Sa wakas ay muli niyang makikita ang kagandahan ng bago niyang inspirasyon.
"Anyway, don't call me baby. I was just joking that time. At wala akong balak tumalon sa tulay." muling mensahe nito. Napangiti naman si Erwin dahil sa kalokohan ng katext. Nang gabing yon, nahirapa siyang makatulog kaiisip sa maaring mangyari sa muling pagkikita nila. Nakaramdam siya ng excitement na hindi niya naramdaman sa ibang nakarelasyon niya.
CHAPTER 2
ILANG minuto nang sinisipat ni Erwin ang sariling repleksyon sa salamin. Gusto niyang maging presentable sa harap ng katatagpuin niya. Suot niya ang long sleeve na puti na itinupi hanggang siko at itinuck-in sa green na denim shorts. Lalo pang bumagay sa casual attire nito ang bagong style na vans shoes na pinag-ipunan niya. Simple lang kung iisipin pero dahil sa galing sa pagdadala ng damit, hindi iisipin ng sinuman na mahirap lamang ang binata.
"Ang gwapo ng anak ko. Mukhang may date ah." papuri ng ina ni Erwin sa kanya.
"Hindi po 'nay, isosoli ko lang yung napulot kong wallet kahapon."
"Kung itinago mo yan, may tuition ka na sana." hirit ng ama ni Erwin na animo'y may hang-over pa sa magdamag na pag-inom.
"Kung nagtatrabaho ka, may tuition na sana 'ko!" pabalang na sagot niya dito.
"Aba, loko 'to ah. May pinagmamalaki ka na ba ha?"
"Hayaan niyo 'ko sa diskarte ko. May paraan ako para magkatuition."
"Anak, 'wag mong pansinin ang tatay mo. Tama ang gagawin mo. Ang tunay na blessing, dapat ding pinaghihirapan." mahinanong payo ng ina.
Ganyan ang kadalasang eksena sa bahay nila. Kaya hirap man sa buhay, nagsisikap ang binata na mag-aral at matapos ang inhenyeriya sibil na kinukuha niya. Nakararaos siya dahil varsity scholar at nakakapagpart time job pa siya.
TATLUMPONG minutong mas maaga si Erwin sa usapan nila ni Mica. Abot ang papansin sa kanya ng ilang estudyante sa coffee shop pero nakay Mica ang pag-iisip ng binata.
Nasa pagmumuni siya nang makitang palapit ito sa kanya. Nakabrown dress si Mica na bumagay sa malaporselanang balat nito. Humubog din ang sexing kurba ng katawan nito sa pagkakatali ng ribbon sa bewang. Hindi naman makatingin ng diretso si Erwin sa mukha nito dahil sa pagkailang sa suot nitong shades. Pinlano talaga ni Mica ang pagsusuot ng shades para obserbahan ang galaw ng katagpo.
"H-Hi! Maupo ka." magalang na sabi niya. Nalimutan na niyang tumayo para hatakin ang silya dahil sa pagkataranta.
"Eew.. Mas matanda pala ang gusto." anas ng isang estudyante habang nagtatawanan. Nakuha naman nito ng pansin ni Mica ngunit dineadma nalang.
"Heto ang wallet mo oh." ani Erwin. Inabot ito ni Mica saka kunwari'y inispeksyon. Pero ang mga mata niya'y wala dito ang atensyon kundi sa porma ng binatang kaharap niya. Nakikita niya ang panakaw na tingin ng binata sa kanya na lihim niyang ikinatuwa.
"Sorry pala sa nangyari kahapon." nahihiyang sabi ni Mica. "Biro lang talaga 'yon. I was just crying n'on dahil may naalala 'ko."
"It's fine. Sana nga totoo nalang na boyfriend mo 'ko." siryosong pahayag ni Erwin na ikinabigla naman ni Mica.
"You don't know what you're saying. May anak na 'ko." mayuming tono niya pero kinikilig siya sa isip niya.
"Nakita ko nga sa picture mo sa wallet. But I guess you're single and available. Right?"
"It's none of your business." tipid na sagot nito kaya inassume ni Erwin na single nga ito.
"Pwede bang manligaw?" napataas ang kilay ni Mica sa narinig. Hindi niya sinagot ang tanong nito dahil inisip niyang nagbibiro lamang ito lalo't kakikilala palang nila.
"Anyway, heto oh." pag-abot ni Mica sa 2,000 peso reward niya kay Erwin.
"Yuck, sugar mommy?" bulungan naman ng nasa kabilang silya na hindi naman nakalagpas sa pandinig ng dalawa. Kanina pa siya nagpipigil sa mga pasarinig ng mga ito.
"Nakakahiya naman. Kung mommy ko yan, eeww." maarteng parinig ng isa pang estudyante. Hindi na napigil ni Mica ang sarili kaya napatayo ito sa kinauupuan at hinarap ang mga ito.
"Alam niyo girls, we can't choose who to love. Wala yan sa edad o estado." nakangiting wika ni Mica sa mga estudyante.
"Nakakalungkot lang dahil may mga nasisirang relasyon dahil may mga taong mahilig makisawsaw. Nagpunta lang ba kayo sa mamahaling coffee shop na 'to para magtsismisan? Nakakahiya naman sa mga magulang niyong nagpapakapagod magtrabaho maibili lang kayo ng mamahaling kape. Kabahan naman sana kayo kahit minsan!" nanggagalaiting dagdag niya saka umalis sa lugar.
Napangisi naman si Erwin sa nasaksihan. Lalo pa siyang humanga dahil sa pinakita nitong pagiging natural. Hinabol niya si Mica saka pilit na isinauli ang pera.
"Kung ayaw mo talaga, sige. Salamat nalang." taas-kilay na sabi ni Mica sa binata habang nakasilip ito sa bintana ng kotse nya.
"Nakita lang kita, masaya na ko." nakangiting pahabol nito saka kumindat kay Mica.
HINDI mawala sa isip ni Mica ang huling imahe ni Erwin nung iwan n'ya ito sa parking lot. Pigilan man niya'y hindi niya maitatanggi sa sarili ang nararamdamang paghanga sa binata.
"How's your date Ma?" masayang bati ni Gio nang mapansin ang masayang aura ng ina habang nagluluto.
"Date ka dyan. Well, it's not good." si Mica.
"Not good pero masaya ka? Sayang, kala ko pa naman magkaka-stepfather na 'ko."
"Ikaw ha, napapansin ko lang. Parang pinagtatabuyan mo na 'kong mag-asawa?"
"Hindi naman sa ganon ma. Siyempre anytime mag-aasawa rin naman ako. Ayaw ko namang maiwan kang mag-isa." malumanay na paliwanag ni Gio na ikinalungkot naman ng ina. Ni minsan ay hindi pumasok sa isip ni Mica na iiwan rin siya ng anak.
"Bakit, pwede naman kayo dito ah. Malaki naman ang bahay para sa'ting lahat. Kahit isang dosena pa ang maging anak mo kasya kayong lahat." naiiyak na sabi ni Mica.
"Biro lang naman ma. Magagawa ba naman kitang iwan mag-isa? Mahal na mahal kaya kita. Tsaka wala pa nga akong girlfriend no. Matagal pa yon." pang-aalo ni Gio sa ina saka yumakap dito.
"Pero seriously ma, sana magkaboyfriend ka na!" tumatawang kabig ni Gio na sinagot naman ng tawa ni Mica. Napatawa man siya'y hindi pa rin maalis sa isip niya na anumang oras ay maaaring magkaroon ng sariling pamilya ang anak.
Maging sa pagtulog niya'y hindi niya maiwasang mag-isip. Palagay niya'y marahil panahon na nga para tumanggap siya ng manliligaw. Abala siya sa pagbusisi sa wallet niya nang may mapansin siyang litrato. Abot tenga ang ngiti niya nang makita ang close up picture ni Erwin na marahil ay nilagay ng binata.
"Nasaan na kaya 'yon?" ani Mica nang mapansing may nawawala sa wallet niya.
SAMANTALA... Nakangiti si Erwin habang minamasdan ang hawak niya na nakuha sa wallet ni Mica.
Picture ito ng dalagang ina noong ito'y nasa edad na dalawampu. Hindi man niya tinanggap ang reward na ibinibigay nito kanina, pakiramdam niya'y panalo pa rin siya dahil sa bago niyang inspirasyon.
Kinulit rin niya si Mica kasesend ng love quotes ngunit wala siyang natanggap kahit isang sagot. Lingid sa kanyang kaalaman, lihim na natutuwa si Mica sa tuwing mababasa nito ang messages niya.
Matapos na deadmahin ni Mica ang text messages niya ay hindi na ito nagtext. Akala ni Mica'y sumuko na agad sa kanya ang binata. Ngunit para kay Erwin, simula pa lang 'yon ng panunuyo niya kay Mica.
CHAPTER 3
MAAGANG gumayak si Mica para mag-observe sa food launching and tasting activity na isasagawa nila sa isang mall. Hinihintay niya ang kaopisina niya nang tumawag ito sa cellphone niya.
"Sis sorry hindi ako makakasama sa activity. Nagkaroon kasi ng emergency." nagmamadaling sabi nito sa cellphone.
"Tess, emergency o hindi mo nanaman maiwan ang boyfriend mo?" si Mica.
"Both!" tumatawang sagot nito. "Pero don't worry, pinapunta ko dyan yung pinsan ko para samahan ka."
"Pinsan? Sinong pinsan?" usisa ni Mica.
"Basta kilala mo siya." kinikilig na sabi nito pagkatapos ay ibinaba ang kabilang linya.
Napakaunprofessional talaga ng kaibigan. Hindi naman niya ito masisi dahil mas priority nito ang boyfriend kaysa trabaho. Kaiba sa kanya na tumanda na dahil sa pagkasubsob sa trabaho at ihinuli sa listahan ng priority ang pakikipagtipan.
"Hi miss beautiful. Are you ready?" sulpot ni Erwin sa likuran niya na ipinagtaka naman ni Mica. Muli ay nakaramdam nanaman siya ng saya sa presensya ng binata.
"Ready for what?" alangang tanong niya saka pasimpleng tiningnan ang binata mula ulo hanggang paa.
"Sabi ng pinsan kong si Tess samahan daw kita sa food launching event n'yo sa mall." nakangiting saad nito na halata mong nagpapaporma sa kaharap.
"Pinsan mo si Tess?" gulat na usisa ni Mica na sinagot naman ng kindat ni Erwin. Napatalon naman ang puso niya dahil sa ginawang pagsagot nito.
"Grabe ang pogi talaga." sa isip ni Mica. Para itago ang kilig na nararamdaman, mabilis siyang sumakay sa kotse. Sumunod namang sumakay si Erwin sa back seat.
"Anong ginagawa mo d'yan? Ginawa mo pa 'kong driver." pagtataray kuno ni Mica. Kaya lumipat si Erwin sa harap.
"Oh, bakit ka nandito?"
"Sabi mo ayaw mong maging driver?" takang tanong ni Erwin.
"Oo nga, kaya dun ka sumakay sa motor mo!" Hinayang na bumaba ng sasakyan si Erwin pagkasabi ni Mica non. Ramdam niya ang malamig na pakikitungo ni Mica sa kanya pero naniniwala siyang walang matigas na tinapay sa mainit na kape.
Nakasunod siya sa kotse ni Mica nang biglang may dumaang aso sa harap niya. Sa bigla niyang preno'y nabuwal ang motor niya. Dali-daling bumaba ng sasakyan si Mica nang makita ang nangyari.
"Ayos ka lang ba?" alalang sabi ni Mica habang inaalalayan at pinaupo siya sa gilid ng kalsada. Hindi naman gaanong nasaktan si Erwin ngunit nakaramdam siya ng kuryente sa pag-alalay sa kanya ni Mica.
"Parang ang sakit ng braso ko." pagdadrama pa ni Erwin. Pero ang totoo'y paraan lang niya 'to para lalong mag-alala si Mica. "Aray ko, ang sakit." Lalo pa niyang pag-arte nang makita ang sugat sa siko niya.
"Sorry Erwin, kasalanan ko 'to. Sandali kukunin ko lang yung first aide kit sa kotse." Tumakbo si Mica sa kotse na siya namang ikinangisi ng binata.
Labis ang pagkakonsensya ni Mica sa nangyari. Tuliro niyang ginamot ang sugat ni Erwin. Sinamantala naman ni Erwin ang pagkakataon para titigan siya ng malapitan. Lalo siyang humanga sa kaamuhan ng mukha ng dalagang ina. Ang kanina'y nagsusungit sa kanya, ngayon ay tila maamong tupa na nag-aalala sa kanya. Dahil dito'y hindi napigilang ngumiti ni Erwin na napansin naman ni Mica.
"Tara na nga, iwan mo nalang dito yung motor mo, sa kotse ka na sumakay." muling malamig na tono ni Mica saka tumayo at naglakad papunta sa kotse. Muli nanamang napangisi si Erwin dahil sa pinakita ng dalaga.
"Hindi na baka sabihin mo nanaman ginagawa kitang driver." himig tampong tugon niya.
Bumalik naman si Mica at hinawakan ang kamay nya papunta sa sasakyan. Bigla naman niya itong nabitawan dahil sa kuryenteng kanyang naramdaman.
"I incists. Doon ka na sumakay." muling hirit ni Mica.
"Hindi na. Baka mawala pa dito yung motor ko. Tsaka kaya ko na oh." ani Erwin saka nagjumping jack. Natawa naman si Mica sa ginawa nito.
MAGSISIMULA na ang event nang dumating sila sa mall. Humahangos na sinalubong si Mica ng staff nila.
"Ma'am hindi daw po makakarating yung magsusuot ng mascot para sa show natin ngayon." hinihingal na sabi nito. Ang mascot na tinutukoy nito ay pink bear na simbolo ng gummy bear chocolate na produkto nila.
"Ako, pwede ako." pagbo-volunteer ni Erwin. Gusto talaga niyang magpaimpress na ikinataas naman ng kilay ni Mica.
"Ayos ma'am! Problem solved! Ang cute namang mascot nito." kinikilig na sabi ng babaeng staff. "Sumama po kayo sa'kin sir.". Sumunod naman si Erwin dito na hindi inaalis ang tingin kay Mica.
"HELLO, officemate po ito ni Gio. May I speak with his mom?" Natanggap na tawag ni Mica pagkaalis ni Erwin.
"Yes, speaking."
"This is to inform you po na nagcollapse po kanina si Gio sa office at nan-" pagkaputol ng sasabihin nito nang magsalita sa cellphone si Gio.
"Ma, si Gio ito. Nevermind. Ayos na 'ko sumakit lang ang ulo ko at nahilo. Ang init kasi ngayon." anito.
"Sure kang okay ka na?" alalang tanong ni Mica. "Uminom ka ng maraming tubig. Hayaan mo ipag-uuwi kita ng prutas mamaya. Do you want anything more?"
"Wala na po ma, bye." Napatigil sila sa pag-uusap nang magsigawan ang mga tao dahil sa paglabas ng isang malaking pink teddy bear na may pulang puso sa gitna ng stage. Kumaway pa ito sa gawi ni Mica at nag-flying kiss.
Abot ang kaway at papicture nito sa mga tao na animo'y dati ng nagmamascot dahil sa pinapakitang sigla. Muli ay hinangaan siya ni Mica dahil na rin sa pagiging magiliw nito sa mga bata. Sa isip niya'y siguradong magiging mabuting ama ito kapag nagkaanak.
"Erwin mamaya na yan. Tara munang magmerienda." anyaya ni Mica nang mapansing napapagod na ang teddy bear niya. Umupo naman ito sa katabing upuan at tinanggal ang ulo ng mascot. Pawisan at hinihingal na rin siya sa pagod.
"Oh, bakit ayaw mo pang tanggalin yan?" tanong ni Mica.
"Mahirap alisin eh." reklamo nito. Gwapo pa ring tingnan ang binata kahit na pinagpapawisan ito.
"Pa'no ka kakain nyan?" muling tanong ni Mica saka kumuha ng bimpo at pinunasan ang pawis ni Erwin.
"Subuan mo nalang ako." tugon ni Erwin kaya nagkatinginan sila. "Please." pagpapacute pa nito. Napilitan namang kumuha ng sandwich si Mica sa mesa at sinubuan si Erwin. Hindi niya maalis ang tingin niya sa binata habang kumakagat at nginunguya nito ang sandwich.
"Ma'am ang sweet niyo naman pong mag-mommy." nakangiting bati ng isang empleyado na kanina pa palang nakatingin sa kanila. Hindi alam ni Mica kung matutuwa siya dahil sinabing sweet sila o maiinis dahil sinabing magmommy sila.
"Oo miss, ganito talaga kasweet si mommy." tumatawang sagot ni Erwin habang nakatingin sa mata ni Mica na parang nang-aasar.
"Oo miss, sweet talaga kami." Sa inis ni Mica'y isinungalngal niya kay Erwin ang natitira pang sandwich na ikinabulunan naman ng binata.
"Mica paabot naman ng water, please." natatawa pa ring sabi ni Erwin dahil sa nakita niyang pagkaasar ni Mica. Parang binalewala lang niyang kung nabulunan siya.
"Pakibukas nalang tapos pakitapat mo sa bibig ko." muling utos niya sa dalaga saka ngumiti ng pagkatamis-tamis dito.
"May tinga ka pa oh." pambabara ni Mica na ikinagulat naman ni Erwin. Namula pa ito dahil sa pagkapahiya.
"Oh eto tubig." nakatawang sabi ni Mica saka inilapit sa bibig nito.
"Salamat mommy." muling pang-aasar ni Erwin na sinagot nalang ng mataray na tingin ni Mica. Sa halip na tumahimik ay lalo pang natawa si Erwin.
MAAYOS na natapos ang event sa tulong na rin ni Erwin. Ganon pa man, patuloy pa rin ang pagiging malamig niya rito. Nagkalapit man sila, dahil lamang sa trabaho yon para kay Mica. Naghahanda ng umalis si Mica nang magkaproblema ang kotse niya.
"Hala, ayaw umandar?" bati ni Erwin pagkakita sa kanya sa parking ng mall.
"Oo eh." tugon ni Mica na animo'y nanghihingi ng tulong sa binata.
"Kawawa ka naman. Sige, mauna na 'ko." siryosong sabi ni Erwin saka pinaandar ang sasakyan niya at umalis.
"Walangyang lalaki yon! Nagtanong pa!" inis na sabi ni Mica at hinampas ng kamay ang steering wheel ng kotse. Wala pang isang minuto'y nakangising bumabalik si Erwin.
"Oh kala ko ba aalis ka na?" pagsusungit ni Mica.
"Biro lang. Iiwanan ba naman kita?" usal ni Erwin saka ngumiti kay Mica. "Iwan mo nalang yung kotse mo. Dito ka nalang sa'kin sumakay."
"D'yan? Ayoko nga, nakakatakot." si Mica.
"Alin ang mas nakakatakot, maiwan ka ditong mag-isa o ang sumakay sa motor ko? Balita ko pa naman may mga gumagala ditong snatcher paggabi. So, kung ayaw mo, mauna na 'ko." pananakot ni Erwin saka muling pinaandar ang motor niya. Nakaka-sampung metro palang ng takbo ang motor ng sumigaw si Mica.
"Erwin!" Tumatakbo itong palapit kay Erwin.
"Sandali, sasabay na 'ko." hinihingal na sabi nito saka awtomatikong sumakay sa likod ng motor. Napangisi nanaman si Erwin dahil sa ginawa ni Mica.
"Oh, ba't diyan ka nakahawak? Dito dapat.." Kinuha ni Erwin ang mga kamay ni Mica at inilagay sa bewang niya. Tila nahihiya naman ang dalaga dahil sa posisyon nila.
Kabado si Mica sa pagsisimula palang ng takbo. Una ay dahil sa mabilis na pagmamaneho ni Erwin, at ikalawa ay dahil sa mabangong amo'y ng binata na nalalanghap niya.
"Grabe, pinagpawisan na siya kanina pero ang bango pa rin." sa isip niya.
Malapit na sila sa bahay ng bumuhos ang malakas na ulan. Dahil sa ginaw, lalo pang humigpit ang yakap ni Mica dito na lalo namang ikinasaya ni Erwin. Kung pwede lang ay hindi na siya tumigil sa pagdadrive.
"Mica nandito na tayo." mahinang sabi ni Erwin kay Mica na hindi pa rin natitinag sa higpit ng yakap sa kanya at ginaw na ginaw dahil sa pagkabasa.
Nagulat naman si Gio sa nasaksihang eksena. Sinalubong sila ng masamang tingin ni Gio nang makita nitong todo kapit ang ina kay Erwin.
"E-Erwin si Gio nga pala, anak ko." pambasag ni Mica sa katahimikan. Kunot-noo namang hinarap ni Gio si Erwin at tinitigan ito ng masama.
"Pumasok kayo sa loob!" awtoritadong tono nito pagkatapos ay dumiretso papasok ng bahay. Kabado namang sumunod dito si Erwin. Tila mas kinabahan pa siyang makilala ito kaysa nung una silang magkita ni Mica. Natawa naman sa isip niya si Mica dahil sa ipinakitang pagkaistrikto ng anak.
Padabog na pumasok si Gio sa kwarto niya at isinara ang pinto.
"Erwin umuwi ka na, please." pakiusap ni Mica.
"Sino'ng uuwi?" matigas na tono ni Gio saka ihinagis ang isang tuwalya at damit pamalit kay Erwin. "Magbihis ka don, nandon ang banyo sa kanan, unang pinto."
Mabilis namang sumunod si Erwin dahil sa pagkataranta.
"Ikaw rin Ma, magbihis ka at mag-uusap tayo pagbalik niyo." Tinitigan siya ni Mica na parang naninimbang ngunit nanatiling simangot ang mukha ni Gio.
Pagbalik nina Mica at Erwin ay may nakatimpla ng kape sa mesa. Halos hindi sila magkatinginan habang padaboig na kumuha si Gio ng beer at yelo sa ref. Hindi maipinta ang mukha nito na animo'y handang magwala ng anumang oras. Naupo naman sina Mica at Erwin sa sofa habang inoobserbahan ang ginagawa ng binata. Halos tumalon ang puso ni Erwin sa bawat bagsak ng kasangkapang pilit na binabagsak ni Gio.
Salubong ang kilay ni Gio nang lumapit sa dalawa.
"Ilang taon ka na?" baritonong tanong nito habang ibinababa ang tatlong bote ng beer at pulutan sa mesa. Napatingin naman si Erwin kay Mica bilang paghingi ng saklolo dito. Mabilis naman itong umiwas ng tingin saka nagkunwaring tinitingnan ang dumi sa kuko.
Hindi rin malaman ni Mica kung ano ang nasa isip ng anak. Maging siya ay nakakaramdam ng kaba dahil sa kakaibang pinapakita ni Gio. Ito kasi ang unang beses na may isinama siyang lalaki sa bahay nila.
"T-Twenty-one po..." tila umurong ang dilang sagot ng bisita ng ina.
"Saan ka nakatira?" muling tanong ni Gio. Bago sagutin ni Erwin ay kinuha niya sa mesa ang isang bote ng beer at mabilis itong tinungga.
"Sinabi ko bang sa'yo yan?" galit na sabi ni Gio. Muntik namang masamid si Erwin dahil dito.
"S-s-sorry po."
Pagkasabi no'y biglang tumawa ng malakas si Gio na halos hindi na makita ang mata. Parang bata itong aliw na aliw sa nasaksihang palabas.
"Tama ka pala mama. Nakakatawa pala siyang magpanic." halakhak pa nito. Bigla namang pinamulahan si Mica dahil sa ginawang pambibisto sa kanya ng anak.
"Para sa'yo talaga yung beer na 'yan. Warm welcome ko sa future stepfather ko." pagdidiin nito sa salitang future kaya pasimpleng sinipa siya ng ina.
"Anong future stepfather? Hinatid lang niya ko 'no." depensa ni Mica na tinawanan lang ng dalawa.
"Feel at home lang p're. Gio nga pala." tumatawang sabi ni Gio saka nakipagkamay sa bisita. Pagkatapos ay muli nanamang sumiryoso si Gio. "But I'm warning you. Wag na wag kang magpapakita sa'kin kapag sinaktan mo si mama."
"Anong saktan? Ikaw kaya ang saktan ko! Hindi nga sabi nanliligaw eh." muling pagsingit ni Mica na hindi nanaman pinansin ng dalawa.
"Sige pare, makakaasa ka." siryosong sagot ni Erwin. Pakiramdam niya'y naging komportable na siya sa harap ng mag-ina.
Matagal rin ang naging kwentuhan ng tatlo. Nakipagsabayan na rin si Mica sa kalokohan ng dalawa. Lalong nakilala ni Erwin ang pagiging mabuting tao at anak ni Mica.
Naghahanda na sanang magpaalam si Erwin nang bigla muling umulan ng malakas. Tila langit na ang nag-aadya para lalong maging malapit siya sa mag-ina.
"Erwin dito ka na matulog. Gabi naman na oh." si Gio.
"Naku hindi na. Titila rin yan." ani Erwin habang nakasilip sa bintana.
"Oo nga Erwin, diito ka na matulog. Delikado na rin magdrive niyan." siryosong sambit ni Mica kaya napatingin sa kanya ang dalawa. Naninimbang ang tingin ni Erwin samantalang nang-aasar naman ang tingin ni Gio. Itinaas niya ang kanang kilay at nakangiting naglakad papasok ng kanyang kwarto.
Magkasundong magkasundo naman sina Erwin at Gio na parang matagal ng magkakilala. Hanggang bago matulog ay tuloy pa rin ang kwentuhan nila.
CHAPTER 4
TANGHALI na nang magising si Erwin. Wala na rin sa tabi niya si Gio. Nilibot niya ang bahay ngunit di niya ito nakita. Marahil ay pumasok na ito sa opisina. Napansin niyang nakaawang ang kwarto ni Mica kaya sumilip siya rito.
"Mica ayos ka lang?" alalang sabi ni Erwin nang makitang naginginig sa ginaw si Erwin. Binalutan niya ito ng kumot pagkatapos ay sinalat ang leeg at noo.
"Naku ang taas ng lagnat mo ah. Masyado ka sigurong nalamigan kagabi." Mabilis na kumuha ng maligamgam na tubig si Erwin at naghanap ng bimpo. Kita sa mukha niya ang pag-aalala habang pinupunasan si Mica. Lalo tuloy lumambot ang puso ng dalaga dahil sa ginawa niya.
"Nagluto pala ako ng bulalo. Pasensya na kung nakialam na 'ko sa kusina niyo. Humigop ka kahit kaunti, makakabuti 'to sa'yo." si Erwin habang ibinabangon niya si Mica.
"Salamat Erwin, pero di ba may pasok ka ngayon?" ani Mica.
"Ayos lang 'yon. Hindi naman kita pwedeng iwan na ganyan ang lagay mo." siryosong sagot ni Erwin habang hinihipan ang mainit na sabaw. Napangiti naman si Mica dahil kahit bago palang silang magkakilala, maaalalahanin at sweet ang binata.
"Mica, open your mouth." tila batang utos ni Erwin nang pakakainin na siya nito.
"Walang lasa." reklamo niya kay Erwin kaya tinikman naman nito ang sabaw.
"Meron naman ah." naguguluhang sabi ng binata. Natawa naman sa reaksyon nito si Mica.
"Wala pong lasa kasi may trangkaso po ako. Kung wala po, sigurado naman akong masarap 'to." malambing na sabi ni Mica saka muling sumalok ng sabaw. Napangiti na rin si Erwin dahil sa unang pagkakataon ay pinuri siya nito.
Maghapong binantayan ni Erwin si Mica hanggang sa bumuti ang lagay nito. Nakatulog na nga siyang nakaupo malapit sa kama ni Mica.
Nagising nalang siya sa pakiramdam na may humihimas sa buhok niya. Isang masayang ngiti naman ang ibinigay ni Mica pagdilat ng kanyang mata.
Abot ang pasasalamat ni Mica kay Erwin dahil sa concern nito. Ang pangyayaring 'yon ang naging simula ng pamamanhikan ni Erwin. Pagkatapos noo'y lagi ng dumadalaw ang binata sa kanila. Madalas na rin silang magpalitan ng messages kaya lalo pa silang naging malapit sa isa't isa. Kung minsa'y lumalabas na rin silang tatlo nina Gio na parang isang pamilya.
"I have a surprise for you. Susunduin kita mamayang uwian niyo." mensahe ni Erwin kay Mica. Abot tenga ang ngiti ni Mica na hindi naman nakalagpas sa paningin ni Tess.
"Mukhang inspired tayo sis ah! Si pinsan ba yan?" usisa nito.
"Hindi, masaya lang talaga 'ko." pagdedeny niya.
"Naku sis. 'Wag mo ng itanggi. Alam mong botong-boto 'ko sa'yo para sa kanya. Napakabait ng pinsan ko na 'yan. Siguradong magkakasundo kayo." mahabang sambit nito.
"Kaya lang sis parang ang bata pa niya para sa'kin." si Mica.
"Wala sa edad yan sis."
"Alam ko naman. Kaya lang ano naman ang sasabihin ng mga tao, di ba?" mahinang sambit ni Mica.
"Natural na yata sa tao ang maging mapanghusga. Kung mahal niyo naman ang isa't isa dapat handa kayong harapin ang sasabihin nila. Tsaka kung mahal niyo naman ang isa't isa hindi dapat kayo magpaapekto sa sasabihin nila." litanya ng kaibigan.
"Tsaka di naman kayo mukhang mag-nanay. Mukhang magkapatid lang. Ikaw ang ate, siya bunso." pang-aalaska pa nito.
PAGSAPIT ng hapon ay dumating si Erwin gaya ng napagkasunduan. Sinalubong niya si Mica sa lobby ng opisina dala ang isang boquet ng bulaklak. Kinilig naman si Mica at maging ang mga kaopisina niya dahil sa pagiging sweet ng binata.
"'Wag mo ng dalin ang kotse mo. Sa motor na tayo sumakay." anyaya nito na hindi naman tinanggihan ng dalaga. Kung dati'y takot siyang sumakay dito, ngayon nama'y mas gusto niya sumakay para mapalapit sa binata.
Dinala ni Erwin si Mica sa isang malaking theme park na malapit sa kanila. Buhay na buhay ang lugar sa dami ng atraksyon at mga namamasyal. Makikita ang iba't ibang rides gaya ng roller coaster, carrousle, space shuttle atbp. Mayroon ding horror house at iba pang palabas.
"Bakit dito mo 'ko dinala?" usisa ni Mica habang nakasakay sila sa ferris wheel.
"Naisip ko lang na gusto mo ng privacy. At least dito wala nakakakilala sa'yo o sa'kin. Wala rin pakialaman kasi lahat sila nag-eenjoy." ani Erwin. Namangha naman siya sa sagot nito. Ang totoo'y isang dinner date ang iniisip niyang sorpresa mula dito.
"Alam mo ba, dalaga pa 'ko mula nung huling makapunta 'ko dito." kwento ni Mica. "Simula nung ipinanganak ko si Gio puro bahay at trabaho lang ako. Nakakalabas naman minsan pero sandali lang. Salamat dinala mo ko rito." nakangiting wika ni Mica.
"Sabi nga ni Gio, hindi mo pa nga daw siya naigala sa park." nakangiting saad ni Erwin. "Inaaya ko nga siyang sumama dito pero gusto daw niya akong bigyan ng chance makasama ka."
"Naaawa nga ako kay Gio. Masyado akong abala sa pagtatrabaho kaya hindi ko masyadong naibigay lahat ng gusto niya." Halata sa mukha ni Mica ang unti-unting pag-uulap ng mata. "Buti nalang naging mabait na anak si Gio kahit na may pagkukulang ako sa kanya."
"Oh, tama na ang drama. We're suppose to enjoy here." pang-aalo ni Gio pero hindi na rin niya napigilan ang pagdaloy ng luha niya.
"Being a parent is one of the hardest responsibilities lalo na kung nag-iisa ka. Alam kong 'yun din ang nasa isip ni Gio. Kaya siguro lumaki rin siyang responsable kahit na may pagkukulang ka. The fact na binigay mo yung buhay mo para mapalaki sya, 'yon palang ikararangal ka na n'ya." wika ni Erwin na nagpahanga kay Mica. Mapapansin ang maturity sa bawat salita niya.
SUMUNOD namang pinuntahan ng dalawa ay ang horror house. Gustong gusto ni Mica na pumasok ngunit hindi niya mapilit si Erwin.
"Ayoko nga, nagkatrauma na kasi ako sa multo nung bata ako. Sa iba nalang tayo." tila batang pakiusap ni Erwin na ikinatawa naman ni Mica. Ang tinutukoy niya ay nung ikinulong siya ng mga kalaro sa haunted house nung grade school tour nila. Iyak siya ng iyak ng makita ng guro nila.
"Wala ka pala eh. Bakla lang ang natatakot sa multo." si Mica.
"Hindi ako bakla ah. Ang hot ko nga eh." pagmamayabang ni Erwin saka nagflex ng braso na lalong nagpatawa kay Mica.
"Hot pala eh. Tara na. Ipakita mo yung hotness mo sa mga multo sa loob." Sabay hila niya sa kamay ni Erwin na pilit namang kumakawala. Labis ang kasiyahan ni Mica na malaman na ang isang gwapo palang katulad ni Erwin ay mayro'n palang kinatatakutan.
"Ayoko nga sabi." inis na sabi ni Erwin saka bumitaw kay Mica.
"Uy, nagagalit na siya." pang-aasar ni Mica habang kinikiliti ito sa tagiliran.
"Hindi ah. Ayoko lang talaga."
"Hindi mawawala ang takot mo kung di mo haharapin. Hindi naman totoong multo 'yon. Sa totoong buhay, ang mga multo ay yung mga manloloko, mapagsamantala at iba pang masasamang tao." tila may hugot na sabi ni Mica. Sa huli'y napapayag din niya si Erwin dahil sa kulit niya.
Pagpasok sa loob ay magkahawak-kamay silang pumasok. Magkakapit sila sa braso sa bawat kalabog at sulpot ng multo sa paligid. Natatawa naman si Erwin sa higpit ng kapit sa kanya ni Mica dahil ngayo'y mas takot pa 'to sa kanya.
"Kala ko ba di ka takot sa multo? Chinachansingan mo lang yata ako eh." biro ni Erwin kaya napabitaw sa kanya si Mica.
"Hindi ah. Sino'ng takot? Ikaw kaya." maang niya kaya napatawa silang dalawa. Nakaakbay pa si Erwin nang lumabas sila sa horror house na tila di naman alintana ni Mica. Masayang-masaya si Mica sa piling ni Erwin kahit hindi pa niya ganap na sinasagot ang binata.
SUMAKAY pa sila sa ilang rides bago maisipang kumain. Hindi nila namalayan ang paglipas ng oras dahil sa sayang naramdaman.
"Enjoy palang sumakay sa anchors away 'no?" tumatawang sabi ni Mica habang inaayos ang buhok.
"Enjoy daw eh muntik ka na ngang masuka oh." nakatawang biro ni Erwin. Magkahawak kamay silang naglakad na animo'y walang inaalala kundi ang magsaya.
Kumakain sila sa isang fast food nang may tumawag kay Erwin sa cellphone. Tumayo ito at lumayo para sagutin ang tawag. Siryosong siryoso ang mukha nito habang nakikipag-usap.
"May problema ka ba?" bungad ni Mica pagkaupo ni Erwin.
"Wala 'yon. Tungkol lang sa school." sagot nito pero hindi pa rin nawawala ang pagkasiryoso ng mukha.
Nilapag ni Mica ang hawak na kutsara't tinidor tsaka tumingnin kay Erwin. "'Pag di mo sinabi magagalit ako sa'yo niyan." Umayos naman ng upo si Erwin saka nagsalita.
"Yung ex-girfriend ko nagpunta daw sa bahay." walang ganang sabi ni Erwin.
"Oh, anong problema don?" takang tanong ni Mica.
"Wala. Tapos, nagkasakit kasi si nanay. Yung naipon kong tuition sana naipambayad pa namin sa ospital." kwento pa niya..
"Magkano ba 'yon? Pahihiramin muna kita."
"Naku hindi na. Susubukan ko munang manghiram kay ate Tess." pilit na ngiti ni Erwin.
"Bahala ka. Basta kapag kailangan mo, tawagan mo lang ako." Siryosong sabi ni Mica habang nakahawak sa isang kamay ni Erwin.
Sumakay pa sila sa ibang rides bago tuluyang umuwi. Kapwa may ngiti sa labi nila habang magka-angkas sa motor. Hindi na matandaan ni Mica kung kailan ang huling beses na ngumiti siya dahil kapiling ang lalaking nagugustuhan niya.
Hindi siya nagsisising muling binuksan ang puso para muling tumanggap ng manliligaw. Tiwala siyang mabuting tao si Erwin at malayo sa personalidad nito ang manloko ng tao.
NAKANGITI silang sinalubong ni Gio pagdating ng bahay.
"Kamusta yung date natin? May pabula-bulaklak pa ha." kantyaw nito sa kanila.
"Ayos naman Gio. Kamusta, nagsasalamin ka na pala ngayon ha?" bati ni Erwin nang mapansin ang bagong eyeglasses ni Gio.
"Oo, medyo nanlalabo kasi ang paningin ko."
"Hindi pa nakakakita ng chicks nanlalabo na." biro ni Erwin na tila nakalimutang katabi niya si Mica. Isang batok tuloy ang tinanggap niya mula rito.
"Hoy, anong chicks ha? Ikaw Erwin di pa kita sinasagot puro kapilyuhan na ang tinuturo mo kay Gio." nakatawa nitong sabi.
"Biro lang naman." hirit ni Erwin kaya nagtawanan silang tatlo.
"Paano, mauna na 'ko. May assignment pa ang future engineer." paalam ni Erwin habang nakatingin kay Mica.
"Ingat ka Erwin ha. Salamat sa magandang araw na 'to." Nanatili namang nakatayo si Erwin na tila may hinihintay na gawin si Mica.
"Nasa'n na yung goodbye kiss ko?"
"Heto oh!" Sabay pakita ni Mica ng kamao niya. Tawa naman ng tawa si Erwin habang sumasakay sa motor niya.
Halos manghaba naman ang leeg ni Mica sa pagtanaw sa paglayo ng sasakyan ni Erwin na di nakalagpas sa paningin ni Gio.
"Masayang masaya ka Ma ah. Siryoso na ba talaga yung panliligaw ni Erwin?" siryosong bati ni Gio sa ina pagkaalis ng bisita.
"Di ba sabi mo ayos lang sa'yo na tumanggap na 'ko ng manliligaw?" si Mica.
"Kaya nga. Pero hindi ba parang ang bilis ng pagiging close niyo?"
Natahimik naman si Mica sa tinuran ng anak. Lumapit sa kanya si Gio saka yumakap sa kanya. "Biro lang ma, alam mo namang kahit ano'ng gawin mo suportado kita." Dumaloy ang luha nito ipinagtaka naman ni Mica.
"Anong drama 'to? May problema ba ha?" Napaluha na rin si Mica saka yumakap sa kanyang anak. Ngayon lang niya kasi muling nakitang lumuha ang anak.
"Basta ma, lagi mong tandaan. Mahal na mahal kita. Kapag niloko ka ni Erwin humanda siya sa'kin. Mata lang niya ang walang latay." tumatawang biro nito habang nagpupunas ng luha.
"Salamat anak sa pang-unawa. Hindi ako nagsisising dumating ka sa buhay ko."
"Salamat din ma sa pagpapalaki mo sa'kin ng maayos at sa pagtataguyod mo sakin kahit nag-iisa ka."
Hindi mawari ni Mica ang dahilan ng pagiging emosyonal ng anak ngunit hindi na niya ito pinansin. Para sa kanya, ang araw na ito ang isa sa pinakamasayang bahagi ng buhay niya.
CHAPTER 5
MASAYANG kumakain sa canteen si Mica kasama ang mga kaopisina niya. Mapapansin sa mukha niya ang masayang aura.
"Sis, balita ko close na daw kayo ni pinsan ah. True love na ba?" nkangiting si Tess.
"Naku sa una lang yon. 'Yung mga batang ganyan, gusto lang talagang sumusubok ng mga bago." pagsingit ng isa nilang kasama.
"Hoy grabe naman kayo. Hindi naman ganyan ang lahi namin. Mabait kaya si Erwin no." pagtatanggol ni Tess sa pinsan na sinang-ayunan naman ni Mica.
"Kapag nakakita na ng mas bata at mas maganda yon bigla nalang mawawala yan." sulsol naman ng isa pa.
"Ang OA mo girl. Bakit maganda naman si Mica ah. Naku sis, wag mong pansin yung mga yan. Mga bitter lang yan." biro nanaman ni Tess.
"Mag-ingat ka lang sis, baka perahan ka lang niyan." Pagkasabi no'n ay siya namang pagtunog ng cellphone ni Mica. Nakatanggap siya ng mensahe mula kay Erwin.
"Mica, nakakahiya man pero pwede bang hiramin ko na yung perang pinapaautang mo sa'kin? Wala daw kasing maipapahiram si ate Tess sa'kin. Pasensya ka na. Babayaran ko rin sa'yo, promise."
"Hindi naman siguro ako peperahan ni Erwin. Mukhang mabait naman siya." alangang sagot ni Mica sa mga kaibigan.
MAGULO ang isip ni Mica ng hapon na 'yon. Nagtatalo ang isip niya kung tama ba talagang pagkatiwalaan ang taong kailan lamang niya nakilala. Palabas na sana si Mica ng opisina nang may humarang na babaeng nasa edad bente sa kanya sa lobby.
"Ikaw ba si Mica?" bungad nito. Mapapansin dito ang may kalakihan nitong tiyan.
"Yes, ako nga. May kailangan ka?"
"Ako si Digna, girlfriend ni Erwin. Sana tigilan mo na ang paglapit sa kanya! Buntis ako at siya ang ama." Napatingin sa kanila ang mga tao sa lobby na ikinairita pa lalo ni Mica.
"Teka miss, for your information hindi ako lumalapit sa kanya. At lalong hindi ko alam na may girlfriend siya. So, kung wala ka ng sasabihin, I better go."
Dali-dali siyang lumabas ng building at wala sa sariling lumayo.
"Pera lang ang habol niya sa'yo. Iiwan ka rin niya pag nagtagal." pahabol pa ni Digna.
GANON man ang nangyari, tumuloy pa ring makipagkita si Mica kay Erwin. Gulung-gulo ang isip niya habang nagdadrive. Gusto niyang komprontahin si Erwin ngunit nagtatalo ang isip niya.
"Heto na ang pera. May kailangan ka pa ba? May gagawin pa kasi ako eh." malamig na sabi ni Mica.
"Ah, wala na. Salamat dito ha. Pangako, babayaran ko rin sa'yo." nakangiting tugon ng binata.
"Sige." walang ganang sagot niya na ipinagtaka naman ni Erwin. Hindi nalang niya ito pinansin dahil baka nga nagmamadali ito at ma kailangan pang gawin.
Ilang araw ding hindi nagpakita si Erwin kay Mica pagkatapos no'n. Nabuo sa isip ni Mica na imposible naman talagang mahalin siya ng binata. Palagay niya'y totoo ang sinabi ni Digna na magkasintahan sila at pera lang ang habol nito sa kanya.
DALAWANG linggo ang lumipas nang muling makipagkita si Erwin kay Mica.
"Anong kailangan mo?" walang emosyong bungad ni Mica.
"Wala, namiss lang kita." masayang sambit ni Erwin ngunit nanatiling walang emosyon si Mica.
"Namiss mo ko o kailangan mo ng pera para sa babaeng nabuntis mo?" matigas na sabi nito.
"Anong sinasabi mo?"
"Si Digna!" madiing bigkas ni Mica na siya namang ikinabigla ni Erwin. "Ano, hindi ka pa rin aamin? Nagpunta siya sa'kin no'n para sabihing layuan kita dahil buntis siya at pineperahan mo lang ako." Garalgal na sabi ni Mica. Nanatili namang tahimik at matamang nakikinig si Erwin.
"Kaya pala ang tagal mo bago magpakita sa'kin. Bakit ubos na ba yung binigay ko sa'yo ha?" Galit na sabi ni Mica saka hinampas ang mesa.
Umayos ng upo si Erwin saka pilit na pinipigilan ang namumuong luha sa mata niya.
"Ganyan ba ang tingin mo sa'kin, mukhang pera?" garalgal niyang sabi. "Si Digna? Ex girlfriend ko 'yon. Tama ka, buntis nga siya ngayon. Pero alam kong hindi sa'kin yon. Sakin niya pinapaako dahil tinakbuhan siya ng hayop na nakabuntis sa kanya." saad ni Erwin sabay ng pagdaloy ng luha niya.
"Ayos lang naman sa'kin na paghinalaan mo 'ko dahil hindi pa tayo lubos na magkakilala. Pero yung paghinalaan mo 'ko tungkol sa pera? Dios ko naman. Mahirap lang kami pero hindi ko magagawang manloko ng tao para magkapera." naiiyak na sabi ni Erwin saka tumayo at may kinuha sa bulsa niya.
"Heto oh! Para matigil na." paglapag niya ng perang pambayad kay Mica. "Nakipagkita lang naman ako sa'yo para isoli yung perang hiniram ko." hirap sa paghingang bugso ni Erwin.
"Gabi-gabi akong nagpuyat mabayaran ka lang. Sorry kung natagalan ha! Sorry din dahil napakababa pala ng tingin mo sa'kin!"
Masama ang loob na umalis si Erwin. Hindi siya makapaniwala na nagawang maniwala ni Mica sa sabi-sabi sa kabila ng kaunti ngunit maayos nilang pinagsamahan.
Simula ng pangyayaring 'yon ay nawalan na ng komunikasyon sina Erwin at Mica. Pareho nilang gustong humingi ng despensa sa isa't isa ngunit kapwa nauunahan sila ng hiya.
ISANG umaga'y napagpasyahan ni Erwin na puntahan si Mica, lunukin ang pride at makipag-ayos sa minamahal niya. Sa kabila ng nangyari'y ang damdamin pa rin niya ang nangingibabaw para sa dalaga.
Hindi niya naabutan sa bahay si Mica at ang sumalubong lang sa kanya ay ang pupungas-pungas na si Gio.
"Pasok ka Erwin?" bati ni Gio pagkabukas ng gate. Mapapansin sa itsura nito na tila may iniindang sakit.
"Ayos ka lang Gio?" tanong dito ni Erwin nang mapansing tila nahihilo ito. Hindi pa nakakasagot si Gio nang biglang bumagsak ito at nawalan ng malay.
FINAL CHAPTER
MADILIM ang buong bahay nang maihatid ni Erwin si Gio. Kapwa tahimik ang dalawa at walang gana para magsalita.
"Erwin, salamat sa pagsama sakin. 'Wag muna sanang makakarating kay Mama yung nalaman mo." malungkot na usal ni Gio. Hindi naman malaman ni Erwin kung ano ang isasagot sa binata.
"Hanggang kailan mo balak itatago kay Mica 'yan?" si Erwin.
"Hindi ko alam Erwin. Ayaw kong mag-alala si mama." mahinang sambit ni Gio saka namayani ang katahimikan.
"Erwin, sana kapag wala na 'ko, ikaw na ang bahala kay mama." tila paghahabilin ni Gio. "Simula nang dumating ka noon ko lang siya nakitang ganoon kasaya. Sana wag mo siyang lokohin gaya ng ginawa ng Papa ko." mahinang usal nito na halatang pinipigilan ang paggaralgal ng boses.
"Wag mong sabihin yan Gio. Sabi naman ng doktor madadala pa ng chemo para matanggal yung tumor sa utak mo. May pag-asa ka pa." si Erwin.
Lingid sa kaalaman nila ay kanina pang nakarating si Mica sa loob ng bahay. Dinig na dinig nito ang lahat ng pinag-usapan nila ni Erwin. Tumutulo ang luha nito sa isang sulok dahil sa rebelasyong narinig nito. Hindi siya makapaniwalang ang anak na iningatan ng kay tagal ay may iniinda palang matinding karamdaman.
"Totoo ba ang narinig ko Gio?" lumuluhang sambit ni Mica mula sa likuran nila. "'Wag niyo ng isikreto dahil narinig ko ng lahat."
Sa halip na sumagot ay yumakap 'to sa ina at humihikbing umiyak. "Benign tumor ma. Sabi ng doctor kailangan daw tanggalin dahil delikado na." hirap sa pagsasalitang sambit ni Gio. Humarap si Mica sa kanya at pinunasan ng kamay ang mga luha ni Gio.
"Huwag kang mag-alala anak. Hahanap tayo ng magaling na doctor. Alam kong malalagpasan natin 'to. Lagi mong tandaang hindi ka nag-iisa." pagpapalakas loob niya sa anak. Ang totoo'y labis siyang pinanghinaan sa nalaman ngunit alam niya higit na kailangan ng anak ang pagdamay niya.
IPINAGAMOT nga ni Mica ang anak. Kung sinu-sinong doctor pa ang kinunsulta ng mga ito ngunit pare-pareho lang ang kanilang naging sagot, ang tanggalin ang tumor.
Pagkatapos ng maraming pagsusuri ay sinimulan ang operasyon. Natapos naman ito ng maayos ngunit kailangan pa ring sumailalim ni Gio sa operasyon para matiyak na mawala ang cancer cells sa utak niya. Gayunman, hindi pa rin naging maganda ang reaksyon ng katawan niya. Naging madalas ang pagsuka niya at ang pagsakit ng kanyang ulo.
"Ma, ayoko na." umiiyak na sabi ni Gio. Wala namang magawa ang ina kundi yakapin ang anak. Nais niyang ibalik ang panahon na ang sakit na nararamdaman ng anak ay kayang patigilin ng isang pirasong candy.
"Dios ko, kung pwede lang na sa akin mo ibigay ang sakit na nararamdam ni Gio. Sana sa'kin nalang. Parang nahahati ang puso ko sa tuwing nakikita siyang nahihirapan. Handa po akong talikuran ang pansariling kaligayahan huwag niyo lang kunin ang anak ko." taimtim na panalangin ni Mica.
Sa lahat ng sandali ng kalungkutan ni Mica ay hindi siya iniwan ni Erwin. Magkaramay sila sa bawat sakit at pagluha ni Gio. Gayunman, tinuldukan na ni Mica ang samahan nila dahil alam niyang higit na kailangan ni Gio ang isang ina.
Sa paglipas ng araw ay hindi rin bumuti ang lagay ni Gio. Halata sa katawan niya ang pamamayat dahil sa paulit-ulit na pagtusok ng karayom at pagsasalin ng dugo.
Nanghina na rin ito matapos ang dalawang chemo therapy. Ayaw ng tanggapin ng sikmura niya ang anumang pagkain na ihain sa kanya. Pawang sa tubig at dextrose nalang siya umasa para makakain.
"Erwin, alagaan mo ang mama ko ha. Tulungan mo 'kong gawin ang mga bagay na hindi ko na magagawa sa kanya." nanghihinang wika ni Gio habang nasa harapan niya si Erwin at ang ina.
"Alam kong ikaw ang tamang lalaki para sa kanya. Kaya ka siguro dumating para tuparin ng Dios ang hiling ko na huwag siyang iwan ng mag-isa. Huwag mo sanang pababayaan si mama ha." dahan-dahang sambit niya habang tuloy-tuloy ang pagdaloy ng luha. Bagamat hirap sa pagsasalita dahil sa oxygen na nasa ilong niya, pinilit pa ring ihabilin ang inang umaruga sa kanya.
"Anak, wag ka namang ganyan. Magagawa mo bang iwan si mama ha?" umiiyak na ring wika ni Mica. Maging ang mga nurse at kaibigan ni Gio sa paligid ay di na rin mapigilang maiyak dahil sa eksena.
"Ma, sorry ha. Pinipilit kong lumaban pero hindi ko na talaga kaya." humihikbing sambit ni Gio. "Ayaw po kitang iwan pero hanggang dito nalang ako. Sana ma, naging masaya ka na ako ang naging anak mo. Alagaan mo ang sarili mo ha. Mahal na mahal kita ma."
Pagkasabi ni Gio no'n ay unti-unti niyang ipinikit ang kanyang mata. Tuluyan ng binawi si Gio sa kanyang ina.
"'Wag ka ng umiyak ma. Alam mo namang ayaw kong nakikitang malungkot ka di ba?" tila naririnig na bulong ni Mica habang nakaupo sa harap ng puntod ni Gio.
Sa halip na tumigil sa pag-iyak ay lalo pang bumuhos ang pinipigilan niyang emosyon. "Ang daya mo naman anak, sabi mo pa no'n walang iwanan. Yun pala ikaw lang ang mang-iiwan."
Lumapit kay Mica si Erwin at inabutan siya ng panyo. "Nandito pa naman ako Mica. Pangako ko sa'yong hindi kita iiwan gaya ng pangako ko kay Gio."
"Sana hindi ka nalang nangako. Ganyan din kasi ang sinabi sa'kin ni Gio at ng ama niya pero iniwan din nila 'ko." saad ni Mica.
"Mica, magkakaiba ang mga lalaki. May mapagsamantala pero meron ding siryoso. May sinungaling pero merong totoo. Si Gio, alam mong mahal ka ng anak mo. Mabigat sa kalooban niyang iwan kang nag-iisa. Kaya sana 'wag mong isarado ang puso mo sa'kin." paliwanag ni Erwin.
"Erwin hindi ko pa kayang tanggapin yung pagmamahal mo. Bata ka pa. Padalus-dalos. Sa ngayon, hayaan mo munang ipagluksa ko ang pagkawala ni Gio."
Pagkasabi ni Mica no'n ay kusa ng lumayo si Erwin. Tama siyang hindi pa panahon para ipilit niya ang pagmamahal niya dito lalo't kamamatay palang ng pinakamamahal na anak nito.
"Kapag nakatapos ka na ng pag-aaral at nagkatrabaho, at pareho pa rin ang nararamdaman mo sa'kin, bumalik ka sa lugar na 'to. Hihintayin kita Erwin." Pahabol na sabi ni Mica bago siya tuluyang umalis.
MAKALIPAS ang dalawang taon...
Habang nakaupo si Mica sa harap ng puntod ni Gio, hindi niya maiwasang alalahin ang anak. Ang malulutong nitong tawa, ang malambing nitong boses at ang mga yakap nito.
"Hindi man kita nakikita ngayon, anak. Alam 'kong lagi kang nasa tabi ko. Hindi ako natatakot mag-iisa dahil alam kong lagi kitang kasama." ani Mica sabay ng pag-ihip ng malamig na hangin.
Naalala din niya si Erwin ngunit hindi na siya umaasang babalik pa ito. Balita niya'y ganap na itong engineer at may maayos ng trabaho. Hindi niya alam ay isang lalaking tulad niya ang naghintay ng ikadalawang taon ng pagkamatay ni Gio ang unti-unting lumalapit mula sa likod niya.
"Gusto kong humingi ng tawad sa'yo Gio. Hiindi ko nagawa yung pangako kong aalagaan yung mama mo. Pero naisip ko rin, ano ba naman yung dalawang taon na mawawala ako kumpara sa habambuhay na kaya kong ibigay sa kanya." sambit ng boses mula sa likod niya.
Napalingon siya sa boses ng isang gwapong binata na may mapupulang labi at mapupungay na mata. Bumagay pa lalo sa kanya ang manipis na bigoteng tumutubo sa kanya.
"Erwin?" masayang bati ni Mica. Sa halip na sumagot si Erwin ay lumapit ito kay Mica at niyakap ito ng mahigpit.
"Salamat Erwin dahil nagbalik ka." lumuluha sa sayang si Mica.
"Hindi kita magawang limutin Mica. Dahil mahal na mahal kita.
"Mahal din kita Erwin." Pagkasabi ni Mica no'n aey tila magnet na naghinang ang kanilang mga labi. Maiinit na halik na puno ng pagmamahal. Pagmramahal na hindi nawala lumipas man ang panahon. Panahon na naglayo sa kanila ngunit nagbigay rin sa kanilang ng tamang pagkakataon.
***WAKAS***
No comments:
Post a Comment